Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Ang mga istraktura earthquake-resilient, ipinaliwanag

Inutos ng pamahalaan ang mahigpit na pagpapatupad ng National Building Code (NBC) bunga ng serye ng mga malakas na lindol na nagdulot ng napakalaking mga pinsala sa mga istruktura sa Mindanao noong Oktubre.

By VERA Files

Nov 18, 2019

8-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:
Courtesy of Association of Structural Engineers of the Philippines (ASEP) Vice President Ariel Santos.
Courtesy of Association of Structural Engineers of the Philippines (ASEP) Vice President Ariel Santos.

Inutos ng pamahalaan ang mahigpit na pagpapatupad ng National Building Code (NBC) bunga ng serye ng mga malakas na lindol na nagdulot ng napakalaking mga pinsala sa mga istruktura sa Mindanao noong Oktubre.

Ang mga lindol, na may kasing lakas ng magnitude 6.6, ay yumanig at nakapinsala ng 40,632 na mga imprastruktura, kabilang ang mga paaralan, ospital, at mga bahay, ayon sa ulat noong Nob. 15 ng National Disaster Risk Reduction and Management Council. Ang bahay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City ay nagkaroon din ng mga bitak.

Inutusan ni Duterte ang lahat ng mga lokal na yunit ng gobyerno at mga kontratista na tiyakin na ang lahat ng mga materyales sa konstruksyon ay sumusunod sa mga pamantayan sa kalidad. Iniutos din niya ang pagsama ng hollow blocks sa listahan ng mga produkto na nangangailangan ng ipinag-uutos na sertipikasyon, at binanggit ang posibleng hindi pagsunod sa takdang mga pamantayan ng mga maliliit na gumagawa ng hollow blocks.

Ang lawak ng pinsala ay nag udyok ng panibagong panawagan sa Kongreso na baguhin ang polisiya.

Ngunit ano ang sinasabi ng NBC tungkol sa earthquake-resilient na imprastraktura? Narito ang limang bagay na kailangan mong malaman.

Anong pamantayan ang ginagamit sa paggawa ng mga imprastraktura na earthquake-resilient?

Sumasangguni ang mga manggagawa sa National Structural Code of the Philippines (NSCP) upang matiyak na ang mga gusali, tulad ng high-rise condominiums, ay kayang matagalan ang mga pagyanig na kasing tindi ng magnitude 8.

Binuo ng Association of Structural Engineers of the Philippines (ASEP), ang NSCP ay itinuturong “referral code” ng NBC – ang pangunahing batayan para sa konstruksyon, disenyo, paggamit, at pagpapanatili ng lahat ng mga gusali sa bansa – dahil ang huli ay hindi tinukoy ang mga pamantayan para sa mga istrukturang earthquake-resilient.

Sakop lamang ng NSCP ang mga gusali, tower, at iba pang mga patayong istruktura, tulad ng mga poste at billboard. Ang iba pang mga “espesyal na istruktura,” kabilang ang mga “single family dwelling,” ay kinakailangan ding sumunod sa code “bilang minimum hangga’t naaangkop.”

Ang mga tradisyunal na tirahan ng pamilyang katutubo at mga economic at socialized housing project, sa kabilang banda, ay hindi saklaw sa pagsunod (sa code), tulad ng nakasaad sa implementing rules and regulations (IRR) ng NBC.

Sa isang panayam noong Nob. 11, sinabi ni ASEP Vice President Ariel Santos na kumikilos na ngayon ng samahan upang “bumuo” ng isang hiwalay na code para sa pabahay na kasama ng mga template para sa mga low cost ngunit earthquake-resilient na mga bahay.

Ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology, o Phivolcs, ay nag-isyu noong 2014 ng isang 12-point checklist para sa mga kongkretong hollow block na mga bahay sa bansa, na maaaring magamit upang masuri ang kahinaan sa malakas na lindol.

Ano ang itinuturing na earthquake-resilient?

