Mula sa paggiit, nang hindi bababa sa tatlong beses, na ang kasunduan ng gobyerno sa Chinese firm na Sinovac tungkol sa pagbili ng mga bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay isang “done deal,” sinabi ngayon ni Palace Spokesperson Harry Roque na “hindi pa ito final.”
Nangyari ang pagbaligtad isang araw lamang matapos kontrahin ni Roque ang mga pahayag nina vaccine czar Carlito Galvez Jr., ang kanyang deputy chief implementer na si Vince Dizon, at Finance Undersecretary Mark Dennis Joven, ang mga opisyal na direktang kasama sa negosasyon sa pagkuha ng mga bakuna.
Panoorin ang video na ito:
Ang term sheet ay ang pangalawa sa tatlong-hiwalay na bahagi ng kontrata na pipirmahan ng gobyerno kasama ang mga manufacturer para ma-reserba ang mga supply at masimulan ang paggawa ng mga bakuna, ayon kay Galvez. Ang dalawang iba pang mga bahagi ay ang pag-pirma ng confidential disclosure agreement (CDA) at ang supply agreement, kasama ang iba pang mga kundisyon tulad ng regulatory approval ng FDA.
Nauna na, noong Enero 11, inihayag ni Roque, na tagapagsalita rin ng Inter-Agency Task Force for the Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), na siniguro ng Pilipinas ang 25 milyong dosis ng Sinovac vaccine na ihahatid ng ilang tranches pagsapit ng Disyembre, na ang unang batch ng hindi bababa sa 50,000 dosis na inaasahang darating bandang hulihan ng Pebrero. Kailangang makakuha ang manufacturer ng isang emergency use authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA) bago ito makapag-export ng mga bakuna nito sa bansa.
Sa ikalawa ng tatlong pagdinig sa Senado tungkol sa mga COVID vaccine noong Enero 15, tinanong ng mga senador si Galvez, ang chief implementer ng National Task Force Against COVID-19 (NTF Against COVID-19), tungkol sa iba`t ibang isyu na bumabalot sa programa ng pagbabakuna ng gobyerno, kabilang ang mabagal na pagbili at pag-roll out ng mga COVID-19 vaccine para sa emergency use kumpara sa ibang mga bansa.
Kinuwestiyon din ng mga mambabatas ang maliwanag na pagkiling ng gobyerno para sa mas mahal ngunit “less efficacious” na Sinovac vaccine, na hindi pa nakakakuha ng EUA mula sa FDA hanggang noong Enero 25. Hindi pa kinukumpirma ng FDA ang opisyal na efficacy rate ng Sinovac jab, pero nakita sa mga clinical trial sa Brazil, Indonesia, at Turkey na ito ay nasa 50.38%, 65.30%, at 91.25%, ayon sa pagkakabanggit.
Gayunman, maraming mga opisyal ng publiko, tulad nina Senador Nancy Binay at Panfilo Lacson, ang nagpahayag ng pangamba tungkol sa bisa ng mga bakuna at hinihinalang katiwalian sa kontrata dahil sa pagkakaiba-iba ng mga presyo ng mga Sinovac vaccine na inaalok sa Pilipinas kumpara sa mga karatig bansa, mula sa US$5 hanggang US$38.50 bawat dosis. Hinimok ng iba pang mga senador, kabilang si Minority Leader Franklin Drilon, ang gobyerno na maging transparent sa mga presyo ng pagbili ng mga bakuna upang mabuo ang kumpiyansa ng publiko.
Gayunman, tumanggi sina Galvez at Roque na ibunyag ang eksaktong presyo ng mga bakunang kinukuha ng gobyerno, kasama na ang Sinovac, na sinasabing maaari nitong madiskaril ang negosasyon at lumabag sa CDA.
Samantala, pinagsabihan ni Lacson si Health Secretary Franciso Duque III sa pagdinig sa Senado noong Enero 22 matapos na aminin nito na ang presyo ng Sinovac na nagkakahalaga ng P3,629.50 — ang presyo na isinumite ng Health department sa Senado noong Disyembre sa budget deliberations — ay batay lamang sa isang ulat sa balita na “na-google” ng kanyang tauhan.
