Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Zubiri binago ang pahayag tungkol sa paglalagay ng China sa PH sa tourism blacklist

WHAT WAS CLAIMED

Baka ang ibig sabihin ng Chinese ambassador ay posibleng ma-blacklist ang Pilipinas.

OUR VERDICT

Flip-flop:

Inilagay ng China ang Pilipinas sa blacklist ng mga destinasyong pang-turismo dahil sa patuloy na operasyon ng mga offshore gaming operator ng Pilipinas sa bansa.

By VERA Files

Oct 14, 2022

4-minute read

BASAHIN SA INGLES

ifcn badge

Share This Article

:

Binawi ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang kanyang anunsyo na inilagay ng China ang Pilipinas sa blacklist ng mga destinasyong pang-turismo “dahil sa problema sa mga POGO [Philippine offshore gaming operators].”

PAHAYAG

Noong Oktubre 11, nang hindi inaamin na nagkamali siya ng interpretasyon sa pahayag ng Chinese ambassador, nag-post si Zubiri sa kanyang Facebook page:

“Siguro nawala ito sa pagsasalin at ang ibig sabihin ng butihing Ambassador ay posibleng ma-blacklist tayo dahil nabanggit niya na ginagawa nila iyon sa mga bansang nagsusulong ng pagsusugal para sa kanilang mga kababayan.”

 

Pinagmulan: Opisyal na Facebook page ni Senator Migz Zubiri, During our meeting with Ambassador Huang…, Oktubre 11, 2022

Nangyari ang paglilinaw kasunod ng pahayag ng Chinese embassy na tinawag na “misinformation” ang mga ulat na naka-blacklist ang Pilipinas sa China bilang isang tourist destination.

ANG KATOTOHANAN

Sa pagdinig ng Senate committees on ways and means at public order and dangerous drugs noong Oktubre 11, sinabi ni Zubiri na sa kanyang pakikipagpulong kay Chinese Ambassador Huang Xilian noong nakaraang araw, binanggit ng envoy na ang Pilipinas ay kasama na sa blacklist ng China ng mga tourist destination sa gitna ng tuloy-tuloy na offshore gaming operations sa bansa.

“Sinabi ni Ambassador Huang na ang Pilipinas ngayon ay bahagi ng blacklist ng mga tourist site dahil hindi nila alam kung ang mga turista na pupunta doon ay mag-ooperate o sasali sa operasyon ng POGO,” sinabi niya sa pagdinig tungkol sa mga POGO.

Idinagdag ng senador na ang China ay nagpahayag ng mga alalahanin sa seguridad at kaligtasan ng mga Chinese national at binanggit na ito ay humantong sa “malaking pagbaba ng bilang ng mga turistang Chinese.”

Gayunpaman, hiwalay na sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian, na kasama sina Zubiri at Sen. Robinhood Padilla sa pakikipagpulong kay Huang, sa mga mamamahayag noong Oktubre 11 na hindi ito sinabi ng envoy. Sinabi niya na binanggit lamang ni Huang ang “posibilidad” na “hihigpitan” ng China ang mga mamamayan nito sa pagpunta sa Pilipinas.

“Sa tingin ko, ang konteksto diyan ay kinatakutan nila na ‘yung mga pupuntang turista rito ay magtatrabaho sa POGO. Kaya, maghihigpit sila; hindi blacklist o ban,” ani Gatchalian, chair ng Senate committee on ways and means.

Ilang oras matapos i-anunsyo ni Zubiri ang sinasabing blacklisting, naglabas ng pahayag ang embahada ng China na nagsasabing ang turismo ay “isang mahalagang bahagi ng praktikal na kooperasyon sa pagitan ng China at Pilipinas.”

“Bago ang COVID-19 pandemic [,] halos dalawang milyong Chinese nationals ang bumiyahe sa Pilipinas noong 2019, na naging pangalawang pinakamalaking pinagmumulan ng mga turista ang China. Inaasahan namin na mas maraming turistang Chinese ang pupunta sa bansang ito pagkatapos ng pandemic,” sinabi nito.

Noong Oktubre 12, muling pinanindigan ni Zubiri sa isang Facebook post at isang panayam sa DZBB [radio station] na ang salitang “blacklisted” ay galing mismo sa ambassador at hindi sa mga senador.

Sa kabilang banda, sinabi ni Gatchalian sa isang panayam sa CNN Philippines noong araw ding iyon na ang nangyari ay isang simpleng kaso ng “misappreciation” ng mga pahayag ng ambassador. Ang malinaw, aniya, ay ilegal ang online gambling sa China.

Sa kanyang bahagi, sinabi ni Padilla sa isang press release na nang tanungin ni Zubiri si Huang kung ang mga Chinese offshore gambling operator ay may koneksyon sa mga sindikato ng krimen, sumang-ayon ang ambassador. Kaya naman, aniya, marami sa kanila ang na-blacklist o wanted sa China.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Senator Migz Zubiri’s official Facebook page, During our meeting with Ambassador Huang…, Oktubre 11, 2022

Tinanggi ng China na nilagay ang PH sa tourism blacklist

Senate of the Philippines, Senate receives Chinese Ambassador, Oktubre 10, 2022

Senate of the Philippines, Committee on Ways and Means joint with Public Order and Dangerous Drugs (October 11, 2022), Oktubre 11, 2022

Senate of the Philippines, Sen. Win Gatchalian, chairperson of the Senate Committee on Ways and Means, discusses the highlights of the second hybrid hearing on the…, Oktubre 11, 2022

Chinese Embassy Manila, Statement on POGO related issues by the spokesperson of the Chinese Embassy, Oktubre 11, 2022

Senator Migz Zubiri’s official Facebook page, Hindi ako Mariton, at hindi ako nag bibigay ng fake news…, Oktubre 12, 2022

GMA News, Dobol B TV Livestream: October 12, 2022 – Replay, Oktubre 12, 2022

CNN Philippines, Senator Win Gatchalian | The Source, Oktubre 12, 2022

Senate of the Philippines, Sa Pakikipagugnayan sa Ambassador ng Tsina, Oktubre 13, 2022

 

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.