(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong June 17.)
Kumakalat sa Facebook (FB) ang isang abisong nagsasabi na puwedeng dumiretso sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga Pilipinong nais mag-apply bilang kasambahay sa South Korea.
Sabi sa isang FB post:
“Domestic helper in Korea Approved Na 83-84k a month! No agency po..direct sa POEA! Ano pa iniintay nio apply na.”
Pinasinungalingan ng Department of Migrant Workers (DMW) at Philippine Embassy sa Korea ang umano’y government-to-government hiring program na ito.
Nilinaw ng DMW na scam ang kumakalat na posts. Pinaalalahanan din ang publiko na magtiwala lang sa official website at social media pages ng DMW para sa totoong announcements tungkol sa mga government-to-government hiring.
Hinihikayat ang publiko na isumbong sa Migrant Workers Protection Bureau ang iba pang ilegal na pagre-recruit; tumawag lang sa 8722-1192 o 8722-1189.
Ayon sa mga bagong patakaran ng POEA sa recruitment at employment ng OFWs, ang gobyerno ay nagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa mga bansa lang na may mga kasunduan ang Pilipinas.
Mula 2004, sinusunod ng Pilipinas at South Korea ang kasunduan sa pagpapadala at pagtanggap ng mga manggagawa ayon sa Employment Permit System ng South Korea. Áyon sa Human Resources Development Service of Korea, ang mga industriyang kasama sa kasunduang ito ay manufacturing, construction, service, pangingisda at pagsasaka, at pag-aalaga ng hayop.
Ayon sa mga balita, pinag-aaralan pa lang ulit ng South Korea ang pagpayag sa mga manggagawang Pilipino na magtrabaho bílang mga kasambahay sa South Korea.
Maraming netizen ang nabiktima sa scam posts. Karamihan sa kanila ay nagtatanong kung paano mag-apply.
Kumalat ang posts isang linggo pagtapos ng pampublikong pagdinig ng senado sa pagpapatibay ng kasunduan ng Pilipinas at South Korea. Áyon kay Sen. Imee Marcos, sinisiguro ng kasunduan ang proteksiyon ng OFWs at iniiwasan ang kanilang dobleng pagbabayad ng insurance at social security benefits.
Nitong Araw ng Kalayaan, ang DMW ay nagdaos ng malaking job fair kung saan inanunsiyo ni Sec. Susan Ople na magsasagawa ang DMW ng regular online job fairs para labanan ang mga gumagamit ng social media para sa mga ilegal na pagre-recruit.
Sa kabuuan, nakakalap ng 1.7k interactions ang scam na pinost ng ilang netizen.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)