Ang mga gusali sa bansa na idinisenyo batay sa NSCP ay dapat na kayanin ang malakas na lindol mula sa magnitude 7 hanggang 8.4, sabi ni Santos. Dapat itong “maayos na dinisenyo,” na gawa sa “mahusay na kalidad na mga materyales,” at “mabuti” sa konstruksyon para maituring na matibay, idinagdag niya.

Naglatag ang NSCP ng mga katangian na magsisilbing mga batayan sa pagdidisenyo ng istraktura na earthquake-resilient: seismic zoning, mga katangian ng site, occupancy, pagsasaayos, istrukturang sistema, at taas.

Sa isang panayam noong Nob. 7, sinabi ni Engineer Katherine Anne Macoy, pinuno ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bureau of Design structural section, ang mga dapat ding isaalang-alang ng mga inhinyero ng istruktura:

  • distansya sa isang fault line at ang puwersa na maaaring malikha nito; at
  • earthquake loads, o ang “pagpapalagay” ng kinakailangang load ng istraktura upang mapaglabanan ang isang lindol.

Ang isang istraktura ay “ipinapalagay” na sumusunod sa NSCP sa sandaling mabigyan ito ng building permit, ayon kay Architect Mariano del Castillo, isang kawani ng tanggapan ng NBC development office sa DPWH.

Ngunit kahit sa mga pagsasaalang-alang sa kaligtasan, sinabi ni Macoy na hindi tinitiyak ng NSCP na “walang pinsala” o ang functionality ng mga istruktura kasunod ng isang “matinding” lindol:

“Ang code kasi natin…nag-aallow (may palugit) siya [sa mga] damage. Hindi ibig sabihin na dinesign (idinisenyo) mo siya according (ayon) sa code, walang damage (pinsala) ang building (gusali) pag malakas ang earthquake (lindol)…Ang importante hindi mag-collapse (bumagsak) pag masyadong, iyong malakas na earthquake (lindol).”

Pinagmulan: Pakikipanayam kay Katherine Anne Macoy, Nob. 7, 2019

Idinagdag ni Macoy na ang disenyo ng istraktura ay ginagawa “batay sa mga pagpapalagay” dahil “walang nakakaalam kung paano gumagalaw ang lindol.”

Sa higit na 40,600 na mga imprastruktura na ganap o bahagyang nasira ng magnitude 6.6 at 6.5 na mga lindol na tumama sa Mindanao noong Okt. 29 at Oktubre 31, sinabi ni Del Castillo:

“Hindi talaga nasunod iyong NSCP kaya ganoon or kung minsan kasi mayroon ding…kasalanan…iyong building owner. Tinitipid niya.”

Pinagmulan: Pakikipanayam kay Mariano del Castillo, Nob. 7, 2019

Sino ang nagpapatupad ng building code?

Ang Public Works and Highways secretary ang namamahala sa pangangasiwa at pagpapatupad ng NBC, pati na rin ang pagpapataw ng mga parusa sa mga paglabag na administratibo.

Ang pagpapatupad ng code “sa field” ay ipinagkakatiwala sa mga opisyal ng gusali, o may karanasan at lisensyadong civil engineers o mga arkitekto na “hiwalay at natatangi” mula sa mga inhinyero ng munisipyo o ng lungsod, na itinalaga ng kalihim sa bawat lungsod at munisipalidad. Inaatasan silang iproseso at magbigay ng mga permit sa gusali, mag-isyu ng mga parusa para sa mga nagkukulang na builder, at magsagawa ng taunang inspeksyon sa “lahat ng mga gusali” sa loob ng kanilang nasasakupan.

Gayunpaman, ang inspeksyon ay kasalukuyang “mas” ginagawa sa komersyal na mga establisimiyento dahil ito ay isa sa mga kailangan para sa pag-renew ng mga business permit, sinabi ni Del Castillo sa VERA Files sa isang panayam noong Nob. 7.

Sinabi ni Architect Edison Padilla, building official ng Valenzuela City government at executive vice president ng Philippine Association of Building Officials, sa isang panayam sa radyo noong 2018 na ang mga building official ay walang “mandato” na siyasatin ang mga residential building taun-taon. Kaya, ang nasabing mga istraktura ay sinuri lamang “sa bawat hiling ng may-ari,” sabi ni Del Castillo.

