UPDATE May 16, 2023: Pres. Ferdinand Marcos Jr. extended the Malampaya Service Contract 38 due to expire on Feb. 22, 2024, for another 15 years (until Feb. 22, 2039) to be able to continue “the production and utilization of the remaining reserves of the Malampaya gas field, as well as further exploration and development of its untapped potential.”
Hiniling kamakailan ng isang mambabasa ng VERA Files Fact Check na linawin ang isyu tungkol sa pagmamay-ari ng Malampaya gas field sa malayong pampang sa hilagang-kanluran ng Palawan kasunod ng mga ulat na ang grupo ng bilyonaryong si Enrique Razon Jr., sa pamamagitan ng development arm na Prime Infrastructure Holdings (PIH), Inc., ay “nakahanda nang makuha ang controlling stake” sa proyekto sa pamamagitan ng isang kasunduan kay Dennis Uy, ang negosyanteng taga-Davao ng Udenna Corp., at sa nakikitang pagkaubos ng gas reserves nito sa 2027.
Ang Malampaya gas field, na gumagawa ng 429 million standard cubic feet ng natural gas kada araw noong 2015, ay nakabuo ng 3,200 megawatts ng kuryente sa pamamagitan ng pagsusuplay sa Avion, Ilijan, San Lorenzo, San Gabriel at Sta. Rita power stations sa Batangas. Nagbigay ito ng 20% ng pangangailangan sa kuryente ng bansa hanggang Hunyo 2022, nang ang kasunduan sa supply nito sa Ilijan power station ay natapos.
Isang consortium na binubuo ng mga pribadong korporasyon na Shell Philippines Exploration B.V. (SPEx), Udenna Corp., at Philippine National Oil Co.-Exploration Corp. (PNOC-EC) na pag-aari ng estado, ang nagmamay-ari at nagpapatakbo ng Malampaya sa pamamagitan ng kontrata ng gobyerno na magtatapos sa 2024.
Ngunit sa gitna ng mga alalahanin sa pagkaubos [ng gas reserves] pagdating ng 2027, ang Malampaya, ang pangunahing pinagmumulan ng non-renewable natural gas sa bansa, ay tinitipid ang suplay nito. Inaasahan ng consortium na mapapahaba ng ilang taon ang buhay ng Malampaya sa pamamagitan ng pagpapagawa ng imprastraktura para mapaigi ang access sa mga reserbang gas sa ilalim ng seabed.
Gayunpaman, ang Udenna Corp. ay nasa isang legal na usapin matapos magtaas ng “red flags” ang mga mambabatas tungkol sa kakayahan sa pananalapi at kadalubhasaan nito upang patakbuhin ang gas field.
Sa isang press release noong Mayo 15 sinabi ni dating chairman ng Senate Committee on Energy, Sen. Sherwin Gatchalian: “Kung napasakamay ng hindi maayos na kumpanya ang Malampaya, tayong lahat ay magiging dehado dito.”
Sino ang nagmamay-ari ng Malampaya ngayon? Ano ang nakataya? Paano maaapektuhan ang mga sambahayan? Narito ang apat na bagay na dapat mong malaman tungkol sa proyekto:
1. Ano ang Malampaya gas-to-power project?
Layunin ng Malampaya deepwater natural gas project na mabawasan ang pag-angkat ng langis at makagawa ng maaasahan at mas malinis na supply ng enerhiya para sa bansa.
Natuklasan ito noong 1992 at nagsimula ng komersyal na operasyon noong 2002 sa pamamagitan ng Service Contract (SC) 38 sa tatlong partido: SPEx at Chevron Malampaya LLC, na may 45% shares bawat isa, at PNOC-EC na may 10%.
Nilagdaan ni presidente Corazon Aquino noong 1990, ang SC 38 ay orihinal na nagbigay ng lisensya sa SPEx at Occidental Philippines Inc. (OXY) upang galugarin at kunin ang petroleum resources sa Malampaya gamit ang kanilang sariling pinansyal at teknikal na kakayahan.
Umalis ang OXY sa proyekto noong 1998 habang ang Texaco at PNOC-EC ay sumali noong 1999 at 2000, ayon sa pagkakabanggit. Ang Texaco ay sumanib sa Chevron noong 2001 na bumuo sa consortium na nag-develop at nagpatakbo ng Malampaya hanggang 2019.
