“Walang nakikitang dahilan” sa kasalukuyan ang Commission on Elections (Comelec) upang kanselahin ang P536-milyong kontrata nito sa F2 Logistics para sa transportasyon ng mga kagamitan, supply, at paraphernalia sa 2022 elections sa kabila ng mga agam-agam ng mga poll watchdog kaugnay ng posibleng “conflict of interest.”
Kamakailan, hinimok ng Kontra Daya ang Comelec na kanselahin ang kontrata dahil sa kaugnayan ng kumpanya kay Dennis Uy, isang negosyanteng nakabase sa Davao at ang pang-apat na pinakamalaking campaign donor ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.
Gayunman, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez, na kailangang may “katanggap-tanggap na rason” para mapawalang-bisa ang kontrata.
“Kailangan magkaroon ng ilang paglabag sa mga tuntunin ng kontrata … ang F2 o pagbabago sa sitwasyon na biglaan, hindi na kailangan ng Comelec ‘yung kontrata, palagay ko maaaring tignan kung puwedeng ipawalang-bisa ang kontrata,” sinabi niya sa isang panayam noong Nob. 2 sa ABS-CBN News Channel.
Nilagdaan ni Comelec Chairman Sheriff Abas ang kontrata sa F2 Logistics noong Okt. 29.
Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman tungkol sa kontrata:
1. Ano ang nilalaman ng kontrata sa pagitan ng Comelec at F2 Logistics?
Noong Agosto 25, iginawad ng Comelec en banc ang P535.99-milyong kontrata sa F2 Logistics Philippines, na nagsumite ng pinakamababang bid sa tatlong iba pang kwalipikadong kumpanya: LBC Express, Airspeed International, at 2GO Express, Inc.
“Kung ikaw ang may pinakamababang responsive bid, sa kanya mo ibibigay ang award at ‘yun po ‘yung nangyari dito. F2 Logistics ang nag alok ng pinakamababang responsive bid at, samakatuwid, naging kuwalipikado siya, sa kanya mapupunta ‘yung kontrata,” ipinaliwanag ni Jimenez sa halong Ingles at Filipino.
Ang kontrata, na may paunang naaprubahang budget na P1.61 bilyon, ay naging opisyal makalipas ang dalawang buwan kasunod ng post-qualification assessment na nagpatunay sa legal, teknikal, at pinansyal na mga kinakailangan ng F2 Logistics.
Saklaw ng kontrata ang mga sumusunod:
Hindi ito ang unang pagkakataon na nakakuha ng kontrata ang F2 Logistics sa Comelec.
Noong 2018 elections para sa barangay at Sangguniang Kabataan, ginawaran ito ng apat na kontrata para sa transportasyon ng mga election form, supplies, at paraphernalia na nagkakahalaga ng P5.91 milyon (para sa CAR, Regions I, II, at III), P6.07 milyon (para sa NCR, Regions IV at V), P9.06 milyon (para sa Regions VI, VII, at VIII), at P16.33 milyon para sa Regions IX, X, XI, XII, CARAGA, at ARMM).
Para sa 2019 midterm elections, nakakuha ang kumpanya ng dalawang deployment contracts, nahati sa P143 milyon para sa Northern Luzon at P248 milyon para sa Mindanao. Ang mga lote sa Metro Manila at Southern Luzon, at sa Visayas ay napunta sa AirFreight 2100 at LBC Express, ayon sa pagkakabanggit.
“Sa bawat pagkakataon na mayroon kaming project, kailangan natin itong i-bid out at kaya mayroong palaging pagkakataon na hindi ka makakukuha ng parehong kontrata ng dalawang beses na magkasunod,” sabi ni Jimenez sa Ingles.
2. Ano ang kontrobersya sa kontrata?
Malaki ang naiambag ng mga may-ari at board member ng F2 Logistics sa kampanya ni Duterte noong 2016 presidential race. Ito ang mitsa ng mga alalahanin tungkol sa isang potensyal na “conflict of interest” sa obligasyon nito bilang nag-iisang tagapagbigay ng logistics para sa darating na halalan.
Ang F2 Logistics ay isang subsidiary ng Udenna Corp., isang Davao-based holding company na itinatag ng negosyanteng si Dennis A. Uy noong 2002.
Batay sa ulat noong 2016 ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) sa mga kontribusyon at gastos sa kampanya ng mga kandidato, nag-ambag si Uy ng P30 milyon at ang kanyang asawang si Cherylyn, corporate treasurer ng Udenna, ay nagbigay ng P1 milyon para sa kampanya ni Duterte sa pagkapangulo.
Nag-ambag din ng P3.5 milyon si Efren E. Uy, F2 Logistics president at chief executive officer. Nakaupo din siya sa board ng Chelsea Logistics Corp., isa pang subsidiary ng Udenna Corp.
Sinabi ng Comelec Special Bids and Awards Committee (SBAC) sa isang mensahe sa VERA Files Fact Check na sina Efren at Dennis ay “walang relasyon — sa dugo man o pagbubuklod dahil sa kasal.”