Sa pagtanggi sa mga ulat na ang mga bakunang ginawa ng China ay nagkakahalaga ng hindi bababa sa P3,600 para sa dalawang dosis, sinabi ni Roque na ang presyo ay higit kumulang sa P650 bawat jab. Sinabi naman ni Galvez na papayagan ang gobyerno na ibunyag ang eksaktong presyo ng bakuna sa pirmahan na lang ng supply agreement at may pagsang-ayon ng Sinovac.
Si Galvez, na nagsimulang makipag-ayos sa mga kumpanya ng bakuna noong huling bahagi ng 2020, ay nagsabi sa mga senador na balak ng gobyerno na kumuha ng mga bakuna mula sa Sinovac, isa sa pitong manufacturer sa portfolio nito, para makumpleto ang 148 milyong dosis na kinakailangan upang mabakunahan ang hindi bababa sa 70 milyong mga Pilipino simula sa Pebrero.
Hanggang Enero 23, ang gobyerno, sa pakikipagtulungan sa mga local government unit at pribadong sektor, ay pumirma sa mga term sheet para mai-lock ang mga supply mula sa mga manufacturer ng bakuna tulad ng Serum Institute of India (SII) at Faberco Life Sciences (hindi bababa sa 30 milyong dosis ng Covovax), AstraZeneca (hindi bababa sa 19.6 milyong dosis), at Sinovac (25 milyong dosis).
Mga Pinagmulan
Senate of the Philippines official YouTube channel, Committee of the Whole (January 15, 2021), Jan. 15, 2021
PTV, Press Briefing of Presidential Spokesperson Harry Roque, Jan. 18, 2021 (transcript)
PTV, WATCH: Press briefing with Presidential Spokesperson Harry Roque | January 19, 2021, Jan. 19, 2021 (transcript)
Senate of the Philippines, Press Release – Transcript of Sen. Nancy Binay Q&A;, Senate COW Hearing on Vaccines, Jan. 15, 2021
Presidential Communications Operations Office, PH enters into term sheet agreement for 30 million doses of Covovax, Jan. 11, 2021
Food and Drug Administration, FDA Circular No. 2020-036 || Guidelines on the Issuance of Emergency Use Authorization for Drugs and Vaccines for COVID-19, Accessed Jan. 21, 2021
Butantan Institute, Vacina do Butantan: tudo que você sempre quis saber e não tinha para quem perguntar, Accessed Jan. 22, 2021
Cabinet Secretariat of the Republic of Indonesia, BPOM Issues EUA for Sinovac COVID-19 Vaccine, Jan. 11, 2021
Turkey clinical results of Sinovac
- Nikkei asia, Sinovac’s COVID-19 vaccine has 91% efficacy, Turkey says, Dec. 25, 2020
- BBC, Sinovac: Brazil results show Chinese vaccine 50.4% effective, Jan. 13, 2021
- Reuters, Turkey says China’s Sinovac COVID vaccine 91.25% effective in late trials, Dec. 25, 2020
Senate of the Philippines, Press Release – Lacson: Differences in Sinovac Prices Smack of Corruption, Jan. 17, 2021
Senate of the Philippines, Press Release – Drilon backs more Senate hearings on gov’t Covid-19 vaccine rollout, Jan. 17, 2021
Senate of the Philippines, Press Release – Lacson Hopes Vaccine Officials Learned Hard Lesson on Transparency, Jan. 17, 2021
PTV, WATCH | National Task Force (NTF) against COVID-19 press conference in Parañaque City, (transcript), Jan. 20, 2021
Sinovac’s alleged price
- ABS-CBN News, Duterte says PH gov’t cannot divulge contract price of Sinovac’s COVID-19 vaccine, Jan. 18, 2021
- Interaksyon.com, Sinovac’s jab over P3K per dose? Gov’t denies as transparency concerns hound varying vaccine prices, Jan. 18, 2021
- CNN Philippines, China’s Sinovac near ₱650 per dose, gov’t to bare exact amount after purchase – Roque, Jan. 18, 2021
Alagang Angara, Manifestation of Sen. Sonny Angara with regard to the prices of vaccines…, Jan. 15, 2021
GMA News, Dobol B Sa News TV Livestream: January 17, 2021 – Replay, Jan. 17, 2021 (transcript)
Presidential Communications Operations Office, Safe, sure, secure vaccines to be used – Palace, Jan. 14, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)