Ayon sa DOE, ang Malampaya gas field ay may “napatunayang reserves na humigit-kumulang 2.7 trillion cubic feet ng natural gas at 885 milyong bariles ng condensate.” Ang lokasyon nito ay nasa mas malalim na bahagi ng Camago-Malampaya trench, 820 metro ang lalim at 80 kilometro ang layo sa baybayin ng isla ng Palawan.
“Ang [Malampaya] ang pinakamalaki at sa ngayon ay pangalawa lamang na komersyal na natuklasang gas sa Pilipinas,” dagdag ng departamento.
2. Bakit kritikal ang pagsasara ng Malampaya?
Sakaling mabigo ang Pilipinas na makabuo ng mas malaking suplay ng kuryente sa gitna ng inaasahang pagkaubos ng Malampaya, ang 2021 Energy Resource Guide ng DOE ay nagbabala na “mahaharap sa isang malaking krisis sa enerhiya” ang bansa.
Nakikita ng mga analyst ang mga potensyal na blackout at mas mataas na presyo ng enerhiya dahil ang bansa ay kailangang mag-angkat ng liquefied natural gas.
Ang pagbaba ng suplay ng Malampaya ay nagdulot ng pagtaas ng presyo ng kuryente na P0.06 hanggang P0.50 kada kilowatt hour (kWh) noong Marso, Abril at Hunyo sa mga lugar na sineserbisyuhan ng Meralco. Sakop nito ang Metro Manila at ang mga lalawigan ng Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Pampanga, Rizal at Quezon, kung saan ang mga estasyon ng kuryente na umaasa sa Malampaya ay gumamit ng mas mahal na likidong gasolina upang matugunan ang pangangailangan.
Sa loob ng tatlong buwang ito, ang isang karaniwang sambahayan ay nakakita ng pagtaas sa buwanang singil na P13 hanggang P107. Inuuri ng Meralco ang mga tipikal na kabahayan bilang mga kumukonsumo ng halos 200 kWh ng kuryente sa isang buwan.
Ang pagkaubos ng Malampaya ay mangangahulugan din ng pagkawala ng isang malaking asset na pinansyal para sa gobyerno. Ang Malampaya ay nakabuo ng P290.8 bilyon na kita mula 2002 hanggang 2021, ayon sa ulat ng Senado noong Pebrero 2.
Dahil sa inaasahang pagsasara ng Malampaya, pinahintulutan ng gobyerno ang pagpapaunlad ng Sampaguita gas field sa Recto (Reed) Bank, na pinaniniwalaang may tinatayang 3.1 trilyon cubic feet ng gas reserves. Sa ilalim ng SC 72, nagsimulang mag-drill ang Forum Energy Ltd. sa Recto Bank noong 2011, na dapat nakumpleto noong 2018, bago pa man mangyari ang nakikitang pagkaubos ng Malampaya reserves.
Ngunit naglabas ng moratorium noong 2014 ang noo’y pangulong Benigno Aquino III, na nagpahinto sa oil at gas exploration sa lugar dahil sa tumataas na tensyon sa pagitan ng China, na patuloy na inaangkin ito sa kabila ng 2016 arbitral ruling sa The Hague na nagdedeklara sa lugar bilang bahagi ng 200-nautical mile exclusive economic zone ng Pilipinas.
Tumanggi ang China na kilalanin ang arbitral award ng Pilipinas. Nanatiling nakabitin ang drilling sa Recto Bank hanggang 2020, nang alisin ng DOE ang moratorium kasunod ng paglagda noong 2018 sa joint oil at gas exploration document ng dalawang bansa.
(Basahin: The PH-China MOU on cooperation on oil and gas development)
3. Ano ang mga legal na isyu kaugnay ng proyekto?
Binili ng Udenna Corp. ang 45% non-operated interest ng Chevron sa Malampaya project noong Nobyembre 13, 2019 sa halagang $565 milyon. Ang pagbili ay sa pamamagitan ng subsidiary ng Udenna na UC Malampaya Philippines Pte Ltd., na itinatag dalawang buwan lamang bago ang bentahan. Pinalitan ng UC Malampaya ang pangalan ng bahagi ng Chevron sa proyekto ng UC 38 LLC.
Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, ang Joint Operating Agreement ng SC 38 ay nag-aatas na ang mga shareholder ay “dapat pumayag muna sa pagbebenta ng anuman o lahat ng kalahok na interes” sa Malampaya project. Pagkatapos ay susuriin ng DOE ang mga papasok na pribadong entidad para sa kanilang mga legal, pinansyal at teknikal na kakayahan bago igawad ang mga share.
