Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Tatlong bagay na kailangan mong malaman tungkol sa mga confidential at intelligence fund

Ano ang mga confidential at intelligence funds at para saan ito magagamit?

By VERA Files

Nov 30, 2022

6-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Inaprubahan ng Senado noong Nob. 23 ang panukalang P5.27 trillion na pambansang budget para sa 2023. Ni-realign nito ang hindi bababa sa P170 milyon na confidential na pondo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa kanilang maintenance at iba pang operating expenses.

Ang minority bloc sa kamara ay nagpahayag ng pag-aalala tungkol sa P9.29 bilyon na confidential and intelligence funds (CIFs) na unang iminungkahi ng Malacañang, partikular ang mga nasa budget para sa Office of the President at Department of Education (DepEd).

Bagamat ang P4.5 bilyon na CIFs na nasa pagngangalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay hindi pa nagagalaw, ang P150-milyong iminungkahing confidential na pondo ni Vice President Sara Duterte-Carpio sa ilalim ng DepEd ay ibinaba sa P30 milyon.

Sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa isang press briefing noong Nob. 7 na wala siyang problema sa mga confidential funds, na magagamit ng DepEd ang mga ito sa pag-aayos ng mga silid-aralan na nawasak ng mga bagyo.

Ano ang mga CIF at para saan ito magagamit? Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman:

1. Ano ang pagkakaiba ng kumpidensyal at intelligence funds?

Ang intelligence funds, sa kabilang banda, ay mga disbursement para sa “pangangalap ng intelligence information ng uniformed at military personnel at intelligence practitioners” na may direktang epekto sa pambansang seguridad.

Inilabas ng COA ang mga alituntuning ito noong 2015 kasama ang Department of Budget and Management, Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense, at Governance Commission for Government-Owned and Controlled Corporations (GCG) sa pamamagitan ng Joint Circular No. 2015-01.

Tinutukoy nito ang mga intelligence practitioner bilang mga eksperto na itinalaga at pinahintulutan na mangalap ng impormasyon para sa mga ahensya ng gobyerno, kabilang ang DND, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at iba pa.

Sa ilalim ng pangkalahatang mga alituntunin, ang mga ahensya ng pambansang pamahalaan ay binibigyan ng budget para sa mga CIF sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) o ang taunang programa sa paggasta ng pamahalaan.

Ang local government units (LGUs) na priority concern ang peace and order ay maaring mabigyan ng confidential funds kung mayroong specific appropriation sa kanilang annual budget para sa mga programa tungkol dito. Ang mga programang ito ay nagsisilbing batayan para sa pagkalkula ng mga pinahihintulutang confidential funds para sa kanila.

Ang government-owned or controlled corporations (GOCCs), sa kabilang banda, ay maaari lamang maglaan ng mga confidential fund kung may pahintulot mula sa GCG.

2. Saan at paano magagamit ang mga CIF?

Ang 2015 COA guidelines ay naglilista ng mga partikular na aktibidad kung saan maaaring gamitin ang mga CIF. Taliwas sa pahayag ni Zubiri, ang mga aktibidad na ito ay limitado sa mga may kinalaman sa peace and order gayundin sa pambansang seguridad.

Partikular na nagsasaad sa dokumento na ang mga pondo ay hindi maaaring gamitin upang bayaran ang mga suweldo at allowance ng mga empleyado at opisyal maliban kung pinahintulutan ng batas. Ipinagbabawal din nito ang paglalaan ng mga CIF para sa pagpapatayo o pagbili ng mga gusali at istruktura ng pabahay, at para sa representasyon, bayad sa konsultasyon, o gastos sa entertainment.

Tingnan ang infographic sa ibaba:

Ang lahat ng mga gastos sa CIF ay dapat na suportado ng isang pisikal at pinansyal na plano kung saan ang iminungkahing halaga para sa bawat programa, proyekto at aktibidad ay nakalatag.

