Sinabi ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos na ang galunggong o round scad, na idiniin niya ay “para sa mahihirap,” ay ang isda na “pinakamadaling alagaan.” Walang basehan ang kanyang pahayag dahil patuloy pa rin ang pagsasaliksik sa galunggong aquaculture, at walang konklusyon ang mga eksperto kung posible ito.
PAHAYAG
Sa isang panayam noong Marso 8 sa DZRJ, sinabi ni Marcos Jr. na hindi niya maintindihan kung bakit nag-aangkat ang Pilipinas ng galunggong:
“Ang pinakamadaling alagaan ay galunggong. Hindi ba pang-mahirap nga dapat iyan? You can get that anywhere (Makukuha mo ‘yan kahit saan), tapos nag-i-import (nag-aangkat) tayo ? … That describes the terrible state that we have allowed our agri [sector] to come into (Iyan ang nagpapakita ng kakila-kilabot na estado na pinahintulutan nating mangyari sa ating agri [sektor]).”
Pinagmulan: DZRJ 810 AM – Radyo Bandido, (Presidential aspirant Bongbong Marcos interview), Marso 8, 2022, panoorin mula 24:57 hanggang 25:37
Reaksiyon ito ni Marcos sa anunsyo ng Department of Agriculture (DA) noong Enero 18 na mag-aangkat ang bansa ng 60,000 metrikong tonelada ng isda, kabilang ang galunggong, dahil sa inaasahang pagbaba ng suplay sa unang quarter ng 2022 na maaaring humantong sa pagtaas ng presyo sa merkado.
Sa pagpapasya na mag-angkat ng isda, sinabi ng DA na isinaalang-alang nito ang malaking pinsala sa sub-sektor ng pangisdaan dahil sa Bagyong Odette na nanalasa sa Visayas at Mindanao noong Disyembre at ang pagkaunti ng produksyon sa pagtatapos ng panahon ng pangingisda.
ANG KATOTOHANAN
Walang datos na nagpapatunay na ang galunggong ang “pinakamadaling alagaan” sa iba pang aquatic species, gaya ng pahayag ni Marcos Jr. Ayon kay Josette Emlen Genio, isang lisensiyadong fisheries technologist/aquaculturist, ang pananaliksik sa kung posible iyong isaka ay nasa “exploratory stage pa rin. ”
“Hindi [ito ang pinakamadaling paramihin], dahil sa unang banda, wala pang nakatukoy na farming technique para sa galunggong. Kakasimula pa lang ng pagsasaliksik … at [nasa] exploratory stage na,” sinabi sa Ingles ni Genio sa VERA Files Fact Check, idinagdag na ang “100%” ng galunggong sa lokal na merkado ay nagmula sa dagat.
Binanggit niya ang patuloy na pagsasaliksik sa pagpaparami ng galunggong ng Southeast Asian Fisheries Development Center Aquaculture Department (SEAFDEC/AQD), na inihayag noong Marso 3 na ang mga mananaliksik nito ay nagkapag-pangitlog ng “unang nahuling-pinalahiang” galunggong sa mundo noong Disyembre 2021.
Sa isang press release, sinabi ni Dan Baliao, hepe ng SEAFDEC/AQD, isang organisasyong pinondohan ng gobyerno ng Pilipinas para bumuo ng mga pamamaraan para sa pagpapalaki ng bagong aquatic species na bihag at para sa hatchery, bukod sa iba pa, na gusto nilang palaguin ang fingerlings na kasing “laki ng nasa merkado” para patunayan na posible ang pagsasaka ng galunggong. Ang SEAFDEC/AQD, na itinatag noong 1973, ay ang parehong institusyong nagsagawa ng pananaliksik sa pagpaparami ng bangus (milkfish) noong dekada 70 at 80.
“Kami ay nasasabik na ilunsad ang teknolohiya at isulong ang kultura ng galunggong upang ang mga presyo ay maging mas abot-kaya dahil ang mga sakahan ay tiyak na mapapalaki ang huli mula sa dagat,” aniya.