Ang pagbebenta ng mga share ng Chevron sa UC Malampaya ay nakumpleto noong Marso 2020, at inaprubahan ng DOE ang buyout nang sumunod na taon.
Noong Mayo 2021, pumirma ang Udenna ng isa pang deal para makuha ang 45% na interes ng Shell sa Malampaya, sa pagkakataong ito sa halagang $460 milyon. Itinalaga nito ang iba pang subsidiary nito, ang Malampaya Energy XP Pte. Ltd., upang kunin ang mga operasyon sa Shell. Ang Malampaya Energy ay na-incorporate isang buwan lamang bago ang pagkakabili sa Shell.
Ngunit binawi ng PNOC-EC, ang tanging pampublikong partido na kasangkot sa proyekto, ang pahintulot nito sa buyout noong Dis. 13, na nagpahinto sa pagkumpleto ng transaksyon.
Sa isang email sa VERA Files Fact Check, sinabi ng PNOC-EC na ito ay “legal na pinipigilan ng [c]onfidential na mga obligasyon sa mga kasangkot na partido” sa pagkomento sa dahilan ng pagkilos na ito.
Sina Cusi at Uy, kasama ang mga executive ng PNOC-EC, ay nahaharap sa mga kasong graft na isinampa sa Office of the Ombudsman noong Oktubre 18, 2021 dahil sa umano’y pagsasabwatan at iba pang anomalya sa pagkuha ni Udenna ng Chevron shares.
Inakusahan ng mga nagrereklamo si Cusi, na nagsisilbi rin bilang ex-officio chairman ng PNOC, ng “gross negligence” matapos niyang “padaliin ang paglipat ng mga karapatan at obligasyon ng Chevron sa Udenna sa kabila ng kaalaman na ang transaksyon ay walang paunang pag-apruba mula sa DOE.”
Iginigiit ng Udenna na ang kasunduan nito sa Chevron at Shell ay “hindi nangangailangan” ng pag-apruba ng DOE dahil ito ay isang pribadong transaksyon sa negosyo na hindi kasama ang “paglipat ng anumang mga karapatan ng mga obligasyon.”
Sa bahagi nito, hinimok ng Senado ang Ombudsman noong Pebrero na magsampa ng mga kasong graft at administratibo laban kay Cusi at iba pang opisyal ng DOE para sa “pag-railroad” ng pagbebenta ng stake ng Chevron sa UC Malampaya, na may problema umano sa pananalapi. Sa isang pagdinig noong Setyembre 28, sinabi ni Gatchalian na ang UC Malampaya ay “financially unqualified” dahil ang kapital nito ay negative $137 milyon nang bilhin nito ang Chevron shares.
Kinuwestiyon din ng Senado ang teknikal na kadalubhasaan ng Udenna, na binanggit ang kakulangan nito ng karanasan sa oil at gas exploration.
4. Ano ang sitwasyon ngayon?
Sinabi ni Cusi, sa isang pahayag noong Hunyo 3, na ang Udenna ay nasa “proseso” pa rin ng pagbili ng interes ng Shell sa Malampaya.
Ngunit habang nasa ere pa ang bentahan, inihayag ni PIH tycoon Enrique Razon Jr. noong Hunyo 2 na “nakahanda na itong makuha ang controlling stake” sa Malampaya. Walang mga detalye tungkol dito na ibinigay, ngunit sinabi ng PIH na ang transaksyon ay “titiyakin ang pagpapatuloy ng produksyon hangga’t sinusuportahan ito ng mga reserve.”
Makalipas ang tatlong linggo, kumalas ang Pilipinas sa pakikipag-usap tungkol sa joint energy exploration sa China sa West Philippine Sea. Ang anunsyo ni dating foreign secretary Teodoro Locsin Jr. sa desisyon ay dumating tatlong buwan matapos muling suspendihin ng DOE ang drilling activities sa Recto Bank noong Marso dahil sa panggigipit ng China sa mga survey vessel na inupahan ng mga service contractor.
(Basahin: Energy crisis looms as PH drops joint oil and gas exploration with China)
Nang ang paghahanda para sa joint deal ay isinasagawa tatlong taon na ang nakararaan, sinabi ng DFA chief noon na si Alan Peter Cayetano na ang kasunduan sa China ay magiging “pantay o mas mabuti” kaysa sa kasunduan para sa Malampaya project.
