Isang Facebook (FB) page na nagkukunwaring opisyal na “interagency” account ng DSWD at DOLE ang nangangalap ng personal na impormasyon ng mga netizen. Sinasabi nito na tumatanggap na raw sila ng “online application” para sa ikalawang batch ng social amelioration program (SAP) ng gobyerno.
Peke ang page na ito. Hindi magkasama ang opisyal na FB page ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Department of Labor and Employment (DOLE). Magkaiba rin ang ipinatutupad na social amelioration programs ng dalawang ahensya.
Nagbabala na ang DSWD ukol sa mga naglipanang pekeng FB page. Nilinaw ng ahensya na hindi nila kailanman gagamitin ang social media para mangalap ng personal na datos.
Ang DSWD ang siyang namimigay ng cash assistance sa mga mahihirap na pamilya sa pamamagitan ng kanilang emergency subsidy program.
Tila hindi napansin ng mga netizen ang panloloko. Sa pekeng FB page na DOLE – DSWD inter agency cash assistance online application, sinulat ng libu-libong netizen ang kanilang buong pangalan, adres at trabaho. Nitong Mayo 10 lang ginawa ang FB page na ito na tinawag na isang “personal blog.”
Paglilinaw ng DSWD Region III, walang bago at ikalawang batch ng mga pamilyang tatanggap ng pera mula sa ahensya. Dahil dalawang buwan ang sakop ng pamimigay ng cash assistance, ang mga pamilyang tumanggap ng pera sa unang buwan ang siya ring makatatanggap sa ikalawang buwan.
Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, nakapagpamigay na ng higit P92.1 bilyon sa 16.3 milyong pamilya ang ahensya mula noong Abril hanggang May 11.
Sa isang press conference noong Mayo 12, inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na limang milyong pamilya ang idadagdag sa 18 milyong benepisyaryo ng SAP at makatatanggap ng unang tranche ng cash assistance.
Pero ang tanging qualified na makakuha ng second tranche ay ang mga pamilyang nakatira sa mga lugar na nakapaloob pa rin sa enhanced community quarantine ngayong Mayo.
Simula May 16, ang mga lugar na ito ay ang probinsya ng Laguna, lahat ng highly urbanized cities ng National Capital Region, ang munisipalidad ng Pateros at ang Cebu City.
Ayon naman sa DOLE, P5.5 bilyon na ang nailabas ng ahensya para sa iba’t ibang social amelioration programs na kanilang pinatatakbo. Higit isang milyong manggagawa na, mula sa pormal at impormal na sektor ang nakikinabang sa ayuda, kasama ang mga overseas Filipino workers.
Ang ilegal na pangungulekta ng FB page ng pribadong datos ng mga netizen ay labag sa Data Privacy Act of 2012. Maaaring makulong ng isa hanggang tatlong taon, at pagmultahin ng mula kalahating milyon hanggang dalawang milyong piso ang sinumang mapatunayan na nagkasala.
Ayon sa CrowdTangle, isang social media monitoring tool, maaaring mga 5.7 milyong netizen ang naabot ng pekeng post na kumalat sa FB, isang linggo matapos ang orihinal na deadline ng mga lokal na pamahalaan para ipamahagi ang SAP.
Ang mga public FB groups na SSS(E-1 & Static Report), PhilHealth(MDR), PagIbig(MID no.), POEA(OEC form), News Philippines, at Francis Leo Marcos Supporters Group ang pinagmulan ng pinakamaraming interaksyon sa pekeng post.
(Editor’s Note: Ang VERA Files ay nakipagpartner sa Facebook upang kalabanin ang paglipana ng disinformation. Alamin ang pakikipagtulungan na ito at aming pamamaraan.)