Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na maaaring umapela ang kanyang administrasyon sa International Criminal Court (ICC) kasunod ng pagtanggi sa kahilingan nitong suspendihin ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa drug war. Hindi ito totoo dahil ang pangunahing apela ng gobyerno para sa pagbaligtad sa desisyon ng ICC noong Enero 26 na nagpapahintulot sa pagpapatuloy ng pagsisiyasat ay hindi pa napagpapasyahan.
PAHAYAG
Sa isang panayam ng media noong Marso 29, tinanong ng mga mamamahayag si Marcos tungkol sa susunod na hakbang na gagawin ng gobyerno matapos ibasura ng ICC Appeals Chamber, na dumidinig ng mga petisyon kaugnay ng admissibility at hurisdiksyon, ang kahilingan ng gobyerno na maglabas ng suspensive effect habang hinihintay ang resolusyon ng apela nito laban sa desisyon ng Pre-Trial Chamber I noong Enero 26 na ipagpatuloy ang pagsisiyasat.
Sinabi ni Marcos:
“We don’t have a next move. That is the extent of our involvement with the ICC. That ends all our involvement with the ICC because hindi na tayo pwedeng mag-appeal (we cannot appeal anymore). The appeal has been – the appeal has failed. And there’s – in our view, there is nothing more that we can do in the government.”
(“Wala tayong susunod na hakbang. Hanggang diyan na lamang ang ating pakikipag-ugnayan sa ICC. Iyan ang nagtatapos sa ating pakikipag-ugnayan sa ICC dahil hindi na tayo pwedeng mag-apela. Ang apela ay naging – ang apela ay nabigo. At – sa aming pananaw, wala na tayong magagawa bilang gobyerno.”)
Pinagmulan: RTVMalacañang official YouTube channel, Media Interview by President Ferdinand R. Marcos Jr. following the Pag-IBIG Fund Chairman’s Report (transcript), Marso 28, 2023, panoorin mula 06:50 hanggang 07:13
Idinagdag niya:
“And so at this point, we essentially are disengaging from any contact, from any communication, I guess, with the ICC … We ended up with the same position that we started with, and that is, we cannot cooperate with the ICC considering the very serious questions about their jurisdiction and … what we consider to be interference and practically attacks on the sovereignty of the Republic.”
(“At sa puntong ito, talagang kumakalas na kami sa anumang pakikipag-ugnayan, sa anumang komunikasyon, sa palagay ko, sa ICC … Napunta kami sa parehong posisyon na sinimulan namin, at iyon ay, hindi kami maaaring makipagtulungan sa ICC kung isasaalang-alang ang napakaseryosong mga tanong tungkol sa kanilang hurisdiksyon at … kung ano ang itinuturing naming panghihimasok at mistulang pag-atake sa soberanya ng Republika.”)
Pinagmulan: panoorin mula 07:13 hanggang 07:52
ANG KATOTOHANAN
Tanging ang kahilingan ng gobyerno na suspindihin ang pagpapatuloy ng drug war probe ang binasura ng ICC Appeals Chamber noong Marso 27. Ang administrasyong Marcos ay mayroon pa ring isang nakabinbing apela — ang pangunahing petisyon nito — na naglalayong baligtarin ang desisyon ng Pre-Trial Chamber I noong Enero 26 na nagpahintulot kay Prosecutor Karim Khan na ipagpatuloy ang imbestigasyon.
Kinailangan pang linawin ni Solicitor General Menardo Guevarra sa isang panayam noong Marso 29 sa ABS-CBN News Channel na ang apela ng gobyerno laban sa desisyon ay nakabinbin pa rin sa Appeals Chamber, at sinabing magpapadala siya ng memorandum kay Marcos para linawin ang usapin.
Sa notice of appeal nito noong Peb. 3, hiniling ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Appeals Chamber na baligtarin ang desisyon ng Pre-Trial Chamber I, isang hiwalay na judicial branch ng ICC na nagpapahintulot sa prosecutor ng korte na maglunsad ng pagsisiyasat sa mga reklamo. (Tingnan ang PH notes errors in ICC ruling on drug probe, presses for reversal)
Hanggang sa resolusyon ng apela nito na humihingi ng pagbaligtad ng desisyon, nais ng OSG na harangin ng Chamber ang pagpapatupad ng desisyon noong Enero 26.
Noong Marso 27, tinanggihan ng Appeals Chamber ang kahilingan ng OSG na pagsususpinde dahil sa kabiguan nitong patunayan ang pahayag nito na ang pagpapatuloy ng pagsisiyasat, sa kabila ng umano’y kawalan ng hurisdiksyon ng ICC, ay lilikha ng hindi mababagong sitwasyon na may malaki at mabigat na kahihinatnan na magiging “mahirap itama.”
Binanggit din nito ang kabiguan ng gobyerno na agad na isumite ang mga argumento nito, na ginawa lamang ito nang maghain ng Appeal Brief noong Marso 13. (Tingnan ang ICC denies PH request to suspend drug war investigation)
Nilinaw ng Chamber, gayunpaman, na ang pagtanggi sa kahilingan ng gobyerno na pagsususpinde ay “walang pagkiling sa magiging desisyon nito sa mga merito” ng apela ng Pilipinas sa desisyon noong Enero 26.
Sakop ng imbestigasyon ng ICC ang mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan na naganap sa ilalim ng drug war ng administrasyong Duterte mula Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 16, 2019, gayundin sa rehiyon ng Davao mula Nobyembre 2011 hanggang Hunyo 2016.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
RTVMalacañang official YouTube channel, Media Interview by President Ferdinand R. Marcos Jr. following the Pag-IBIG Fund Chairman’s Report (transcript), March 28, 2023
International Criminal Court official website, Philippine Government’s Notice of Appeal against the Pre-Trial Chamber I’s “Authorisation pursuant to article 18(2) of the Statute to resume the investigation” (ICC-011 21-56) with Application for Suspensive Effect, Feb. 3, 2023
International Criminal Court official website, Public Redacted Version of “Authorisation pursuant to article 18(2) of the Statute to resume the investigation”, Jan. 26, 2023
ABS-CBN News Channel official YouTube channel, Headstart: PH Solicitor General Menardo Guevarra on ICC drug war probe, March 29, 2023
International Criminal Court official website, Decision on request for suspensive effect of Pre-Trial Chamber I’s “Authorisation pursuant to article 18(2) of the Statute to resume the investigation” of 26 January 2023 (ICC-01/21-56), March 27, 2023
International Criminal Court official website, Philippine Government’s Appeal Brief against “Authorisation pursuant to article 18(2) of the Statute to resume the investigation” , March 13, 2023
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)