Halos dalawang taon na ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, at ang mga variant ng novel coronavirus ay nagiging “fitter and better” sa panghahawa ng sakit sa mga tao, ayon sa World Health Organization (WHO).
“Ang mga outbreak tulad nito ay sumusubok sa kapasidad ng pamahalaan at lipunan sa kabuuan na tumugon sa mga paraan na nagbibigay ng pinakamaraming benepisyo at hindi gaanong nakapipinsala sa mamamayan,” sabi sa Ingles ni Esperanza Cabral, dating health secretary, sa isang email sa VERA Files Fact Check.
Upang palakasin ang katatagan ng Pilipinas sa mga public health emergency, nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na magpasa ng batas na lumilikha ng dalawang bagong ahensyang pangkalusugan—isa ang susubaybay sa mga nakakahawang sakit at ang isa ang tututok sa pag-aaral tungkol sa mga virus at viral disease—sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 26.
Dalawang araw matapos ang kahilingan ng pangulo, ipinasa ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang dalawang panukala na maglilikha ng Philippine Center for Disease Prevention and Control (CDC) at ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VIP). Ang mga katuwang na panukalang CDC at VIP sa Senado ay nananatiling nakabinbin sa antas ng komite.
Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mga health agency na ito? Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman:
1. Ano ang magiging anyo ng mga ahensyang pangkalusugan na ito?
Ang Philippine CDC na inaprubahan ng House ay magsisilbing awtoridad sa pagtataya, pag-iwas, pagsubaybay, at pagkontrol sa mga sakit, pinsala, at kapansanan na lokal at pandaigdigang alalahanin.
Kung maisabatas, sinabi ni Health undersecretary Rosario Singh-Vergeire sa isang media forum noong Agosto 11 na ang magkakahiwalay na ahensya na namamahala sa kasalukuyang pagtugon sa pandemic ay maii-streamline sa CDC.
Batay sa mga panukala ng House at Senado, ang mga yunit ng DOH na maaaring ilipat sa CDC ay kinabibilangan ng:
Katulad ng panukala ng House, ang tatlong panukalang batas sa Senado na hiwalay na inihain nina senador Grace Poe (SB 1450), Richard Gordon (SB 1440), at Christopher “Bong” Go (SB 2158) ay lahat nagmumungkahi na ang bagong CDC ay ikabit sa Department of Health (DOH).
Ngunit tinutulan ni Gordon ang panukala na ilagay ang CDC sa ilalim ng DOH Office of the Secretary, at sinabing dapat itong maging “independiyente” na napapailalim sa “ilang mga kontrol ng Pangulo o ng isang advisory board.”
“Ang dahilan kung bakit mayroon kang Center for Disease Control ay gusto mong makakuha ng mga doktor na independiyente ang pag-iisip, hindi para maingat na gumawa ng kanilang daan tungo sa isang political minefield,” aniya sa Ingles sa isang pulong ng Senate Committee on Health noong Mayo.
Samantala, layunin ng VIP, tulad ng iminungkahi ng parehong mga sangay ng Kongreso, na manguna sa pananaliksik at pag debelop ng mga bakuna at testing kit, gayundin sa diagnosis at paggamot ng mga viral disease, sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST). Ang pasilidad nito ay planong itayo sa New Clark City sa Tarlac sa 2023, ayon sa DOST.
Kung maitatatag, sinabi ni Science and Technology Secretary Fortunato De la Peña sa isang email sa VERA Files Fact Check na ang VIP ay magiging “key player” sa paggawa ng pananaliksik sa mga virus at viral disease mula sa mga tao, halaman, at hayop at pag debelop ng bakuna para sa bansa.
Apat na countermeasure ng VIP bill sa Senado ang isinangguni na sa mga komite sa Science and Technology, Health at Demography, Ways and Means, at Finance habang inilalathala ito.
2. Magkano ang magagasta para sa mga ito?
Sinabi ni Vergeire na pinag-uusapan pa ang budget para sa CDC, habang humihingi ang DOST sa Kongreso ng P2 bilyon bilang paunang pondo para sa VIP, ayon kay De la Peña.
Noong Mayo, inanunsyo ng DOST ang pag-apruba ng anim na foundation studies na nagkakahalaga ng P284 milyon na ipatutupad ng Industrial Technology Development Institute nito bilang bahagi ng paunang pananaliksik para sa iminungkahing Virology Institute.
3. Paano nakakaapekto ang paglikha ng dalawang ahensya sa pagtugon ng bansa sa pandemic?
Sa gitna ng limitadong supply sa bansa, sinabi ng DOST na ang VIP ay maaaring gawing “self-reliant at mas pandemic-ready” ang Pilipinas gamit ang mga lokal na binuo at mas murang teknolohiya tulad ng mga bakuna, testing kit, at iba pang paggamot na mas madaling makuha ng mga Pilipino.
