Walang katotohanan ang sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Lieutenant General Antonio Parlade Jr. na nasa agenda ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), sa ilalim ng ipinanukalang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) kasama ang gobyerno ng Pilipinas, na harangin ang pagpapatupad ng national identification system.
PAHAYAG
Sa isang Facebook post noong Abril 4, sinabi ng tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC):
“On the (sa) ID system…
In the CPP’s CASER (Compre[hensive] Agreem[e]nt on Soc[ial and] Eco[nomic] Ref[orms]) agenda, the ID system is one of those they made sure will never be imposed. Violation of privacy daw (allegedly). In truth they didn[‘t] want those with No Permanent Address to be identified.”(Sa CASER agenda ng CPP (Compre[hensive] Agreem[e]nt on Soc[ial and] Eco[nomic] Ref[orms]), ang ID system ay isa sa kanilang tiniyak na hindi maipapatupad. Paglabag sa privacy daw. Sa totoo lang hindi nila nais na makilala ang mga No Permanent Address.)
Sinabi pa ni Parlade, pinuno ng Southern Luzon Command ng militar:
“Came Marawi Siege, we didn[‘t] have any ID to rely on. Now with COVID we still can[‘t] contact trace our people for OUR safety. That’s how the liberal mind works. To this day we can[‘t] count our people living in slums. No ID for proper distribution of SAP, none for vaccine allocation and programming, none for quarantine control. Then these dilawans (Yellows) blame gov[‘]t for inadequate response to this pandemic. But come election they will all find this situation of us still not having IDs useful. Hypocrites.”
(Dumating ang Marawi Siege, wala kaming anumang ID na maasahan. Ngayon sa COVID hindi kami makapag-contact trace sa mga tao para sa ATING kaligtasan. Ganyan ang takbo ng mga liberal ang pag-iisip. Hanggang ngayon hindi namin mabilang ang mga taong nakatira sa mga slum. Walang ID para sa wastong pamamahagi ng SAP, wala para sa paglalaan ng bakuna at programa, wala para sa quarantine control. Pagkatapos ang mga dilawan sisisihin ang gobyerno sa hindi sapat na pagtugon sa pandemic na ito. Ngunit pagdating ng halalan makikita nilang lahat na kapaki-pakinabang ang sitwasyon nating ito na wala pa ring mga ID. Mga ipokrito.)
Pinagmulan: Antonio Parlade Jr. Official Facebook Account, On the ID system…, Abril 4, 2021
Sa pahayag, mistulang inuugnay ng general ang mga pangkat ng komunista sa Liberal Party, na kilala sa kulay na dilaw. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Sabi ni Duterte dapat magsama na ang ‘Yellow’ at ‘Reds’; wala itong kabuluhan)
ANG KATOTOHANAN
Mali ang pahayag ni Parlade. Wala kahit saan sa 180-pahinang draft ng CASER noong 2018 ang anumang mosyon o panukala na tutulan ang pagpapatupad ng pambansang ID system. Ang tanging alalahanin tungkol sa seguridad na iminungkahi ng NDFP sa CASER ay mga repormang nakatuon sa seguridad sa trabaho, proteksyon sa kapaligiran, at kahandaan ng bansa sa kalamidad. Bukod dito, wala ang paksang pinagtatalunan sa napagkasunduang mga kalalabasan para sa CASER sa pagitan ng pambansang pamahalaan at ng NDFP sa kanilang ikalawang round ng pormal na pag-uusap noong 2016.
Ang CASER ay isang dokumento na tumitimbang sa “kongkreto at magagawang mga hakbang” sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa, pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo at kaunlaran sa kanayunan, pagtatanggol sa mga karapatang pantao, mga karapatan ng mga manggagawa, at proteksyon ng kapaligiran, bukod sa iba pa.
Itinataguyod ng NDFP ang dokumento bilang “lubos na makabuluhan at kapaki-pakinabang sa pagpapakita ng kahandaan” ng kampo nito sa pakikipag-ayos sa gobyerno ng Pilipinas para sa isang “matibay na kasunduan” tungkol sa mga mahalagang mga isyung panlipunan at pang-ekonomiya “sa kabila ng matinding mga balakid.”
