Ang mga awtoridad sa kalusugan ay nagbabala sa publiko tungkol sa mga bagong kaso ng sakit na monkeypox na lumitaw sa United States (U.S.) at ilang bansa sa Europe.
“Ang pinakamababang pamantayan sa kalusugan ng publiko ay mapipigilan ang pagkalat ng monkeypox: isuot ang iyong pinaka-angkop na face mask, tiyaking maayos ang daloy ng hangin, panatilihing malinis ang mga kamay, at panatilihin ang physical distance. Ito ay magbibigay din ng proteksyon sa atin laban sa COVID-19,” sinabi ng Department of Health (DOH) sa isang public advisory noong May 20. Wala pang kaso ng monkeypox ang natukoy sa bansa habang isinusulat ito.
Ano ang monkeypox? Ang VERA Files Fact Check ay nakipag-usap sa isang animal virologist at isang eksperto sa nakakahawang sakit upang bigyang linaw ang sakit na ito.
1. Ano ang alam natin tungkol sa monkeypox?
Ang monkeypox ay isang viral zoonotic disease, na nangangahulugang ang virus na sanhi nito ay orihinal na nailipat mula sa mga hayop patungo sa mga tao.
Ang isang taong nahawaan ng monkeypox ay maaaring magkalat nito sa iba sa pamamagitan ng pagkakadikit sa balat na may galos na walang proteksyon, mga body fluid mula sa mga sugat sa balat, malalaking respiratory droplets, at kontaminadong gamit at lapag.
Ang nakikitang mga sintomas nito ay lagnat, matinding pananakit ng ulo, mga pantal sa balat, pananakit ng kalamnan, pananakit ng lalamunan, mababang enerhiya, at namamaga na mga lymph node na kadalasang tumatagal ng dalawa hanggang apat na linggo at “nawawala nang kusa nang walang paggamot,” ayon sa World Health Organization (WHO).
“Hindi siya ganun kabilis ang pagkalat kumpara sa COVID-19 … Wala siya ‘yung presymptomatic na kahit wala kang sintomas nalilipat mo na. Kailangan malapit na contact sa taong may mga sugat,” paliwanag ni Dr. Marissa Alejandria, isang dalubhasa sa mga nakakahawang sakit at propesor ng clinical epidemiology sa University of the Philippines College of Medicine, sa isang media forum noong Mayo 25.
Noong Mayo 21, nakatukoy ang WHO ng 92 na kumpirmado at 28 na pinaghihinalaang kaso ng monkeypox sa 12 bansa, kabilang ang Australia, France, Netherlands, Spain, at United Kingdom.
2. Ito ba ay isang bagong sakit?
Hindi.
Ang unang kaso ng monkeypox sa mga tao ay naitala noong 1970 sa Democratic Republic of Congo. Mula noon ay inuri na ito bilang “endemic” sa 11 bansa sa Africa, karamihan sa gitna at kanlurang bahagi ng kontinente, kabilang ang Benin, Cameroon, Central African Republic, Liberia, at Sierra Leone.
Kapag ang isang sakit ay itinuturing na endemic, nangangahulugan na ang antas ng epidemya ng mga kaso ay bumaba ngunit hindi pa ganap na nawala sa loob ng isang heyograpikong lugar. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Kailan matatapos ang COVID-19 pandemic?)
Ang mga kamakailang kaso ng monkeypox ay natagpuan sa mga “non-endemic” na bansa kung saan ang virus ay hindi pa nakikita noon.
Ipinaliwanag ni Dr. Cesar Nadala, isang dalubhasa sa mga virus ng hayop at mga sakit na viral, na ang mga zoonotic na sakit tulad ng monkeypox ay maaaring muling lumitaw dahil sa internasyonal na paglalakbay sa mga bansa kung saan ito ay endemic, pangangalakal ng hayop, at pagkonsumo ng mga kontaminadong produktong hayop. Aniya, hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ang orihinal na pinagmulan na hayop ng monkeypox virus.
“Dahil ang mga tao ay pumapasok sa mga kagubatan kung saan naroroon ang mga hayop na ito, kaya [may] mas maraming contact … mas maraming pagkakalantad sa mga virus na karaniwan sa mga hayop,” sabi sa Ingles ni Nadala, isang microbiologist na dalubhasa sa paglikha ng mga pagsusuri at iba pang mga diagnostic.
Sinabi ni Alejandria, presidente ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases, ang mga hayop na nauugnay sa monkeypox virus ay ang African dormouse, Gambian pouched rat, rope squirrel, at Sooty mangabey. Wala sa mga hayop na ito ang matatagpuan sa Pilipinas, dagdag niya.
3. Paano naiiba ang monkeypox sa bulutong?
Ang monkeypox at bulutong ay “malapit na nauugnay,” sabi ni Nadala, dahil kabilang sila sa parehong grupo ng “orthopoxviruses” na nakahahawa sa mga mammal at tao ng mga mikrobyo tulad ng cowpox, camelpox, at horsepox.