Sa ilalim ng Republic Act No. 6713, o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, ang “conflict of interest” ay nangyayari kapag:
“A public official or employee is a member of a board, an officer, or a substantial stockholder of a private corporation or owner or has substantial interest in a business, and the interest of such corporation or business, or his rights or duties therein, may be opposed to or affected by the faithful performance of official duty.”
(Ang pampublikong opisyal o empleyado ay miyembro ng lupon, opisyal, o malaking stockholder ng isang pribadong korporasyon o may-ari o may malaking interes sa isang negosyo, at ang interes ng naturang korporasyon o negosyo, o ang kanyang mga karapatan o tungkulin doon, ay maaaring salungat o maapektuhan ang tapat na pagganap ng opisyal na tungkulin.)
Sa panayam noong Nob. 8 sa VERA Files Fact Check, sinabi ng abogadong si Ona Caritos, “sa legal na usapan, walang conflict of interest” sa kasunduan sa pagitan ng Comelec at F2 Logistics. Si Caritos ay executive director ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE), isang grupo ng mga abogado at paralegal na nagtatrabaho para sa “truthful elections” sa Pilipinas.
Gayunpaman, sinabi niya na ang Section 95 ng Omnibus Election Code ay nagbabawal sa mga tao o korporasyon na may hawak na mga kontrata sa anumang ahensya ng gobyerno na gumawa ng anumang kontribusyon, direkta o hindi direkta, “para sa mga layunin ng partisan political activity.”
Ngunit pagkatapos ng halalan noong 2016, sinabi ni Caritos na pinahintulutan ng Section 35 ng revised Corporation Code ang mga domestic na korporasyon na “gumawa ng mga makatwirang donasyon bilang tulong sa sinumang kandidato o partidong panghalalan o para sa mga layunin ng partisan na aktibidad sa pulitika.”
Ang Corporation Code, na pinagtibay noong 2019, ay nagbibigay-kapangyarihan at nagbibigay-daan sa mga incorporated domestic corporations na, bukod sa iba pa: “gumawa ng makatwirang mga donasyon, kabilang ang mga para sa kapakanan ng publiko o para sa ospital, kawanggawa, kultura, siyentipiko, sibiko, o katulad na mga layunin: Sa kondisyon, Na ang dayuhang korporasyon ay hindi dapat magbigay ng mga donasyon bilang tulong sa alinmang partidong pampulitika o kandidato o para sa mga layunin ng partisan na aktibidad sa pulitika.”
Sinabi ni Caritos na ang probisyong ito ay hindi binabawi o binabago ang Omnibus Election Code, ngunit ipinaubaya nito sa Comelec na “tukuyin kung ano ang ibig sabihin ng ‘makatwiran’.”
Noong Agosto, sinabi ni Abas na ang pagiging isang campaign contributor ay hindi batayan para sa awtomatikong diskwalipikasyon ng isang kumpanya sa pag-bid, at idinagdag na karamihan sa malalaking negosyo ay nag bibigay ng kontribusyon sa mga kandidato.
Sa Section 47.1 ng 2016 Revised Implementing Rules and Regulations ng Government Procurement Reform Act, ang isang bidder ay maaaring awtomatikong madiskwalipika lamang kung siya ay may kaugnayan sa pinuno ng procuring entity, mga miyembro ng BAC, ang technical working group, ang BAC secretariat, ang pinuno ng Procurement Management Office, ang implementing unit, o ang mga consultant ng proyekto “sa pamamagitan ng consanguinity o affinity hanggang sa third civil degree.”
3. Makakaapekto ba ito sa electoral process?
Sinabi ni Augusto Lagman, dating Comelec commissioner, na ang kontrata ng F2 Logistics ay maaaring “makasira sa halalan.”
“Sa palagay ko, idinidikta ng pag-iinat na huwag mong ibigay ito sa isang malaking contributor sa iyong kampanya sa halalan… Nag-iiwan ito ng hindi magandang impresyon kahit na ipagpalagay na walang ilegal tungkol dito,” sabi sa Ingles ni Lagman, na ngayon ay namumuno sa National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL), sa isang panayam sa ABS-CBN News Channel noong Nob. 2.
Idinagdag ni Lagman na maaaring “isipin ng Comelec na ito ay isang bigong bidding” at mag-imbita ng iba pang mga vendor na lumahok sa uulitin na auction.
Sa parehong araw, sinalungat ni Jimenez sa isang serye ng mga tweet na “sinumang maghatid ng vote counting machine ay hindi makakaapekto sa bilang ng boto.”
Ipinaliwanag niya, “Kahit kailan ay hindi kayang pakialaman ng logistics provider ang resulta ng halalan, dahil sa mga pag-iingat sa proseso o sa katotohanang halos walang kinalaman ang mga VCM sa mga resulta kapag naiulat na ang mga resulta.”
