Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pro-Duterte vlogger nanlilinlang sa pagsabing patunay ang resolusyon ng UN na ‘walang EJK’ sa PH

Nakaliligaw ang pahayag ng video blogger (vlogger) na si Byron Cristobal, ang Duterte at Marcos supporter na mas kilala bilang Banat By, na ang resolusyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) na nanawagan para sa pagpapabuti ng sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas ay patunay na walang extrajudicial killings sa bansa.

By VERA Files

Oct 17, 2020

8-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Nakaliligaw ang pahayag ng video blogger (vlogger) na si Byron Cristobal, ang Duterte at Marcos supporter na mas kilala bilang Banat By, na ang resolusyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) na nanawagan para sa pagpapabuti ng sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas ay patunay na walang extrajudicial killings sa bansa.

PAHAYAG

Sa kanyang YouTube vlog na umabot ng higit sa isang oras, binanggit ni Cristobal ang isang artikulo ng Inquirer.net tungkol sa pinagtibay na resolusyon ng UNHRC noong Okt. 7 sa ika-45 sesyon nito. Sinabi niya:

“Ito: No (Walang) EJK. Oh ayan ah. Ito pala iyon…Iyan iyong ‘resolution (resolusyon), which was adopted by consensus (without voting) during the council’s’… ‘provide support for the country in its continued fulfillment of its international human rights obligations and commitment[s] (na pinagtibay sa isang pagkakasundo (nang walang botohan) sa konseho’ … ‘na magbibigay ng suporta sa bansa para sa kanyang patuloy na pagpapatupad ng mga international human rights obligation at commitment).’ Sa madaling salita, wala naman silang nakitang EJK. Yari sila.”

Pinagmulan: Banat By official YouTube account, WALANG EJK SA PINAS-United Nation (sic) /PIRMA KAY VELASCO OLATS, Okt. 7, 2020, panoorin mula 53:27 hanggang 53:53

Noong Okt. 15, ang video ni Cristobal ay napanood nang higit sa 36,630 beses. Maaaring umabot ito sa higit sa 6.8 milyong mga gumagamit ng social media, na ang mga Facebook page na Mocha Uson Blog (na pinamamahalaan niya), DDS News, at ang kanyang sariling Banat By ang may pinakamaraming trapik para sa video.

ANG KATOTOHANAN

Hindi inabsuweldo ng resolusyon ng UNHRC noong Okt. 7 ang Pilipinas sa mga pinaghihinalaang kaso ng extrajudicial killings. Nanawagan ito ng “technical cooperation at capacity building” sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng UN Office of the High Commissioner for Human Rights (OHCHR) upang tugunan ang mga alegasyon ng mga pag-abuso sa karapatang pantao, kabilang ang arbitrary detention at extrajudicial killings, sa bansa. (Tingnan ang UN body offers technical aid to Duterte admin to improve PH human rights situation)

Ang resolusyon, na magkasamang iminungkahi ng Iceland at Pilipinas, ay naglalaman ng maraming mga panukala na ipapatupad ng OHCHR at Pilipinas hanggang 2022. Kabilang sa mga panukala ang paghimok ng UNHRC sa gobyerno na tugunan ang mga isyu at hamon na itinaas ng OHCHR sa ipinag-utos na assessement report nito noong Hunyo sa sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa.

Ang pinakabagong resolusyon at ulat ng OHCHR ay nagmula sa isa pang resolusyon na iminungkahi ng Iceland noong 2019 na nag-utos sa OHCHR na suriin at mag ulat tungkol sa sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas dahil sa mga paratang ng pang-aabuso, kabilang ang extrajudicial killings. Inilahad ni UN High Commissioner for Human Rights Michelle Bachelet ang ulat ng kanyang tanggapan sa ika-44 na sesyon ng UNHRC noong Hunyo.

Sa ulat nito, sinabi ng OHCHR na mayroong “laganap at sistematikong” pagpatay sa bansa na ang mga pangunahing target ay mga hinihinalang drug suspek na kasama sa “giyera kontra droga” ni Pangulong Rodrigo Duterte. Binanggit nito na ang mga mekanismo ng pananagutan sa lokal ay nabigo sa paglutas ng 8,663 pagkamatay na nauugnay sa droga noong Hunyo 2020, ngunit sa pagtatasa ng mga human rights group ang tamang bilang ay maaaring triple ng opisyal na datos.

Dahil sa mga natuklasan nito, nagrekomenda ang OHCHR ng maraming reporma sa gobyerno ng Pilipinas upang tugunan ang mga hinihinalang paglabag sa karapatang pantao, kasama na ang panawagan na:

Repeal Philippine National Police Command Memorandum Circular No.16-2016; cease ‘Project Tokhang,’ and urgently put an end to extrajudicial killings, arbitrary detention and other violence targeting suspected drug offenders and people using drugs; and abolish the compilation and publication of ‘drug watch lists’ at all administrative levels.

(Tanggalin ang Philippine National Police Command Memorandum Circular No.16-2016; itigil ang ‘Project Tokhang,’ at agarang tapusin ang extrajudicial killings, arbitrary detention at iba pang karahasan na tina-target ang hinihinalang drug offenders at mga taong gumagamit ng droga; at wakasan ang pagtitipon at paglalathala ng mga ‘drug watch list’ sa lahat ng administratibong antas.)”

