Sa ika-136 na sesyon ng United Nations Human Rights Committee sa Geneva noong Oktubre 10, binigyang-katwiran ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang red-tagging ng gobyerno sa mga kritiko na pinaniniwalaan nilang nakikiisa sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Ito ay nakaliligaw.
PAHAYAG
Sa pagtugon sa mga tanong at alalahanin na inungkat ng iba’t ibang tagapagsalita sa meeting, ibinigay ni Remulla ang kanyang “personal na pananaw” sa red-tagging:
“Ang red-tagging ay ang terminong ginagamit kapag ang isang tao na kabilang sa isang civil society organization ay pinuna dahil sa trabahong ginagawa nila na nauugnay sa mga taong gumagawa ng mga kriminal na gawain sa ating bansa.”
Pinagmulan: United Nations TV Geneva, 3919th Meeting, 136th Session, Human Rights Committee (CCPR), Oktubre 10, 2022, panoorin mula 2:27:35 hanggang 2:27:56
Ipinaliwanag pa niya:
“Paano ito ilalarawan? May New People’s Army sa Pilipinas. Nakapatay ito ng libo-libong pulis at sundalo sa buong 50 taon na kasaysayan nito. Kapag mayroon silang mga front organization na nagtatrabaho kasama nila o tumutulong sa kanila, ang mga ito ay binabatikos ng maraming tao sa gobyerno o ng ilang taong nagmamalasakit sa bansa. At ito ay tinatawag na red-tagging na.”
Pinagmulan: United Nations TV Geneva, 3919th Meeting, 136th Session, Human Rights Committee (CCPR), Oktubre 10, 2022, panoorin mula 2:27:57 hanggang 2:28:24
ANG KATOTOHANAN
Tinukoy ng non-profit na International Peace Observers Network (IPON) na nakabase sa Germany ang red-baiting sa journal article nito noong 2011 tungkol sa red-baiting sa Pilipinas bilang:
“Ang pag-label, pagba-brand, pagbibigay ng pangalan at pag-aakusa sa mga indibidwal at/o organisasyon ng pagiging makakaliwa, subersibo, komunista o terorista (na ginagamit bilang) isang diskarte … ng mga ahente ng Estado, partikular na ang mga ahensiyang nagpapatupad ng batas at ng militar, laban sa yaong mga itinuturing na ‘mga banta o ‘mga kaaway ng Estado’.”
Binanggit ni Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen ang journal article ng IPON tungkol sa red-baiting sa kanyang dissenting opinion sa Zarate v. Aquino III.
Tinukoy ng Merriam-Webster dictionary ang red-tagging o “red-baiting” bilang pagkilos ng panliligalig o pag-uusig sa mga indibidwal o organisasyon “dahil sa kilala o pinaghihinalaang may pakikisimpatiya sa komunista.”
Ang mga petitioner sa kaso ng Zarate v. Aquino III ay humiling ng writ of amparo at writ of habeas data mula sa Korte Suprema upang protektahan ang kanilang mga karapatan na mabuhay, maging malaya at [magkaroon ng] seguridad matapos silang i-tag ng militar bilang “mga front organization ng komunista.”
Ang mga writ o utos ng hukuman na ito ay mga legal na remedyo na magagamit ng sinuman na ang karapatang mabuhay, maging malaya at [magkaroon ng] seguridad ay pinagbabantaan ng isang pampublikong opisyal o empleyado, o isang pribadong indibidwal o entity.
Bagaman tinanggihan ng Korte Suprema ang petisyon, isinulat ni Leonen na ang mga ahente ng gobyerno ay gumagamit ng red-tagging upang gawing mas madali na “patahimikin o maging sanhi ng hindi masabing mga pang-aabuso sa karapatang pantao ng mga hayagang sumasalungat.”
Tinalakay din ng artikulo sa journal ng IPON kung paano ginagamit ang red-baiting sa Pilipinas. Sinabi nito na ang gawain ay mapanganib dahil maaari itong humantong sa mga walang warrant na pag-aresto, sapilitang pagkawala, at maging extrajudicial killings. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Bakit peligroso ang ‘red-tagging’)
Noong 2018, nagpetisyon ang Justice department sa korte na ideklara ang CPP-NPA bilang isang teroristang organisasyon sa ilalim ng Human Security Act of 2007. Noong Setyembre 21, tinanggihan ito ng Manila Regional Trial Court at sinabing ang mga pag-atake sa mga sibilyan na binanggit sa petisyon tulad ng pambobomba sa Plaza Miranda noong 1971 ay acts of rebellion, hindi terorismo.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
United Nations TV Geneva, 3919th Meeting, 136th Session, Human Rights Committee (CCPR), Oktubre 10, 2022
International Peace Observers Network (IPON), Red-Baiting: Civil Society under general suspicion, Nobyembre 2, 2011
Merriam-Webster Dictionary, Red-baiting Definition & Meaning, Na-access noong Oktubre 12, 2022
Supreme Court E-Library, G. R. No. 220028, Nov. 10, 2015
Supreme Court of the Philippines, The Rule on the Writ of Amparo, Setyembre 25, 2007
Manila Regional Trial Court, Civil Case No. R-MNL-18-00925-CV, Setyembre 21, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)