Para sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan, ang paglalaan ng mga CIF ay dapat isama sa mga bagay na ilalabas kapag naaprubahan ang GAA. Ang paggamit ng mga pondo ay napapailalim sa pag-apruba ng kalihim ng departamento o pinuno ng ahensya.

Gayunpaman, ang pagpapalabas ng mga intelligence fund ay nangangailangan ng paunang pag-apruba ng pangulo.

Gayundin, kinakailangan ang pag-apruba ng pangulo bago ang paglabas at paggamit ng confidential funds para sa mga GOCC. Para sa mga LGU, kinakailangan ang isang resolusyon na inaprubahan ng dalawang-katlo ng mga miyembro ng lokal na Peace and Order Council.

Sa mga pagkakataon na ang isang LGU ay nangangailangan ng karagdagang confidential funds, ang isang duly authorized supplemental budget ang dapat aprubahan ng kalihim ng DILG.

3. Paano sinusuri at sinusubaybayan ang mga CIF?

Inaatasan ng joint circular ang lahat ng mga ahensya na magsumite ng mga quarterly accomplishment report sa paggamit ng mga CIF. Ang lahat ng mga disbursement ay kailangang suportahan ng dokumentaryong ebidensya ng pagbabayad at sertipikasyon ng responsableng opisyal na signed under oath.

“Ang paggamit ng naturang mga pondo ay karaniwang confidential at classified ayon sa likas na katangian, na nangangailangan ng hindi lamang malakas na internal controls sa pagpapalabas at paggamit nito, kundi pati na rin ang mahigpit na mga panuntunan sa accounting at pag-audit upang maiwasan ang maling pangangasiwa o hindi wastong paggamit ng mga pondo,” sabi ng dokumento.

Kung mali ang paggamit ng mga pondo, ang opisyal ng budget, chief accountant, treasurer, at project officer ay maaaring managot.

Sa isang pahayag noong Okt. 3, nanawagan si Albay Rep. Edcel Lagman para tapyasan ang mga CIF na iminungkahi sa 2023 budget habang nagbabala siya sa potensyal ng katiwalian.

“Dahil ang paggamit ng confidential at intelligence funds ay nababalot ng misteryo at ang sinasabing pag-audit ng (COA) ay hindi maibubunyag sa Kongreso at sa publiko, ang mga pondong ito ay nagbubunga ng katiwalian, at kung mas malaki ang pondo, mas malaki ang magnitude para sa posibilidad ng graft,” sinabi niya.

Gayundin, hinimok ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel ang Kongreso na huwag simulan ang gawaing pagbibigay ng CIF sa mga ahensya tulad ng Office of the Vice President, DepEd at Office of the Solicitor General na hindi pa nabibigyan ng naturang pondo.

Sa gitna ng mga panawagang ito, itinaguyod ni Zubiri ang Senate Resolution No. 302 noong Nob. 21 na lumikha ng Select Oversight Committee on Confidential and Intelligence Funds. Pangungunahan ng Senate president ang komite kasama sina Pimentel at iba pang senador – sina Sonny Angara, Ronald “Bato” Dela Rosa at Majority Leader Joel Villanueva – bilang mga miyembro.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Department of Budget and Management, Senate approves 2023 General Appropriations Bill, Nov. 23, 2022

Senate Minority Bloc raises concerns on CIFs

Senate of the Philippines, Transcript of Interpellation Senator Risa Hontiveros with Senator Sonny Angara on DepEd Confidential Fund Amendment, Nov. 23, 2022

Senate of the Philippines, Transcription of Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri’s Press Conference, Nov. 7, 2022

Commission on Audit, Joint Circular No. 2015-01, Jan. 8, 2015

Official Website of Rep. Edcel Lagman, The 2023 national budget must be purged of unnecessary and excessive confidential and intelligence funds…, Oct. 3, 2022

Pimentel urged Senate to block CIFs of 3 agencies

Senate of the Philippines, Senate Constitutes Special Oversight Committee for Confidential and Intelligence Funds, Nov. 21, 2022

Senate of the Philippines, Senate Resolution No. 302, Nov. 21, 2022

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

 

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.