Ipinahayag kamakailan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang COVID-19 infection na dulot ng Omicron variant ay “tulad ng pagkakaroon ng trangkaso.” Ang pahayag na ito ay nangangailangan ng konteksto.
PAHAYAG
Sa isang press briefing noong Hulyo 5, tinanong si Marcos Jr. kung maglalabas siya ng agarang direktiba matapos na maitala ng Department of Health (DOH) ang mahigit 7,000 aktibong kaso ng COVID-19 noong unang bahagi ng Hulyo.
Sumagot siya na ang Pilipinas ay mayroon pa ring “kakayahang pangasiwaan ang mga bagong kaso ng COVID-19,” na sinasabi na “ibang-iba ang Omicron” sa mga naunang variant dahil ito ay “medyo nakakahawa ngunit hindi ito nakakasakit nang husto.”
Pagkatapos ay sinabi ng pangulo:
“In fact, the general experience has been… people are down maybe for two, maybe three days, and that’s like [the] flu. It’s like having [the] flu.”
(Sa katunayan, ang pangkalahatang karanasan ay… ang mga tao ay bagsak siguro ng dalawa, marahil tatlong araw, at iyon ay tulad ng trangkaso. Parang [kang] matrangkaso.)
Pinagmulan: RVMalacañang, Press Briefing of President Ferdinand R. Marcos Jr., Hulyo 5, 2022, panoorin mula 19:24 – 19:35
Idinagdag niya:
“We are getting to that point where we are learning to live with the coronavirus, specifically with the Omicron variant and the other variants that are coming.”
(Dumarating na tayo sa puntong natututo tayong mamuhay kasama ang coronavirus, partikular sa Omicron variant at sa iba pang mga variant na paparating.)
Pinagmulan: panoorin mula 19:36 – 19:49
ANG KATOTOHANAN
Sa pangkalahatan, hindi tama na direktang ihambing ang trangkaso sa COVID-19 dahil “[ang COVID-19] ay nasa isang estado ng krisis na may maraming kumplikadong mga layer sa impeksyon at kalubhaan,” ayon sa mga eksperto sa kalusugan mula sa Meedan, isang global technology nonprofit, sa isang email sa VERA Files Fact Check.
Idinagdag nito na kapag sinusukat sa mga tuntunin ng panganib ng kamatayan, “ipinakikita ng kasalukuyang datos na ang Omicron ay higit na nakamamatay kaysa sa trangkaso, lalo na sa mga bata.”
Binigyang-diin din ng World Health Organization (WHO) na sa kabila ng pagkakatulad ng ilang karaniwang sintomas, “ang trangkaso ay ibang sakit sa COVID-19 na dulot ng Omicron.” Bilang halimbawa, binanggit nito ang isang indibidwal na nahawaan ng COVID-19 ay maaaring makaranas ng mga sintomas nang mas matagal kaysa sa isang taong nagdurusa sa trangkaso.
Ang Omicron ay, sa ngayon, ang nangingibabaw na COVID-19 variant sa buong mundo. Ito ay inuri bilang isang variant of concern na may ilang natatanging bersyon: B.1.1.529, BA.1, BA.1.1, BA.2, BA.3, BA.4, at BA.5.
Ang mga bagong bersyon ng Omicron variant ay itinuturing na “lalong mabilis na magkalat ng sakit,” ayon sa isang artikulo noong Hulyo 5 na inilathala sa website ng Yale Medicine.
Batay sa update noong Hunyo 29 mula sa WHO, dumarami ang mga kaso ng BA.4 at BA.5 sa ilang bansa, kabilang ang United States (U.S.), United Kingdom (U.K.), at South Africa.
Ipinahihiwatig ng ilang pananaliksik na ang mga variant ng BA.4 at BA.5 ay nakalulusot sa ilang antibodies mula sa mga bakuna o mga naunang impeksiyon, bagaman sinasabi ng mga eksperto na marami pang ebidensya ang kailangan upang kumpirmahin ang pananaw na ito. Ang antibodies ay mga protina na ginagawa ng immune system ng isang tao na tumutulong sa paglaban sa mga impeksyon.