Sa isang email sa VERA Files Fact Check noong Nob. 17, sinabi sa Ingles ng Administrative Services Department (ASD) ng Comelec, “sa mga deployment projects [ng Comelec] sa mga nakaraang eleksyon, wala kaming nakita o natanggap na reklamo o report ng dayaan na kinasasangkutan ng aming mga logistics provider, kabilang ang F2 Logistics.”
Idinagdag ni Julio Thaddeus Hernan, direktor IV ng ASD, na “ang gayong anomalya ay isang malayong posibilidad kung isasaalang-alang na ang mga security measure na kinakailangan sa ilalim ng Terms of Reference ay mahigpit na sinusunod.”
Sa ilalim ng mga tuntunin at kundisyon ng paghahatid, dapat bigyan ng F2 Logistics ang Comelec ng “direktang access” sa mga taong namamahala sa sistema nito, kabilang ang pasilidad ng bodega, paghahatid, mga lokal na hub, polling at canvassing center, at command center.
Ang kumpanya ay dapat ding magkaroon ng isang internet-based na sistema ng pagsubaybay upang bigyang-daan ang Comelec na masubaybayan ang “lahat ng mga proseso at function” at mapadali ang “napapanahong pamamahala ng mga aksidente o pagkasira, pagpapalit ng ruta, o anumang iba pang nauugnay na impormasyon” kung sakaling maantala ang pag-deploy.
Kung may anumang pagkawala, pagnanakaw, panloloob, o pinsala sa mga kargamento, dapat ipaalam ng F2 Logistics sa Comelec sa loob ng 24 na oras mula sa pagkatuklas at ang gastos ay “ibabawas sa mga claim ng provider,” napapailalim sa pag-apruba ng Comelec en banc.
Bagama’t hindi maaapektuhan ng kontratang iginawad sa F2 Logistics ang mangyayari sa araw ng halalan, sinabi ni Caritos na “makatuwiran at naiintindihan naman kung bakit ang mga tao ay makararamdam ng pangamba” tungkol sa posibilidad ng pandaraya.
Idinagdag niya na ang publiko ay dapat manatiling mapagmatyag sa buong cycle ng eleksyon, hindi lamang ang transportasyon ng mga election paraphernalia.
Upang maibsan ang pagkabahala ng publiko, nananawagan ang LENTE para sa transparency sa Comelec-F2 Logistics deal, at para buksan nila ang proseso ng transportasyon at warehousing ng mga kagamitan at paraphernalia sa halalan.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Commission on Elections, Service Contract for the Deployment of Election Equipment, Peripherals, Forms Supplies and Paraphernalia with provision of Warehousing Services for the 2022 National and Local Elections, Oct. 29, 2021
Commission on Elections, Procurement of Deployment of Election Equipment, Peripherals, Forms, Supplies and Paraphernalia with Provision of Warehousing Services for the 2022 National and Local Elections, June 9, 2021
Official Gazette, Omnibus Election Code
Office of the Ombudsman, Republic Act No. 6713
Government Procurement Policy Board, The 2016 Revised Implementing Rules And Regulations Of Republic Act No. 9184
Securities and Exchange Commission, Republic Act. No. 11232
Procurement contracts won by F2 Logistics for the Philippine elections
- Commission on Elections, Notice of Award, Jan. 25, 2018
- Commission on Elections, Notice of Award, Jan. 25, 2018
- Commission on Elections, Notice of Award, Jan. 25, 2018
- Commission on Elections, Notice of Award, Jan. 25, 2018
- Commission on Elections, Notice of Award, Dec. 6, 2018
- Commission on Elections, Notice of Award, Dec. 20, 2018
Commission on Elections, Notice of Award, Dec. 20, 2018
Commission on Elections, Notice of Award, Dec. 6, 2018
On cancelling the Comelec-F2 Logistics deal
- CNN Philippines, NAMFREL dismayado sa kontrata ng Comelec, F2 Logistics, Nov. 1, 2021
- ABS-CBN News Channel, Election watchdog: We will not stop calling for cancellation of Comelec contract with F2 logistics, Nov. 3, 2021
- ABS-CBN News Channel, ‘No conflict of interest’: Comelec defends logistics deal with Dennis Uy-linked firm, Nov. 2, 2021
- GMA News, Comelec to look into concerns vs. F2 Logistics for Eleksyon 2022, Aug. 23, 2021
- Inquirer.net, Comelec: Uy ties to Duterte not ground to disqualify bid
- ABS-CBN News, Comelec probing concerns vs potential election supplier
Philippine Center for Investigative Journalism, P334M from only 13 donors funded Duterte’s presidency, Dec. 5, 2016
Udenna Corporation, About Us
Philippine Dealing System Holdings, Securities & Exchange Commission Secretariat Building, PICC Complex Roxas Blvd, Metro Manila Philippine Stock, April 19, 2021
Chelsea Logistics Philippines, 2020 Annual Report
James Jimenez, Twitter, Nov. 2, 2021
LENTE, Personal Communication, Nov. 8, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)