Sa isang email sa VERA Files Fact Check, sinabi ni Rowena Guevara, DOST undersecretary for research and development, na ang pagtugon ng bansa sa COVID-19 pandemic ay “bumagal dahil kailangan nating umasa sa supply ng mga test kit at bakuna mula sa ibang bansa na nag debelop at gumawa ng mga ito.”
Samakatuwid, ang isa sa mga unang proyekto ng Institute kasama ang RITM ay ang pag debelop ng mga antibody test kit para sa COVID-19. Ito ay “tutugon sa kasalukuyang pangangailangan ng bansa na humigit-kumulang 90,000 tests araw-araw” laban sa kasalukuyang kapasidad na “halos kalahati lamang niyan,” ayon kay Dela Peña.
Ang isa pang proyekto ng pananaliksik kasama ang St. Luke’s Medical Center ay titingnan ang antigenic peptides ー na gawa synthetically mula sa mga protina ng COVID-19 virus na may kakayahang immune response ー bilang mga potensyal na kandidatong bakuna laban sa COVID-19 at ang mga variant nito.
Ang CDC, sa kabilang banda, ay inaasahang “i-modernize” ang paghahanda ng publiko sa health emergency at mga kakayahan sa pagtugon ng bansa, batay sa panukala ng House.
Sinabi ni Vergeire sa mga mamamahayag sa isang media forum na “isasaayos ng CDC ang pambansang sistema ng pampublikong kalusugan” upang gawin itong “mas handa” kung sakaling makaron ng isa pang pandemic sa mga darating na taon.
“Mapapabuti nito ang ating kapasidad bilang isang bansa na tumugon sa mga alalahanin sa kalusugan ng publiko sa pamamagitan ng surveillance research, emergency response, at magkaroon ng coordinative mechanism para sa mga lokal na pamahalaan,” sinabi niya sa pinaghalong Ingles at Filipino.
Bilang bahagi ng programa ng modernisasyon, plano din ng panukalang batas na inaprubahan ng House na magtatag ng mga katuwang ng CDC sa lahat ng rehiyon na magpapatupad ng mga patakaran, magbibigay ng emergency response, at magsasagawa ng pampublikong pananaliksik na may kaugnayan sa kalusugan, bukod sa iba pang mga tungkulin.
Gayunpaman, nakikita ni dating health secretary Cabral ang “maraming darating na mga hamon,” partikular sa pagpapatupad ng CDC. Kabilang sa mga ito ang pagkakaroon ng pondo upang simulan at mapanatili ang imprastraktura at operasyon ng center, ang pangangailangan ng trained na tauhan at patuloy na pagbuo ng kapasidad para sa kanila, at “kalayaan mula sa masamang pakikialam ng pulitika.”
Tungkol sa agarang pangangailangan nito, sinabi ni Cabral na “ito ay kagyat na kailangan, ngunit maraming iba pang mga bagay na kailangan din nating gawin upang mapabuti ang ating pagtugon sa mga pandemic sa partikular at sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa pangkalahatan.”
Ang bilang ng mga COVID-19 infection sa bansa ay umabot na sa 1.89 milyong Pilipino, na may 131,921 aktibong kaso at 32,728 na namatay hanggang noong Agosto 26.
Mga Pinagmulan
Department of Health, Beat COVID-19 Media Forum, Aug. 11, 2021
Department of Health, Beat COVID-19 Media Forum, Aug. 13, 2021
Philippine Center for Disease Control
- House of Representatives, House Bill No. 9560
- Senate of the Philippines, Senate Bills No. 1440, 1450, 1445, 2158
- Senate of the Philippines, Public Hearing of the Committee on Health and Demography joint with Committee on Finance, May 6, 2021
Virology Institute of the Philippines
- House of Representatives, House Bills No. 6913, 9559
- Senate of the Philippines, Senate Bills No. 1543, 2241, 2155, 6913
- Philippine News Agency, Palace views creation of virology institute as ‘long-term’ plan, Aug. 14 2020
- Department of Science and Technology, DOST gets 284 M funding for Virology Institute in 2021, Nov. 4, 2020
- Senate of the Philippines, Bill establishing the Virology Science and Technology Institute of the Philippines filed by Bong Go to make Phl more prepared to face future health crises, May 6, 2021
- ABS-CBN News, Virology Institute of the Philippines to rise in Tarlac in 2 years: DOST, May 25, 2021
- Inquirer.net, PH’s Virology Institute to rise in end-2023 or in 2024 — DOST, May 25, 2021
- ABS-CBN News, Vaccine self-reliant PH? DOST says jabs may be manufactured in country by 2022, April 17, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)