Ilang buwan bago naisabatas ang Republic Act 11055, o ang Philippine Identification System, noong Agosto 6, 2018, naglabas ang NDFP ng dalawang magkahiwalay na pahayag, na naglilista ng mga dahilan nito sa pagsalungat sa hakbang.
Ayon sa batas, kinakailangan ang pagtatatag ng nag-iisang national identification system para sa “seamless, efficient, transparent at targeted” na paghahatid ng mga pampubliko at panlipunang serbisyo sa mga Pilipino, nang walang mga mamamayan na kinakailangang magpakita ng iba pang mga ID para sa naturang mga gawain.
Noong Setyembre 2017 at Mayo 2018, sinabi ng NDFP na ang iminungkahing sistema noon ay “lalabag sa mga karapatang sibil” at isang “pamatay na suntok sa mga karapatan sa privacy” dahil ang panukala ay mangongolekta ng personal na impormasyon at biometric data tulad ng isang mga fingerprint, iris scan, at mga litratong kuha ng harapan.
‘Walang mga ID?’
Ang tagapagsalita ng NTF-ELCAC ay mali rin sa pagsabing “walang mga ID” para mapadali ang pamamahagi ng perang ayuda sa ilalim ng social amelioration program (SAP) ng gobyerno. Sa kasalukuyan, kinikilala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang iba pang mga ID na inisyu ng gobyerno mula sa mga beneficiary sector ng programa tulad ng:
Sa ilang mga pagkakataon, tulad ng sa mga “informal worker,” ang mga sertipiko ng barangay o sertipikasyon ng pagiging kasapi sa isang samahan o samahan ng mga driver ay tinatanggap.
Ang mga problema sa pamamahagi ng perang ayuda ng SAP, partikular ang pangalawang tranche nito, ay naiugnay sa limitadong pagkilos ng SAP task force sa panahon ng enhanced community quarantine at ilang mga butas sa kinakailangang impormasyon sa mga sinagutang form ng mga beneficiary ng perang ayuda, ayon kay DSWD Undersecretary Rene Glen Paje.
Sa isang 77-pahinang ulat na inilathala noong Peb. 22, binatikos ng Senate defense committee si Parlade dahil sa “pinsala sa integridad ng parehong NTF-ELCAC at ng AFP” bunga ng kanyang “wala sa lugar na public propaganda.”
Naglunsad ang AFP ng imbestigasyon sa kaliwa’t kanang red-tagging na ginawa ni Parlade sa Facebook noong Pebrero kasunod ng kanyang walang ebidensiyang mga pahayag laban sa isang reporter ng Inquirer.net.
Mga Pinagmulan
National Democratic Front of the Philippines, Draft Draft Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER), Jan. 17, 2018
National Democratic Front of the Philippines, About the NDFP, Accessed April 15, 2021
Official Gazette of the Philippines, Executive Order No. 70, Dec. 4, 2018
Antonio Parlade Jr. Official Facebook Account, On the ID system…, April 4, 2021
Office of the Presidential Adviser on the Peace Process, Agreed Outcomes for CASER, Oct. 23, 2016
National Democratic Front of the Philippines, National ID system in the hands of murderous strongman will have dreadful results, Sept. 5, 2017
National Democratic Front of the Philippines, Unite to oppose the National ID system, May 26, 2018
Official Gazette of the Philippines, Republic Act No. 11055, Aug. 6, 2018
Official Gazette of the Philippines, AN ACT ESTABLISHING THE PHILIPPINE IDENTIFICATION SYSTEM, Aug. 6, 2018
Department of Social Welfare and Development (DSWD), Memorandum Circular No. 4, March 30, 2020
Business Mirror, 12 million more SAP beneficiaries await cash aid, July 28, 2020
GMA News Online, DSWD admits delay in distribution of second tranche of cash aid, July 27, 2020
Manila Bulletin Official Facebook Page, Reasons for SAP 2 distribution delay cited, July 27, 2020
CNN Philippines, Military to investigate Parlade’s comments vs. journo — Lorenzana, Feb. 8, 2021
Inquirer.net, New AFP chief on Parlade probe after remarks vs journo: We give due process, Feb. 9, 2021
Rappler, Finally, AFP probes Parlade over red-tagging, Feb. 10, 2021
Senate of the Philippines, Committee Report No. 186, Feb. 22, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)