Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Roque maling executive order ang sinipi tungkol sa SALN

Mali ang itinurong executive order ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nauugnay sa mga bagong alituntunin sa pagpoproseso ng mga kahilingan para sa Statement of Assets, Liability and Net Worth (SALN) na inilabas ng Office of the Ombudsman noong Set. 15.

By VERA Files

Sep 23, 2020

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Mali ang itinurong executive order ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nauugnay sa mga bagong alituntunin sa pagpoproseso ng mga kahilingan para sa Statement of Assets, Liability and Net Worth (SALN) na inilabas ng Office of the Ombudsman noong Set. 15.

PAHAYAG

Sa isang panayam noong Set. 16 sa CNN Philippines, tinanong si Roque kung ang mga bagong alituntunin ng Ombudsman sa paglalabas ng SALNs ay sumalungat sa paninindigan ng pangulo sa transparency at kanyang executive order tungkol sa freedom of information, at sinabi niya:

Anyone can request the copy of the SALN, complying with the requirements of Executive Order No. 1 (Ang sinuman ay maaaring humiling ng kopya ng SALN, na sumusunod sa mga kinakailangan ng Executive Order No. 1).”

Inulit ng tagapagsalita ng pangulo ang pagsangguni sa maling EO nang tanungin tungkol sa mga kahilingan ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) para sa SALN ni Duterte para sa 2018 na hindi pinagbigyan. Sinabi niya:

I can’t comment on that because I don’t know what procedure they followed, because there is also a procedure provided in EO No. 1 and you need to comply with it regardless of who you are as a requesting party (Hindi ako maaaring magkomento diyan dahil hindi ko alam kung anong pamamaraan ang kanilang sinunod, dahil mayroon ding pamamaraan na ibinigay sa EO No. 1 at kailangan mong sundin ito sinuman ang humihiling na partido).”

Pinagmulan: CNN Philippines Official Youtube Channel, The Source: Harry Roque, Set. 16, 2020 panoorin mula 22:49 hanggang 24:23

ANG KATOTOHANAN

Executive Order No. 2 ni Pangulong Duterte, at hindi ang una, na nag-uutos ng “buong pagsisiwalat at transparency” sa impormasyon sa lahat ng mga tanggapan ng gobyerno sa ilalim ng executive branch.

Infographic of #VERAfied: Roque cites wrong executive order on SALNs

Bilang pagkilala sa karapatan ng Filipino sa konstitusyon sa impormasyon tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa publiko, nilagdaan ng pangulo ang kautusan noong Hulyo 23, 2016, dalawang araw bago ipahayag ang kanyang unang state of the nation address.

Ang direktiba, na itinuring ang SALN bilang isang pampublikong talaan, ay nagpapaalala sa mga opisyal ng publiko ng kanilang “obligasyong na magsumite at gawing available para masuri” ang kanilang SALN, napapailalim sa umiiral na mga batas at alituntunin at regulasyon ng Pilipinas.

Ang EO No. 1 ni Duterte ay tungkol sa “re-engineering” ng Office of the President para sa mahusay na paghahatid ng mga serbisyo. Itinalaga nito ang noo’y Cabinet secretary Leoncio “Jun” Evasco Jr. para pangasiwaan ang Housing and Urban Development Coordinating Council, ang National Anti-Poverty Commission, at ang National Commission on Indigenous Peoples, bukod sa iba pang mga ahensya.

Pinagsama din ng kautusan ang mga tanggapan at trabaho ng Presidential Management Staff (PMS) at Office of the Appointments Secretary sa ilalim ng Office of the Special Assistant to the President (OSAP), na noon ay pinamahalaan ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go.

Sa binagong mga alituntunin, ang mga may nais na mag-access sa SALNs ay limitado na ngayon sa:

  • Opisyal ng gobyerno
  • Kinatawan ng mga opisyal ng gobyerno na may isang notarized letter of authority
  • Isang humihiling bunga ng isang utos ng korte na may kaugnayan sa isang nakabinbing kaso
  • Mga field investigator ng Ombudsman para sa fact-finding investigations
  • Isang humihiling na may notarized letter of authority mula sa opisyal na naghain ng SALN

Bago ang rebisyon, ang publiko, ang media at mga mag-aaral ay maaaring humiling ng kopya ng SALN ng isang pampublikong opisyal, basta napunan nila ang mga tamang form at nagpakita ng mga dokumento na mapagkakakilanlan sa tanggapan ng Ombudsman. (Tignan: VERA FILES FACT SHEET: Ano ang nagbago sa paghingi ng SALN mula sa Ombudsman?).

 

Mga Pinagmulan

Office of the Ombudsman, Memorandum Circular No. 1, Series of 2020, Sept. 15, 2020

CNN Philippines Official Youtube Channel, The Source: Harry Roque, Sept. 16, 2020

Official Gazette of the Philippines, Executive Order No. 2, s. 2016, July 23, 2016

Inquirer.net, Duterte signs FOI order, July 24, 2016

Philstar.com, Duterte signs historic EO on Freedom of Information, July 24, 2016

CNN Philippines, President Duterte finally signs FOI, July 24, 2016

Official Gazette of the Philippines, Executive Order No. 1, s. 2016, June 30, 2016

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.