Pinagmulan: Office of the High Commissioner for Human Rights, Situation of human rights in the Philippines, Hunyo 29, 2020

Idinagdag ng OHCHR na ang gobyerno ng Pilipinas “ay nagbanggit lamang ng isang kaso” — ang nahatulan na tatlong mga opisyal ng pulis sa Caloocan na pumatay sa 17-taong-gulang na si Kian Lloyd Delos Santos noong 2017 — na nalutas, mula sa libu-libong pagkamatay na nauugnay sa droga mula noong Hulyo 2016. Itinuring ng mga human rights group, tulad ng Amnesty International at Commission on Human Rights, ang kaso ni Delos Santos bilang extrajudicial killing.

Ang ulat ng OHCHR ay nag-udyok sa parehong local at international human rights groups na muling manawagan para sa isang internasyonal na malayang pagsisiyasat tungkol sa mga paglabag sa karapatang pantao sa bansa. Ngunit binatikos ng mga grupo ang UNHRC sa pinakabagong resolusyon nito dahil sa hindi pag utos ng isang pang-internasyonal na pagsisiyasat sa kabila ng katulad na panawagan noong Hunyo ng 11 mga UN human rights experts.

Inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa ika-44 na sesyon ng UNHRC noong Hunyo ang paglikha ng isang bagong inter-agency panel na susuring mabuti sa 5,655 mga operasyon laban sa droga kung saan nangyari ang pagkamatay. Sinabi niya na ang panel ay magbibigay ng ulat sa Nobyembre. (Tingnan ang HR groups question credibility of PH review panel for ‘war on drug’ killings)

Ang mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng giyera laban sa droga ni Duterte ay naging paksa din ng nagpapatuloy na paunang pagsusuri ni Prosecutor Fatou Bensouda ng International Criminal Court (ICC) mula pa noong 2018. Ang inaasahang tapusin ni Bensouda ang proseso sa huling bahagi ng 2020 upang matukoy kung siya ay magpapatuloy sa isang pormal na pagsisiyasat tungkol sa sinasabing mga krimen laban sa sangkatauhan na ginawa ni Duterte at ilan sa kanyang mga opisyal sa pagpapatupad ng kanyang kampanya laban sa droga.

(Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: ICC’s preliminary examination update on drug war, explained)

Ayon sa Rome Statute, isang pandaigdigang kasunduan na lumikha sa ICC, ang mga krimen laban sa sangkatauhan ay mga sinasadyang mga pagkilos sa isang “laganap o sistematiko” na pamamaraan alinsunod sa patakaran ng estado o organisasyon, tulad ng pagpatay o enforced disappearances, laban sa mga sibilyan. Si Duterte at ilan sa kanyang malapit na mga kaalyado ay hayagang nanghimok na patayin ang mga drug “lord” at “mga adik” noon. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: How many drug addicts are there in PH? Let Duterte do the counting and VERA FILES FACT CHECK YEARENDER: The Duterte chamber: Allies echo the president’s ‘kill’ mantra)

Gayunpaman, ang Pilipinas ay hindi na isang partido sa statute at sa ICC matapos na opisyal itong tumiwalag noong Marso 2019. Inutos ni Duterte ang pag alsa balutan sa ICC isang buwan matapos ilunsad ni Bensouda ang kanyang imbestigasyon noong Pebrero 2018. (Tingnan ang Pilipinas at ang International Criminal Court)

 

Mga Pinagmulan

United Nations, A/HRC/45/L.38, Accessed Oct. 11, 2020

Banat By official YouTube account, WALANG EJK SA PINAS-United Nation (sic) /PIRMA KAY VELASCO OLATS, Oct. 7, 2020

United Nations, A/HRC/45/L.38 Vote Item:10 – 38th Meeting, 45th Regular Session Human Rights Council, Accessed Oct. 7, 2020

Inquirer.net, UNHRC resolution: No drug war probe but support, cooperation for PH efforts on human rights, Oct. 7, 2020

Office of the High Commissioner on Human Rights, Situation of human rights in the Philippines, June 29, 2020

United Nations, A/HRC/41/L.20, July 5, 2019

Office of the High Commissioner Rights, 44th session of the Human Rights Council<br> Enhanced interactive dialogue on the situation of human rights in the Philippines, June 30, 2020

Department of Justice, Statement on the enhanced interactive dialogue on human rights in the Philippines at the on-going 44th session of the United Nations Human Rights Council in Geneva, Switzerland, July 2, 2020

Amnesty International, Statement of the Commission on Human Rights on the court’s decision on the Kian Loyd Delos Santos case, July 8, 2019

Commission on Human Rights, Statement of the Commission on Human Rights on the court’s decision on the Kian Loyd Delos Santos case, Dec. 3, 2018

Groups call for international probe of Philippine human rights situation

Groups criticized the UNHRC resolution

International Criminal Court, The Office of the Prosecutor, Accessed Oct. 11, 2020

International Criminal Court, Statement of the Prosecutor of the International Criminal Court, Fatou Bensouda, on opening Preliminary Examinations into the situations in the Philippines and in Venezuela, Feb. 8, 2018

International Criminal Court, Rome Statute, Accessed Oct. 11, 2020

Presidential Communications Operations Office, Palace confirms PH withdrawal from ICC over prosecutor’s violation of complementarity rule, March 15, 2018

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.