Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Sotto na 3 opisyal ng gobyerno lamang ang may pribilehiyo ng ‘priority landing and takeoff’ MALI

WHAT WAS CLAIMED

Tatlong opisyal ng gobyerno ang maaaring bigyan ng priority landing at takeoff sa mga paliparan ng bansa.

OUR VERDICT

Hindi totoo:

Mahigit sa tatlong opisyal ng gobyerno ang may mga pribilehiyo ng priority landing at takeoff sa kanilang mga flight. Ang kagandahang-loob na ito ay ipinaabot din sa speaker ng House of Representatives, mga dignitaryo, at iba pang “partikular” na opisyal ng gobyerno, tulad ng mga kalihim ng departamento, sa pamamagitan ng isang “special handling” ng kanilang mga flight. Gayunpaman, ang pribilehiyong ito ay karaniwang nalalapat lamang sa mga chartered private aircraft flight, sabi ng Civil Aviation Authority of the Philippines.

By VERA Files

May 23, 2022

-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Bilang reaksyon sa isang Facebook post ng isang piloto ng Cebu Pacific Airlines na nagsasabing humiling si Vice President Leni Robredo ng priority landing para sa eroplanong sinasakyan niya na nakapagpaantala at nagpalihis ng ibang mga flight noong nakaraang buwan, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na mayroong tatlong opisyal ng gobyerno na maaaring bigyan ng “priority landing at takeoff” sa bansa.

Hindi totoo ang pahayag ni Sotto.

PAHAYAG

Sa isang tweet, sinabi ni Sotto:

“Unfortunately, that pilot does not know that there are 3 persons in gov[ernment]t that are given landing and takeoff priority in all PH airports as CAAP (Civil Aviation Authority of the Philippines) knows.”

 

(Sa kasamaang palad, hindi alam ng piloto na mayroong 3 tao sa gobyerno na binibigyan ng priority sa landing at takeoff sa lahat ng PH airports gaya ng alam ng CAAP (Civil Aviation Authority of the Philippines).)

 

Pinagmulan: Tito Sotto Official Twitter Account, Unfortunately, that pilot… (Archived), Mayo 16, 2022

Ang tinutukoy ni Sotto ay ang flight priority na ibinibigay ng CAAP sa pangulo, bise presidente, at Senate president.

ANG KATOTOHANAN

Mali ang sinabi ni Sotto na tatlong opisyal lamang ng gobyerno ang may pribilehiyo ng priority landing at takeoff para sa kanilang mga flight. Ang kagandahang-loob na ito ay ipinaabot din sa speaker ng House of Representatives, mga dignitaryo, at iba pang “partikular” na opisyal ng gobyerno, tulad ng mga kalihim ng departamento, sa pamamagitan ng “special handling” ng kanilang mga flight. Gayunpaman, sinabi Eric Apolonio, Media Affairs Officer ng CAAP, sa VERA Files Fact Check, na ang pribilehiyong ito ay karaniwang nalalapat lamang sa mga chartered private aircraft flight.

Noong 2016, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Transportation na sabihan ang CAAP na itigil ang patakaran ng pagbibigay ng prayoridad sa presidential plane, ang Kalayaan One.

Binanggit sa memorandum, na inilabas noong Hulyo 28, 2016, na ang presidential plane ay dapat tratuhin “sa parehong paraan tulad ng mga regular na flight.”

2016 Memo Re Handling of Pr… by VERA Files

Ang ibang mga pampublikong opisyal na binigyan ng pribilehiyong ito, sa kabilang banda, ay kailangang magsumite ng kahilingan sa CAAP nang hindi bababa sa dalawang araw bago ang flight, sabi ni Apolonio.

Ang sitwasyon ng trapiko at iskedyul ng mga flight sa isang paliparan ay isinasaalang-alang bago ang isang kahilingan para sa prayoridad ay mapagbigyan kung ang opisyal ay sakay ng isang commercial aircraft, dagdag niya.

Special handling

  • Nalalapat sa bise presidente, Senate president, speaker ng House of Representatives, at mga bisita na may kaugnayan sa gobyerno ang trabaho; mga dignitaryo tulad ng mga ambassador at mga kalihim ng departamento
  • Nagbibigay ng priority landing at takeoff para sa mga chartered private planes para sa mga opisyal na ito
  • Ang kahilingan ay kailangang ihain nang maaga sa CAAP
  • Kailangan na isinumite ang flight plan nang hindi bababa sa dalawang araw bago ang petsa ng paglipad sa CAAP Air Traffic Service, na umaasiste nang real-time

 

BACKSTORY

Kahit walang ebidensya, sinabi ng piloto ng Cebu Pacific, sa isang Facebook post noong Mayo 16, na si Robredo ay “humiling” ng priority landing sa isang paliparan sa Maynila pagkatapos ng isang “aktibidad na may kaugnayan sa kampanya” noong huling bahagi ng Abril.

Sa isang pahayag noong Mayo 17, sinabi ni Sam Avila, ang vice president for flight operations ng airline, na “nilinaw sa [kanila ng piloto] na wala siyang batayan para sa kanyang pahayag at pawang haka-haka at pagpapabaya ang kanyang ginawa.” (Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: Robredo did NOT request for priority landing for a flight)

Tahasang itinanggi rin ng Office of the Vice President ang pahayag, sinabing sa buong panunungkulan ni Robredo bilang bise presidente, “hindi niya kailanman hiniling na unahin ang pag take off o pag landing ng kanyang sinasakyang eroplano kapag naglalakbay.”

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Tito Sotto Official Twitter Account, Unfortunately, that pilot… (Archived), May 16, 2022

Civil Aviation Authority of the Philippines, Personal communication (Viber message and email), May 17-20, 2022

Inquirer.net, Presidential perks: Will Rodrigo Duterte shun these?, June 30, 2016

Philstar.com, Quiboloy willing to donate jet, helicopter to Duterte, May 15, 2016

Gulf News, Marcos-era presidential jet to get replacement, Oct. 8, 2019

Cebu Pacific Official Facebook Account, STATEMENT ON SOCIAL MEDIA POST BY A CEBU PACIFIC PILOT, May 17, 2022

Civil Aviation Authority of the Philippines, Memorandum Order, July 28, 2016

 

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.