Bagama’t ang pagsasaliksik upang magtatag ng farming o aquaculture technology ng isda ay tumatagal ng maraming taon o kahit na mga dekada, sinabi ni Genio na “hindi nito man lang ginagarantiyahan ang komersyal na posibilidad.”
Ayon sa Food and Agriculture Organization (FAO), hindi bababa sa 580 aquatic species ang kasalukuyang sinasaka sa pamamagitan ng aquaculture sa buong mundo. Ang aquaculture ay ang pagpaparami at pagsasaka ng mga isda at iba pang aquatic species sa tubig-tabang, tubig alat, at mga lugar sa dagat, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Noong Marso 1, ang BFAR ay naglista ng 387 rehistradong aquaculture farm sa Pilipinas na nag-aalaga ng iba’t ibang produktong seafood, tulad ng tilapia, bangus, at talakitok.
Noong 2020, ang galunggong ay pumangatlo sa nangungunang komersyal na nahuling species ng isda sa bansa, kasunod ng tamban at gulyasan.
Noong Marso 11 ngayong taon, iniulat ng DA na ang umiiral na presyo sa pamilihan ng lokal na galunggong sa Metro Manila ay P240 kada kilo at ang mga inangkat ay nasa P180, mas mataas kaysa sa bangus na P160 at tilapia na P120.
Ipinaliwanag ni Samantha Geraldine De los Santos, researcher at pinuno ng Knowledge Management Office sa University of the Philippines Los Baños-College of Public Affairs and Development, na ang climate change ay isa sa mga salik na nakakaapekto sa mababang huli ng galunggong sa karagatan ng Pilipinas. Sinabi niya na ang kakulangan ng pagkain at “hindi kanais-nais” na mga kondisyon sa nakapaligid na tubig ay nagtutulak sa mga isda na lumipat sa ibang mga lugar sa dagat kung saan sila mabubuhay.
“Ang resulta? Napakaliit na huli or huli pero napakalaki ng ginawang trabaho at kapital (halimbawa, krudo, yelo) na ginamit mahanap lang sila … ‘Yung pagsisikap sa bawat huli ang nagpapaliwanag kung bakit napakamahal ng galunggong or bakit inaangkat natin,” isinulat niya sa magkahalong Ingles at Filipino sa Facebook post noong Marso 8.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
DZRJ, (Presidential aspirant Bongbong Marcos interview), March 8, 2022
Philippine Statistics Authority, Special release, Oct. 22, 2021
Food and Agriculture Organization of the United Nations, Cultured Aquatic Species (database), Accessed March 11, 2022
Food and Agriculture Organization of the United Nations, Aquaculture, Accessed March 11, 2022
Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, REGISTERED AQUACULTURE FARMS (As of March 1, 2022), March 1, 2022
Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, About Us, Accessed March 9, 2022
Department of Agriculture, FROM THE FISH SITE: Researchers close the life cycle for round scad | Official Portal of the Department of Agriculture, March 7, 2022
Southeast Asian Fisheries Development Center Aquaculture Department (SEAFDEC/AQD), Research breakthrough seen to curb shortage of ‘poor man’s fish’ – SEAFDEC/AQD, March 3, 2022
Southeast Asian Fisheries Development Center Aquaculture Department (SEAFDEC/AQD) official Facebook page, ???????? ????????????…, March 3, 2022
Southeast Asian Fisheries Development Center Aquaculture Department (SEAFDEC/AQD), , Our organization, Accessed March 11, 2022
Department of Agriculture, DA sees necessity to import 60k MT of fish in first quarter of 2022, Jan. 18, 2022
Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Philippine Fisheries Profile 2020, 2020
Department of Agriculture, Price monitoring as of March 9, 2022. March 11, 2022
Samantha Geraldine De los Santos, LinkedIn profile, Accessed March 11, 2022
Samantha Geraldine De los Santos Facebook account, Ang galunggong ay migratory o lumalangoy ng malayo patungo sa mga lugar kung saan sila pwede mabuhay,,,, March 8, 2022
Jessette Emlen Genio, LinkedIn profile, Accessed March 13, 2022
Jessette Emlen Genio, Email correspondence
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)