Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Zubiri na maaaring gamitin ang confidential funds para sa pagkukumpuni ng mga silid-aralan hindi totoo

WHAT WAS CLAIMED

Ang mga confidential fund sa taunang pambansang budget ay maaaring gamitin upang ayusin ang bubong ng mga silid-aralan na nawasak ng mga bagyo.

OUR VERDICT

Hindi totoo:

Isang hanay ng mga alituntunin ng 2015 Commission on Audit (COA) ang tumutukoy sa mga kumpidensyal na gastos bilang lump sum na halaga para sa “mga aktibidad sa pagsubaybay sa mga ahensya ng gobyernong sibilyan.” Nakasaad dito na “sa anumang kaso ay hindi dapat (kumpidensyal o intelligence funds) gamitin para sa … pagtatayo o pagbili ng mga gusali o istruktura ng pabahay.”

By VERA Files

Dec 1, 2022

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Mali ang pahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri noong Nob. 7 na maaaring gamitin ang confidential funds sa pagkukumpuni ng mga silid-aralan.

PAHAYAG

Sa pagsagot sa tanong ng media sa panukala ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na dagdagan ang budget para sa mga lugar na dumaranas ng kalamidad sa pamamagitan ng pag-realign ng confidential and intelligence funds (CIFs) sa 2023 national budget, sinabi ni Zubiri na wala siyang problema dito. Ipinaliwanag niya:

“Wouldn’t it be easier kung may confidential funds ka na ibibigay sa mga eskwelahan na nangangailangan ng bubong? May pondo ka na, eh.  You have to remember na kung maglalagay ka ng eskwelahan sa isang lugar, naka-earmark na ‘yan. Kung walang bagyo dun, paano iyong karatig na bayan na natamaan ng bagyo o natamaan ng flash flood at sila ang nangangailangan?”

(“Hindi ba mas madali kung mayroong confidential funds ka na ibibigay sa mga eskwelahan na nangangailangan ng bubong? May pondo ka na. Dapat mong tandaan na kung maglalagay ka ng eskwelahan sa isang lugar, nakalaan na yan. Kung walang bagyo doon, paano iyong karatig na bayan na natamaan ng bagyo o natamaan ng flash flood at sila ang nangangailangan?”)

 

Pinagmulan: Senate of the Philippines, Transcription of Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri’s Press Conference, Nob. 7, 2022

Sinabi pa ng senador:

“I’m not that sure with co-regulations but baka pwedeng (perhaps), under the confidential funds, iyong pangangailangan nila ng (their need for) emergency funds for repairs or things like that bakit hindi (why not)?”

(“Hindi ako ganoon kasigurado sa co-regulations pero baka pwedeng, sa confidential funds, iyong pangangailangan nila ng emergency funds para sa mga repair o mga bagay tulad niyan bakit hindi?”)

 

Pinagmulan: Senate of the Philippines, Transcription of Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri’s Press Conference, Nob. 7, 2022

ANG KATOTOHANAN

Isang hanay ng mga alituntunin ng 2015 Commission on Audit (COA) ang tumukoy sa mga kumpidensyal na gastos bilang lump sum na halaga para sa “mga aktibidad sa pagsubaybay sa mga ahensya ng gobyernong sibilyan.” Nakasaad dito na “sa anumang kaso ay hindi dapat (kumpidensyal o intelligence funds) gamitin para sa … pagtatayo o pagbili ng mga gusali o istruktura ng pabahay.”

Ang mga gastos sa intelligence, sa kabilang banda, ay tumutukoy sa mga disbursement para sa “mga aktibidad sa pangangalap ng impormasyon ng mga uniformed personnel at mga intelligence practitioner.”

(Basahin ang VERA FILES FACT SHEET: Tatlong bagay na kailangan mong malaman tungkol sa mga confidential at intelligence fund)

Inilabas ng COA ang mga alituntunin kasama ang Department of Budget and Management, Department of the Interior and Local Government, Department of National Defense at ang Governance Commission for Government-Owned and Controlled Corporations sa pamamagitan ng Joint Circular No. 2015-01.

BACKSTORY

Matapos ang dalawang linggong debate sa plenaryo, inaprubahan ng Senado noong Nob. 23 ang panukalang P5.27-trilyong pambansang budget para sa 2023. Bagama’t hindi nagbago ang pinagsama-samang halaga na iminungkahi ng Malacanang, ang mga senador ay nag-realign ng hindi bababa sa P170 milyon na confidential funds ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa kanilang maintenance at iba pang mga operating expense.

Ipinaalam ng minority bloc sa kamara ang kanilang mga alalahanin tungkol sa P9.29 bilyon na CIFs sa iminungkahing General Appropriations Act, partikular ang mga nasa budget para sa Office of the President at DepEd.

Hindi ginalaw ng mga senador ang P4.5 bilyon na CIF na nasa pangangalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngunit ibinaba sa P30 milyon ang P150-milyong iminungkahing confidential funds ni Vice President Sara Duterte-Carpio sa ilalim ng DepEd.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Senate of the Philippines, Transcription of Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri’s Press Conference, Nov. 7, 2022

Sen. Koko Pimentel calls for the realignment of CIFs to disaster response

Commission on Audit, Joint Circular No. 2015-01, Jan. 8, 2015

Department of Budget and Management, Senate approves 2023 General Appropriations Bill, Nov. 23, 2022

Senate Minority Bloc raises concerns on CIFs

Senate of the Philippines, Transcript of Interpellation Senator Risa Hontiveros with Senator Sonny Angara on DepEd Confidential Fund Amendment, Nov. 23, 2022

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.