(Basahin ang VERA FILES FACT SHEET: Bakit nahahawa pa rin ng COVID-19 ang taong nabakunahan)
Ang BA.2, na nagdulot ng pagdami ng mga kaso sa Pilipinas sa unang bahagi ng taong ito, ay nakikita rin na mas madaling kumalat.
Ang DOH, ang Philippine Genome Center na nakabase sa University of the Philippines, at ang National Institutes of Health, ay nakakita ng 190 kaso ng Omicron sa pagitan ng Hunyo 29 at Hulyo 4, kabilang ang 43 kaso ng BA.5, 20 ng BA.2.12.1, at pito ng BA.4.
Noong Hulyo 4, mayroong 7,919 na kumpirmadong kaso ng Omicron sa bansa.
Bagama’t ang Omicron ay maaaring kumalat nang mas mabilis kaysa sa mas naunang mga variant, binanggit ng WHO na lumilitaw na ito ay nagiging sanhi ng hindi gaanong malubhang sakit at nabawasan ang dami ng namamatay kumpara sa Delta variant.
Sa isang press release noong Hulyo 5, sinabi ng DOH, “walang namatay sa mga kaso na nagpositibo sa mga Omicron sub-variant.”
“Sa ngayon, huwag nating ikumpara ang COVID-19 na parang trangkaso lang… Baka maging kampante ang mga tao kapag ginawa ninyo iyan,” sabi ni Health Undersecretary Rosario Singh-Vergeire sa Ingles sa isang media forum noong Hulyo 7.
“’Pag tiningnan natin ang trangkaso at kumpara sa COVID-19, kung patungkol sa kamatayan, mas madami na namamatay talaga sa COVID-19 sa ngayon dahil mayroon tayong pandemic,” dagdag niya.
“Darating tayo diyan na para talagang trangkaso dahil iyan ay hindi na mawawala,” sabi sa magkahalong Ingles at Filipino ni Vergeire, na hinihimok ang publiko na panatilihin ang tamang physical distancing, pagsusuot ng face mask, at up-to-date sa pagbabakuna para mabawasan ang pagkalat ng virus.
(Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Kailan matatapos ang COVID-19 pandemic?)
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
RTVMalacañang, Press Briefing of President Ferdinand R. Marcos Jr., July 5, 2022
Department of Health, Case Bulletin, July 4, 2022
Yale Medicine, Omicron, Delta, Alpha, and More: What To Know About the Coronavirus Variants, July 5, 2022
New England Journal of Medicine, Neutralization Escape by SARS-CoV-2 Omicron Subvariants BA.2.12.1, BA.4, and BA.5, June 22, 2022
European Center for Disease Control, Implications of the emergence and spread of the SARS-CoV-2 variants of concern BA.4 and BA.5 for the EU/EEA, June 13, 2022
Meedan Health Desk, Is Omicron more “mild” than other variants?, July 6, 2022
Nature, Why does the Omicron sub-variant spread faster than the original?, Feb. 16, 2022
Scientific American, What We Know about Omicron’s BA.2 Variant So Far, April 4, 2022
World Health Organization, Statement on Omicron sublineage BA.2, Feb. 22, 2022
Meedan Health Desk, What do we know about the BA.2 variant?, March 23, 2022
European Centre for Disease Control, SARS-CoV-2 variants of concern, June 30, 2022
U.S. Centers for Disease Control and Prevention, Similarities and Differences between Flu and COVID-19, Jan. 18, 2022
World Health Organization, Annex: Interim statement on the composition of current COVID-19 vaccines, June 17, 2022
World Health Organization, Weekly epidemiological update on COVID-19, June 29, 2022
Nature, What Omicron’s BA.4 and BA.5 variants mean for the pandemic, June 23, 2022
People’s Television Network, PANOORIN: Public Briefing #LagingHandaPH, June 1, 2022
Department of Health, DOH: ADDITIONAL OMICRON SUB-VARIANT CASES DETECTED IN LATEST WHOLE GENOME SEQUENCING RUN, July 5, 2022
World Health Organization, Severity of disease associated with Omicron variant as compared with Delta variant in hospitalized patients with suspected or confirmed SARS-CoV-2 infection, June 7, 2022
World Health Organization Regional Office for Eastern Mediterranean, Omicron vs influenza, March 2022
Department of Health, Beat COVID-19 Media Forum, July 7, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)