Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Marcos pinaghalo-halo ang tanong tungkol sa pagkaubos ng Malampaya sa isyu ng Reed Bank

WHAT WAS CLAIMED

Sa pagtugon sa isang tanong tungkol sa nalalapit na pagkaubos ng Malampaya gas field, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “ang Malampaya fields, ang natural gas fields na nasa loob ng ating baselines at sa ating exclusive economic zone at iyan ulit ay kinukuwestiyon sa ilang mga kaso, ilang mga lugar, ng China.”

OUR VERDICT

Hindi tumpak:

Napagpalit ni Marcos ang (sitwasyon sa) Reed Bank sa Malampaya.
Ang Reed Bank “ay kinilala ng South China Sea Arbitral Award na bahagi ng Philippine Exclusive Economic Zone,” sabi ng international law expert na si Romel Bagares.

By VERA Files

May 10, 2023

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Mali ang pagtukoy ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa mga isyu sa Reed Bank (Philippine name: Recto Bank) bilang tugon sa tanong tungkol sa napipintong pagkaubos ng Malampaya gas field sa isang international leadership forum sa Washington, D.C.

PAHAYAG

Sa pagsasalita sa Center for Strategic and International Studies Southeast Asia Program, tinanong si Marcos tungkol sa “pinakamalaking kagyat na pangangailangan na kailangang tugunan ng Pilipinas sa napipintong pagkawala ng Malampaya field sa 2027.”

Sinagot niya na ang tanging paraan upang malutas ang “mga natitirang isyu sa Malampaya gas field” ay ang patuloy na pakikipag-negosasyon sa China:

“But the Malampaya fields, the natural gas fields that lie within our baselines and within our exclusive economic zone and that again is being questioned in certain cases, certain areas by China.”

(“Ngunit ang Malampaya fields, ang natural gas fields na nasa loob ng ating baselines at sa loob ng ating exclusive economic zone at iyon ay muling kinukuwestiyon sa ilang mga kaso, ilang mga lugar, ng China.”)

 

Pinagmulan: Center for Strategic & International Studies, A Conversation with President Ferdinand Marcos Jr. ng Pilipinas, Mayo 4, 2023, panoorin mula 39:49 hanggang 40:26

Idinagdag ni Marcos:

“China claims certain areas of the sea, the nine-dash line, and covers just about the entire West Philippine Sea. We, on the other hand, have established our baselines, which have been recognized and accredited by UNCLOS. And therefore, there is that conflict.”

(“Inaangkin ng China ang ilang bahagi ng dagat, ang nine-dash line, at sumasaklaw sa halos buong West Philippine Sea. Kami, sa kabilang banda, naitatag namin ang aming mga baseline, na kinilala at na-accredit ng UNCLOS. At samakatuwid, nariyan ang hindi pagkakasundo.”)

 

Pinagmulan: panoorin mula 40:40 hanggang 41:02

Ginamit din ng Presidential Communications Office ang maling pahayag ni Marcos sa isang press release noong Mayo 5.

ANG KATOTOHANAN

Napagpalit ni Marcos ang (sitwasyon sa) Reed Bank sa Malampaya.

VERAFIED: Marcos pinaghalo-halo ang tanong tungkol sa pagkaubos ng Malampaya sa isyu ng Reed Bank

Sa isang mensahe sa VERA Files Fact Check, sinabi ni international law expert na si Romel Bagares na ang Reed Bank “ay kinilala ng South China Sea Arbitral Award na bahagi ng Philippine Exclusive Economic Zone.”

Ang Malampaya, na matatagpuan sa malayong pampang sa hilagang-kanluran ng Palawan, ay nagsimula ng komersyal na operasyon noon pang 2002 sa pamamagitan ng Service Contract (SC) 38. Ito ang pangunahing pinagmumulan ng non-renewable natural gas sa bansa, na nagpapagana ng humigit-kumulang 40% ng pangangailangan ng enerhiya ng Luzon sa kasagsagan nito.

Sa pag-expire ng kontrata nito sa 2024, ang Malampaya consortium ng Prime Infrastructure Capital Inc. (Prime Infra), Udenna Corp., at Philippine National Oil Co.-Exploration Corp. na pinapatakbo ng estado ay umaasa na mapahaba ang buhay nito sa pamamagitan ng “pagpapalawak ng produksiyon ng gas ” sa lugar.

(Basahin ang VERA FILES FACT SHEET: Apat na bagay na kailangan mong malaman tungkol sa Malampaya)

Sa kabilang banda, pinatatakbo ng Forum Energy Ltd. ang Reed Bank concession ng SC 72, isang exploration project sa West Philippine Sea, sa kanluran ng Palawan Island at timog-kanluran ng Malampaya. Ang Sampaguita Gas Field ay iniulat na mayroong humigit-kumulang 3.1 trillion cubic feet ng gas reserves.

Ang SC 75, nasa sa Reed Bank din, ay na-award sa PXP Energy Corp. noong Disyembre 2013. Sinasaklaw nito ang isang lugar na 6,160 kilometro kuwadrado sa malayong pampang sa hilagang-kanluran ng Palawan basin. Ang proyekto ay inilaan upang palitan ang Malampaya kapag ito ay natuyo, ngunit ang drilling sa lugar ay nasuspinde noong 2022 dahil sa patuloy na pagtutol ng China na umaangkin sa lugar.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Romel Bagares, Personal communication (text), May 8, 2023

Business Mirror, Govt urged to lift suspension of oil and gas drilling in WPS, June 27, 2022

BusinessWorld Online, DoE urged to clear Recto Bank operations ahead of Malampaya depletion, Oct. 19, 2022

Inquirer.net, Gov’t urged to lift suspension of exploration projects in WPS, March 13, 2023

Department of Energy, Philippine Energy Plan 2020 – 2040, accessed May 8, 2023

Shell, Shell completes sale of interest in Malampaya, Philippines, Nov. 1, 2022

Malampaya.com, Power from the Deep » DOE, PNOC, and Prime Infra visit Malampaya Offshore Platform, Dec. 14, 2022

PNOC-EC, Service Contract 38 – Malampaya Project, accessed May 8, 2023

Department of Energy, DOE Statement on the Malampaya Phases 2 and 3, accessed May 8, 2023

PXP Energy Corporation (formerly Philex Petroleum Corporation), Service Contract No. 72 Recto Bank, accessed May 8, 2023

PNOC-EC, Service Contract No. 75 – Northwest Palawan, accessed May 8, 2023

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.