Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Zubiri mali ang sinabing walang mga pagpatay na may kinalaman sa droga sa ilalim ng Marcos admin

WHAT WAS CLAIMED

Sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na wala siyang narinig o nakita na mga pagpatay na may kaugnayan sa giyera laban droga sa ilalim ng bagong administrasyon.

OUR VERDICT

Hindi totoo:

Iniulat ng Philippine National Police noong Nob. 14 ang 46 na pagkamatay sa 18,505 na operasyon laban sa droga mula nang maupo ang administrasyong Marcos noong Hunyo 30. Sinabi ng pulisya na ang 46 na indibidwal na napatay ay mga suspek na nanlaban nang arestuhin.

By VERA Files

Nov 16, 2022

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Pinabubulaanan ang ulat ng komite ng United Nations (UN) tungkol sa pagpapatuloy ng extrajudicial killings sa Pilipinas, sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na wala siyang narinig o nakikitang anumang pagpatay, partikular sa mga hinihinalang pusher ng droga, sa ilalim ng bagong administrasyon.

Gayunpaman, iba ang ipinakikita ng mga ulat mula sa pulisya at media dahil nagpapatuloy ang mga pagpatay na may kaugnayan sa digmaan sa droga.

PAHAYAG

Sa isang press briefing noong Nob. 7, sinabi ni Zubiri, isang kaalyado ni Pangulong Ferdinand Marcos, na “hindi patas” ang UN Human Rights Committee, isang panel ng mga independiyenteng eksperto sa karapatang pantao, sa pagsabi sa ulat nito noong Nob. 3 ang umano’y pagpapatuloy ng extrajudicial killings at iba pang paglabag sa karapatang pantao sa bansa. Tinawag niya ang mga sinasabing paglabag sa karapatang pantao, kabilang ang mga pagpatay na may kaugnayan sa droga, bilang “isang lumang isyu.”

Sinabi niya:

“When we went to [the] EU [European Union], they discussed a bit of human rights but we told them, it is the new administration, there’s a new policy. The president said maximum tolerance when it comes to human rights …”

(“Noong nagpunta kami sa EU [European Union], medyo napag-usapan nila ang mga karapatang pantao pero sinabi namin sa kanila, ito ay bagong administrasyon, may bagong patakaran. Sinabi ng pangulo na maximum tolerance pagdating sa karapatang pantao …”)

Pinagmulan: Senate of the Philippines, Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri’s Press Conference (transcript), Nob. 7, 2022, panoorin mula 00:16 hanggang 00:26

Nagpatuloy ang Senate president:

“So as you can see, wala naman akong nakikitang namamatay … Unless may namatay na drug pusher, eh wala naman ako naririnig. Kaya nga nagalit na nga ‘yung previous administration, ba’t humihina na (ang kampanya laban sa droga).”

(“Kaya nakikita ninyo, wala naman akong nakikitang namamatay … Maliban na lang kung may namatay na drug pusher, eh wala naman ako naririnig. Kaya nga nagalit na nga ‘yung dating administrasyon, ba’t humihina na (ang kampanya laban sa droga).”)

Pinagmulan: panoorin mula 00:40 hanggang 00:55

ANG KATOTOHANAN

Taliwas sa pahayag ni Zubiri, iniulat ng Philippine National Police noong Nob. 14 na 46 na pagkamatay ang naganap sa 18,505 na operasyon laban sa droga mula nang maupo ang administrasyong Marcos sa kapangyarihan noong Hunyo 30. Sinabi ng pulisya na ang 46 na indibidwal na napatay ay mga suspek na nanlaban nang arestuhin.

 

Sa bahagi nito, iniugnay ng Third World Studies Center sa University of the Philippines, sa pamamagitan ng drug war killings monitoring project na tinatawag na Dahas, ang pagkamatay ng 127 Pilipino sa kampanya laban sa droga sa ilalim ng administrasyong Marcos, hanggang Nob. 7. Pito ang napatay sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula Nob. 1 hanggang 7, kabilang ang apat sa Davao del Sur lamang.

BACKSTORY

Sa ulat nito noong Nob. 3, ang UN Human Rights Committee ay nagpahayag ng pagkabahala sa mga naiulat na paglabag sa karapatang pantao sa bansa tulad ng extrajudicial killings at paghihigpit sa kalayaan sa pagpapahayag. Hinimok nito ang gobyerno na itigil ang extrajudicial killings sa mga hinihinalang pusher at gumagamit ng droga at pigilan ang pag-atake laban sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao at mga mamamahayag, na binanggit ang pagpatay sa broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.

Ang rekord ng karapatang pantao ng Pilipinas ay nasa matamang binabantayan ng international community bago pa man pumasok ang administrasyong Marcos noong Hulyo.

Sa ilalim ni dating pangulong Rodrigo Duterte, isang grupo ng mga eksperto sa karapatang pantao ng UN ang nanawagan para sa isang pandaigdigang imbestigasyon sa sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas. Gayunpaman, ito ay isinantabi nang mag-alok ang UN Human Rights Council na magbigay ng teknikal na tulong at capacity building para sa Pilipinas upang matupad ang mga obligasyon at pangako nito sa karapatang pantao. (Tingnan ang UN body offers technical aid to Duterte admin to improve PH human rights situation)

Ang talamak na pagpatay sa ilalim ng giyera kontra droga ng administrasyong Duterte ay humantong sa imbestigasyon ng International Criminal Court sa tinatawag nitong mga krimen laban sa sangkatauhan. (Tingnan ang ICC authorizes full-blown probe into Duterte’s drug war)

Sa paglihis sa madugong giyera sa droga sa ilalim ni Duterte, sinabi ni Marcos na isusulong niya ang “holistic approach” sa pagharap sa problema sa droga ng bansa tulad ng pagtuturo sa mga kabataan tungkol sa mga panganib at pagbibigay ng lunas sa pagkalulong sa droga, ngunit nangakong ipagpapatuloy ang pagsugpo sa high value targets at big-time na traffickers.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Senate of the Philippines, Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri’s Press Conference (transcript), Nov. 7, 2022

Daily Tribune, ‘LUMANG TUGTUGIN NA YAN’, Nov. 7, 2022

United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights official website, Concluding observations on the fifth periodic report of the Philippines*, Nov. 3, 2022

United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights official website, Human Rights Committee, Accessed Nov. 13, 2022

Office of the Press Secretary official website, PBBM admin’s ‘holistic approach’ vs. illegal drugs gaining momentum – Office of the Press Secretary, Nov. 15, 2022

University of the Philippines Diliman-Third World Studies Center, Nov. 1 to 7 report, Nov. 10, 2022

Dahas official Twitter account, Dahas (@DahasPH), Accessed Nov. 13, 2022

United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights official website,  Philippines: UN human rights experts renew call for an on-the-ground independent, impartial investigation, June 25, 202

United Nations official website, A/HRC/45/L.38, Accessed Nov. 13, 2022

 

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.