Upang ipaliwanag ang desisyon ng gobyerno na ihinto ang pag-uusap sa joint exploration, sinabi ni Locsin, na humalili kay Cayetano sa DFA, “Tatlong taon na ang nakalipas at hindi pa natin nakamit ang layunin nating mag debelop ng mga mapagkukunan ng langis at gas na napakahalaga para sa Pilipinas — ngunit kapalit ng soberanya; wala kahit isang butil nito.”
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Shell official website, MALAMPAYA PHASES 2 & 3, Na-access noong Hulyo 6, 2022
Malampaya official website, OVERVIEW OF MALAMPAYA, Na-access noong Hulyo 4, 2022
Malampaya official website, Technology, Na-access noong Hunyo 22, 2022
Manila Bulletin official website, Malampaya loses Ilijan’s 1,200 MW supply contract, Hunyo 5, 2022
Business Mirror official website, Ilijan power plant to stop supply from Malampaya, Hunyo 6, 2022
Manila Standard official website, Shell set to end natural gas supply to Ilijan power plant, Hunyo 5, 2022
Business World official website, Malampaya depletion expected by 1st quarter of 2027, Mayo 19, 2021
Philstar.com official website, Shell sees extension of gas supply up to 2030, Abril 5, 2019
Reuters official website, Philippines’ Malampaya gas project can be extended for several years -Udenna president, Disyembre 6, 2021
Business World official website, Udenna units seek to extend Malampaya life, Agosto 5, 2021
Department of Energy official website, Philippine Energy Plan, Enero 10, 2022
Department of Energy official website, DOE Statement on the Malampaya Phases 2 and 3, Na-access noong Hulyo 4, 2022
Senate official website, Never entrust Malampaya to Udenna, UC Malampaya Philippines – De Lima, Disyembre 20, 2021
Senate official website, Hontiveros questions timing of ‘sweetheart deal’ in Malampaya shares; urges transparency in Udenna takeover, Disyembre 15, 2021
Senate official website, Gatchalian expresses grave concern over Malampaya’s fate in reported sale of stakes, Mayo 15, 2022
Shell Philippines official website, Exploration & Production, Na-access noong Hulyo 6, 2022
Department of Energy official website, MALAMPAYA DEEP WATER GAS TO POWER PROJECT, Na-access noong Hulyo 4, 2022
Philippine National Oil Company Exploration Corporation official website, Service Contract 38 – Malampaya Project, Na-access noong Hulyo 4, 2022
ResourceContracts.org, Shell Philippines Exploration B. V. – SC No. 38, 1990, Na-access noong Hulyo 6, 2022
Department of Energy official website, Malampaya Gas Field, Na-access noong Hulyo 4, 2022
International Trade Association official website, Energy Resource Guide Philippines — Oil and Gas, Na-access noong Hulyo 7, 2021
Energy Voice, Bleak outlook for Philippines upstream as Malampaya disappoints, Marso 9, 2021
Asia Pacific Bulletin official website, RUNNING OUT OF GAS IN THE PHILIPPINES: A BOON OR BANE?, Hunyo 13, 2022
PhilStar.com official website The importance of Malampaya: A story of power, Nobyembre 9, 2021
JG Summit Holdings official website, Meralco, Na-access noong Hulyo 5, 2022
Meralco official website, March 2022 Rates Updates, Marso 18, 2022
Meralco official website, April 2022 Rates Updates, Na-access noong Hulyo 5, 2022
Meralco official website, June 2022 Rates Updates, Na-access noong Hulyo 5, 2022
Senate official website, SUMMARY OF THE REPORT OF THE CHAIRMAN OF THE SENATE COMMITTEE ON ENERGY ON THE CHEVRON PHILIPPINES – UC MALAMPAYA TRANSACTION, Pebrero 2, 2022
PXP Energy official website, SC 72 Recto Bank, Na-access noong Hulyo 5, 2022
Permanent Court of Arbitration official website, IN THE MATTER OF THE SOUTH CHINA SEA ARBITRATION, Hulyo 12, 2016
Department of Energy official website, Petroleum Service Contract Operators, Na-access noong Hulyo 6, 2022
Business World official website, China refuses to recognize arbitral ruling, Agosto 30, 2019