Ang mga orthopoxvirus ay mula sa pamilya ng poxviridae, na kinabibilangan ng mga virus na nagdudulot ng mga impeksyon na “karaniwang nagreresulta sa pagbuo ng mga sugat, nodule sa balat, o kalat na pantal.”
Narito kung paano inihahambing ang monkeypox sa bulutong:
4. Maiiwasan ba ito?
Walang tiyak na lunas na magagamit para sa monkeypox, ngunit sinasabi ng mga eksperto na maaari itong kontrolin sa pamamagitan ng mga bakuna at paggamot para sa iba pang mga kaugnay na sakit.
Maaaring gamitin ang bakuna sa bulutong para maiwasan ang monkeypox dahil binuo ito gamit ang isang antigen na nagbibigay ng immune response sa mga orthopoxvirus.
Ayon sa WHO, ang mga pag-aaral batay sa obserbasyon ay nagpapahiwatig na ang bakuna sa bulutong ay hindi bababa sa 85% na epektibo sa pagpigil sa malubhang kaso ng monkeypox.
Binanggit ng mga awtoridad sa kalusugan na may limitadong suplay ng mga bakuna sa bulutong mula nang mapuksa ang sakit sa buong mundo noong 1979. Sinabi ng WHO na nakikipagtulungan ito sa mga manufacturer “upang mapabuti ang pag-access” nito.
(Basahin ang VERA FILES FACT SHEET: Silipin ang mga iminungkahing ahensya ng kalusugan para sa virology at pagkontrol sa sakit )
Maaaring gamitin ang iba pang mga antiviral na paggamot gaya ng Cidofovir at Brincidofovir, Tecovirimat, at Vaccinia Immune Globulin “upang kontrolin ang pagsiklab ng monkeypox” dahil nagpapakita ang mga ito ng ilang proteksyon mula sa mga sakit na dulot ng mga orthopoxvirus o poxvirus.
Gayunpaman, nabanggit ng CDC sa U.S. na ang datos sa pagiging epektibo ng mga ito sa paggamot sa mga kaso ng monkeypox ng tao ay limitado.
5. Dapat bang mag-alala ang mga Pilipino?
Ilang eksperto sa kalusugan ang nagsabing “mababa” ang banta ng monkeypox sa Pilipinas.
“Kung wala kang malapit na contact, hindi mo ito makukuha [monkeypox],” binibigyang diin ni Nadala, at idinagdag na ang pagkalat ng virus ay malamang na “matagal.” Si Nadala ay kasama sa pananaliksik sa iminungkahing Virology and Vaccine Institute of the Philippines sa ilalim ng Department of Science and Technology.
“Kung ang monkeypox ay hindi masyadong nakamamatay, pagkatapos ay idagdag mo ang bakuna, at hindi rin ito nalilipat, mabilis mong makontrol ang pagkalat niya,” sabi niya.
Sinabi ni Dr. Alethea De Guzman, direktor IV ng DOH Epidemiology Bureau, na ang departamento ay naghahanda para sa posibilidad ng mga kaso ng monkeypox na pumasok sa bansa sa pamamagitan ng “pagpapalakas ng screening sa mga border at aktibong pagsubaybay sa sitwasyon.” Idinagdag niya na inihahanda ng DOH ang kapasidad ng bansa para sa pag test ng mga hinihinalang kaso ng monkeypox at pagtitiyak ng isolation sa mga quarantine facility at paggamot kung makumpirma ang mga lokal na kaso.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Department of Health, Public Health Advisory: Monkeypox, May 20, 2022
World Health Organization, Monkeypox, May 20, 2022
Department of Health, Media Forum, May 25, 2022
World Health Organization, Multi-country monkeypox outbreak in non-endemic countries, May 21, 2022
World Health Organization, Monkeypox, May 19, 2022
Dr. Marissa Alejandria, Monkeypox Presentation (WHO).pdf, May 25, 2022
Scientific American, What is monkeypox? A microbiologist explains what’s known about this smallpox cousin, May 20, 2022
U.S. Centers for Disease Control and Prevention, Vaccine Basics | Smallpox
U.S. Centers for Disease Control and Prevention, Treatment | Monkeypox | Poxvirus,
California Department of Public Health, Monkeypox, May 23, 2022
Science Direct, Monkeypox – an overview
U.S. Centers for Disease Control and Prevention, Signs and Symptoms | Monkeypox | Poxvirus
U.S. National Institutes of Health, Smallpox: gone but not forgotten
U.S. Centers for Disease Control and Prevention, Transmission | Smallpox
U.S. Centers for Disease Control and Prevention, Transmission | Monkeypox | Poxvirus
Science Direct, Orthopoxvirus – an overview
U.S. Centers for Disease Control and Prevention, Poxvirus Diseases | Pox Viruses
Science Direct, Poxviridae – an overview
U.S. Centers for Disease Control and Prevention, Smallpox & Other Orthopoxvirus-Associated Infections
Science Direct, Monkeypox – an overview | ScienceDirect Topics
Dr. Cesar Nadala, Personal communication (call), May 26, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)