Ano ang mga parusa para sa hindi pagsunod sa building code?

Ang sinumang “tao, kumpanya, o korporasyon” na lumabag sa “anumang probisyon” ng NBC ay maaaring pagbayarin ng hindi hihigit sa P20,000 o makulong ng hindi hihigit sa dalawang taon, o pareho, tulad ng nakasaad sa Section 213 ng NBC IRR.

Ang mga may-ari na lumabag sa building code ay parurusahan at maaaring hindi bigyan ng building permit, sinabi ni Del Castillo.

Inaasahang magtatagal ang mga gusali mula 30 hanggang 50 taon, ayon kay Padilla. Nakasaad sa Article 1723 ng Civil Code of the Philippines na ang anumang gusali na gumuho sa loob ng 15 taon mula sa pagkumpleto nito dahil sa isang “kakulangan” sa mga plano at pagtutukoy o sa lupa mismo ay pananagutan ng engineer o arkitekto. Mananagot din ang kontratista kung mangyari ang pagguho dahil sa mga depekto sa konstruksiyon o ang paggamit ng mga substandard na materyales.

Kailan na-update ang NBC?

Ang IRR ng code ay huling na-revise higit sa 10 taon na ang nakalilipas noong 2005, ngunit ang NBC mismo ay hindi pa nasuri mula nang ito ay pinasiyahan ng yumaong diktador Ferdinand Marcos Sr. noong 1977.

Sinabi ni Del Castillo na itinutulak ng DPWH ang pagpasa ng Philippine Building Act (PBA), isang draft na sususog sa NBC na nilikha ng University of the Philippines National Engineering Center, sa nakaraang Kongreso. Ito ay “pinagtibay” ng ilang mga kinatawan sa Kamara ngunit hindi naaprubahan dahil wala itong katapat sa Senado, idinagdag niya.

Ang mga kinatawan ng 1-Pacman na sina Michael Romero at Enrico Pineda ay nagsampa sa 18th Congress ng House Bill 4008, o PBA ng 2019, na naglalayong ipawalang-bisa ang NBC. Hindi bababa sa tatlong iba pang mga panukala sa House ang naghahangad na baguhin ang ilang mga probisyon ng code.

 

Mga Pinagmulan

Department of Trade and Industry, PRRD ORDERS INCLUSION OF HOLLOW BLOCKS IN THE LIST OF PRODUCTS WITH MANDATORY CERTIFICATION – DTI CHIEF, Nov. 7, 2019

National Disaster Risk Reduction and Management Council, Situational Report No. 23 regarding Magnitude 6.6 and 6.5 Earthquakes in Tulunan North Cotabato, Nov. 15, 2019

Official Gazette, PRESIDENTIAL DECREE (P.D.) NO. 1096

Department of Public Works and Highways, Implementing Rules and Regulations of the National Building Code of the Philippines (PD1096)

National Structural Code of the Philippines 2015

Philstar.com, Duterte safe in Davao, but house suffers cracks, Nov. 1, 2019

Rappler.com, After 3 Mindanao earthquakes, Duterte not visiting affected areas, Oct. 31, 2019

ABS-CBN News, Duterte safe in Davao City, house sustained cracks after Mindanao quake, Oct. 31, 2019

CNN Philippines, Structural engineer Ronaldo Ison: Properly designed building should not collapse amid magnitude 7.8 quake…, April 24, 2019

Personal interview with Department of Public Works and Highways’ Bureau of Design Engineer IV and section chief Katherine Anne Macoy, Nov. 7, 2019

Personal interview with Project Manager 1 Mariano Del Castillo of Department of Public Works and Highways’ Buildings and Special Projects Management Cluster-Unified Project Management Offices, Nov. 7, 2019

Personal interview with Association of Structural Engineers of the Philippines Vice President Ariel Santos, Nov. 11, 2019

Official Gazette, Republic Act No. 386, June 18, 1949

Radyo Veritas official Facebook page, Untitled, Aug. 25, 2018

Philippine Institute of Volcanology and Seismology, How Safe is my house?, February 2014

Filed bills amending the NBC

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.