Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Padilla inulit ang pahayag nina Marcos at Guevarra laban sa ICC na walang konteksto

WHAT WAS CLAIMED

Ang International Criminal Court ay walang hurisdiksyon sa Pilipinas.
Walang legal o moral na obligasyon ang Pilipinas na makipagtulungan sa ICC.

OUR VERDICT

Kailangan ng konteksto:

May hurisdiksyon pa rin ang ICC sa anumang krimen na naganap sa Pilipinas noong ito ay state party mula Nob. 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019. Hindi nawawala ang mga obligasyon ng isang dating state party tulad ng Pilipinas sa mga insidente na naganap sa panahon ng pagiging miyembro nito, batay sa Article 127 paragraph 2 ng Rome Statute, ang founding treaty ng ICC.
Noong Marso 2021, pinagtibay ng Korte Suprema na ang Pilipinas ay “nananatiling sakop at nakatali sa Rome Statute hanggang Marso 17, 2019.”

By VERA Files

Mar 30, 2023

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

(UPDATED) Inulit ni Sen. Robinhood Padilla ang mga walang konteksto na pahayag nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Solicitor General Menardo Guevarra na walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas.

PAHAYAG

Sa isang pahayag noong Marso 29, sinabi ni Padilla:

“Nilinaw ng ating Pangulo: Ang ICC ay walang hurisdiksyon sa Pilipinas. Sinabi rin ng ating Solicitor General na walang legal o moral na obligasyon ang Pilipinas na makipagtulungan sa ICC.”

Idinagdag niya:

“The ICC seems to be standing on shaky ground. It has no power to force itself on the sovereignty of our Motherland, the Philippines.”

(“Ang ICC ay tila nakatayo sa mabuay na tuntungan. Wala itong kapangyarihang ipilit ang sarili sa soberanya ng ating Inang Bayan, ang Pilipinas.”)

 

Pinagmulan: Senate of the Philippines official website, On the ICC’s Insistence on Investigating the Philippines’ Anti-Drug War, Marso 29, 2023

Si Marcos ay isa sa 17 senador na bumoto upang pagtibayin ang pagiging miyembro ng Pilipinas sa Rome Statute noong 2011. Gayunpaman, nang siya ay naging pangulo noong 2022, bumaligtad si Marcos, at sinabing ang ICC ay walang hurisdiksyon sa bansa. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Marcos bumaligtad sa isyu ng Philippine membership sa ICC and VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Marcos sa hurisdiksyon ng ICC nangangailangan ng konteksto)

ANG KATOTOHANAN

Nananatili ang hurisdiksiyon ng ICC sa anumang mga krimen na naganap sa Pilipinas noong ito ay isang state party mula Nob. 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019. Hindi tinanggal ang mga obligasyon ng isang dating state party tulad ng Pilipinas sa mga insidente na naganap sa panahon ng pagiging miyembro nito, batay sa Article 127 paragraph 2 ng Rome Statute, ang founding treaty ng ICC.

Iginiit ng ICC Pre-Trial Chamber sa desisyon nito noong Setyembre 2021 na nagpapahintulot sa paglulunsad ng drug war probe na ang isang paunang pagsusuri sa mga umano’y krimen na nangyari sa kampanya laban sa droga ng administrasyong Duterte ay nakabinbin na bago pa man naging epektibo ang pagkalas ng Pilipinas noong Marso 2019.

Sinabi ng Chamber:

“This is in line with the law of treaties, which provides that withdrawal from a treaty does not affect any right, obligation or legal situation created through the execution of the treaty prior to its termination.”

(“Naaayon ito sa batas ng mga kasunduan, na nagsasabing ang pagkalas sa isang tratado ay hindi makaaapekto sa anumang karapatan, obligasyon o legal na sitwasyon na nilikha sa pamamagitan ng pagpapatupad ng kasunduan bago ang pagwawakas nito.”)

 

Pinagmulan: International Criminal Court official website, Decision on the Prosecutor’s request for authorisation of an investigation pursuant to Article 15(3) of the Statute, Set. 15, 2021

Pinagtibay ng Korte Suprema ang obligasyong ito noong Marso 2021 na desisyon sa Pangilinan v. Cayetano na kaso. Kahit na ang desisyon ay ginawang moot and academic, sinabi ng mataas na hukuman na ang Pilipinas ay “nananatiling sakop at nakatali sa Rome Statute hanggang Marso 17, 2019.”

BACKSTORY

Noong Marso 27, binasura ng ICC Appeals Chamber ang kahilingan ng gobyerno na suspindihin ang imbestigasyon ng korte habang nakabinbin ang pagresolba ng apela nito na baligtarin ang desisyon ng Pre-Trial Chamber I noong Enero 26 na nagpapahintulot kay Prosecutor Karim Khan na ipagpatuloy ang pagsisiyasat sa digmaan kontra droga. Hindi pa nareresolba ng Appeals Chamber ang petition for reversal ng gobyerno. (Basahin ang ICC resumes full-blown investigation into Duterte administration’s drug war)

Pinahintulutan si Khan na ipagpatuloy ang pagsisiyasat dahil sa umano’y kabiguan ng pamahalaan na magsagawa ng tunay na imbestigasyon, lalo na ang kawalan ng pag-uusisa sa umano’y sistematikong katangian ng mga pagpatay sa digmaan laban sa droga. Binanggit din nito na karamihan sa mga kaso na iniharap ng gobyerno ay nakatuon lamang sa mga mababang ranggo na pulis sa halip na sa mga “pinaka responsable” na opisyal sa likod ng giyera laban sa droga.

Sakop ng imbestigasyon ng ICC ang mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan sa ilalim ng drug war ng administrasyong Duterte mula Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 16, 2019, at ang 2011-2016 extrajudicial killings at iba pang kaugnay na krimen sa rehiyon ng Davao.

 

Tala ng editor: Ang fact check na ito ay na-update upang ipakita ang tamang taon na nilagdaan ni Pangulong Marcos ang ratipikasyon ng Rome Statute noong 2011 noong siya ay senador pa. Humihingi kami ng paumanhin para sa typographical error na ito at salamat sa mambabasa na nakapansin nito.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Senate of the Philippines official website, On the ICC’s Insistence on Investigating the Philippines’ Anti-Drug War, March 29, 2023

RTVMalacanang official YouTube channel, Media Interview by President Ferdinand R. Marcos Jr. following the Pag-IBIG Fund Chairman’s Report (transcript), March 28, 2023

Inquirer.net,  Philippines declares no moral duty to cooperate with ICC | Inquirer News, March 28, 2023

Philippine News Agency, OSG: Philippines not bound to cooperate with ICC, March 28, 2023

News5, HUMAN RIGHTS | Marcos’ disengagement from ICC exposes ’empty platitudes,’ says group, March 29, 2023

International Criminal Court official website, Decision on the Prosecutor’s request for authorisation of an investigation pursuant to Article 15(3) of the Statute, Sept. 15, 2021

International Criminal Court official website, Rome Statute of the International Criminal Court, Accessed March 29, 2023

Supreme Court of the Philippines E-library official website, G.R. No. 238875, March 16, 2021

International Criminal Court official website, Public Redacted Version of “Authorisation pursuant to article 18(2) of the Statute to resume the investigation”, Jan. 26, 2023

International Criminal Court official website, Decision on request for suspensive effect of Pre-Trial Chamber I’s “Authorisation pursuant to article 18(2) of the Statute to resume the investigation” of 26 January 2023 (ICC-01/21-56), March 27, 2023

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.