The Guardian official website, Beijing rejects tribunal’s ruling in South China Sea case, Hulyo 12, 2016
CNN Philippines official website, China on PH’s 2016 arbitral win: ‘Illegal, null, and void’, Hulyo 13, 2021
Department of Foreign Affairs official website, WEST PHILIPPINE SEA ARBITRATION UPDATE IV, Setyembre 20, 2014
National Economic Development Authority official website, PH, China pursue development of energy sources in SEA, Na-access noong Hulyo 7, 2022
Department of Energy official website, Pres. Duterte Okays Lifting of Oil Exploration Moratorium in WPS, Oktubre 15, 2020
Udenna Group official website, Udenna Corporation Acquires Chevron’s 45% Interest in Malampaya, Nobyembre 13, 2019
Department of Energy official website, Approval of Malampaya deal above-board–DOE, Na-access noong Hulyo 4, 2022
The Grid, UC MALAMPAYA PHILIPPINES, Na-access noong Hunyo 27, 2022
The Manila Times, Investigate Malampaya stakes sale – groups, Nobyembre 11, 2021
Rappler, Gatchalian: DOE unit ‘bent rules’ to approve Udenna-Chevron Malampaya buyout, Setyembre 28, 2021
Business Mirror official website, Energy security raised anew over Malampaya ‘changes’, Mayo 16, 2022
Udenna Group official website, Malampaya Energy Awarded Shell Stake in Malampaya, Mayo 20, 2021
Shell Philippines official website, Shell signs agreement to sell interest in Malampaya, Philippines, Mayo 20, 2021
SGPBusiness.com, MALAMPAYA ENERGY XP PTE. LTD., Na-access noong Hunyo 27, 2022
Department of Energy official website, STATEMENT OF DOE SEC. ALFONSO G. CUSI ON THE PRESS RELEASE OF PRIME INFRASTRUCTURE, Hunyo 3, 2022
Senate Committee on Energy livestream, Committee on Energy (December 15, 2021), Disyembre 15, 2021
Department of Energy official website, STATEMENT OF DOE SECRETARY ALFONSO G. CUSI ON THE SALE OF SHELL’S MALAMPAYA INTEREST, Mayo 24, 2021
Department of Energy official website, Department Circular No. DC2007-04-0003, Na-access noong Hulyo 4, 2022
Rappler official website, Citizens file criminal complaint vs Cusi, Dennis Uy over Malampaya buyout, Oktubre 19, 2021
CNN Philippines official website, Cusi, Dennis Uy face graft raps for Malampaya share sale to Udenna, Oktubre 19, 2021
Philstar.com official website, Graft raps filed vs Cusi, Dennis Uy, Oktubre 20, 2021
Philippine National Oil Company Exploration Corporation official website, Board of Directors, Na-access noong Hulyo 4, 2022
ABS-CBN News official website, Sale of Malampaya stake to Udenna ‘lutong macau’, says Gatchalian, Oktubre 25, 2021
Business World official website, Udenna unit’s soundness again questioned in Malampaya sale, Setyembre 29, 2021
Manila Bulletin official website, Dennis Uy firm has ‘negative working capital’ for Malampaya field, Setyembre 28, 2021
Senate Committee on Energy livestream, Committee on Energy (September 28, 2021), Setyembre 28, 2021
Inquirer.net official website, Dennis Uy breaks silence on Malampaya deal, slams biz group, Nobyembre 16, 2021
Business World official website, Udenna defends Malampaya deal, Nobyembre 19, 2021
Philstar.com official website, Tears for Dennis Uy, Udenna, Nobyembre 24, 2021
Department of Foreign Affairs Philippine Consulate General in Barcelona, HON. TEODORO L. LOCSIN, JR. 124TH DFA ANNIVERSARY, Na-access noong Hulyo 7, 2022
ABS-CBN News YouTube channel, PH continues to protest China’s activities in disputed sea: Cayetano, Hulyo 25, 2018
Department of Energy official website, DOE Statement on the Announcement of the Termination of Joint Oil and Gas Negotiations with China, Hunyo 25, 2022
Prime Infra official website, Razon-led firm beefing up deal for majority stake in Malampaya gas field, Hunyo 2, 2022
Department of Energy official website, STATEMENT OF DOE SEC. ALFONSO G. CUSI ON THE PRESS RELEASE OF PRIME INFRASTRUCTURE, Hunyo 3, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)