Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Ang papel ng Commission on Appointments, ipinaliwanag

Ang CA ay nagsisilbing "moderator" ng kapangyarihan ng pangulo sa paghirang ng mga opisyal sa pamamagitan ng masusing pagrepaso sa mga kwalipikasyon at pagtitiyak ng kaangkupan ng mga taong pinili para sa mga partikular na posisyon sa burukrasya ng gobyerno.

By VERA Files

May 24, 2022

8-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Nais ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang nag-iisang anak na lalaki at kapangalan ng kanyang yumaong diktador na ama, na maghirang sa kanyang Gabinete ng mga taong “makabayan” at “mapagmamahal [sa] bayan.”

Sa isang press statement, sinabi ng abogadong si Vic Rodriguez, chief of staff at spokesperson ni Marcos Jr., na ang mga katangiang iyon ay ang “pangunahing kailangan,” bukod sa kakayahan, para sa pagpili ng mga nominado at appointees sa mga pangunahing posisyon sa susunod na administrasyon. Si Rodriguez ay itinatalagang executive secretary ni Marcos Jr.

Tulad ng lahat ng mga pangulo pagkatapos ng 1986, ang mga nominado at appointees ni Marcos Jr., kapag siya ay opisyal na iproklama bilang ika-17 na pangulo ng Pilipinas, ay sasailalim sa pagsusuri at pagkumpirma ng Commission on Appointments (CA), isang 25-member panel na binubuo ng mga senador at kongresista.

Narito ang apat na bagay na kailangan mong malaman tungkol sa CA:

1. Ano ang tungkulin ng CA?

Ang CA ay nagsisilbing “moderator” ng kapangyarihan ng pangulo na humirang ng mga opisyal sa pamamagitan ng masusing pagrepaso sa mga kwalipikasyon at pagtitiyak na angkop ang mga taong pinili para sa mga partikular na posisyon sa burukrasya ng gobyerno.

Sa walong taong martial rule ni Ferdinand Marcos Sr., walang mekanismo para sa “check and balance” sa mga hinirang ng pangulo sa “judiciary, military, at iba pang sensitibong mga posisyon” dahil “tumigil sa pag-iral” ang CA. Ang 1973 Constitution, na inaprubahan sa ilalim ni Marcos Sr., ay nagtanggal ng safeguard sa 1935 Constitution na nag-aatas sa pangulo na humingi ng paunang pahintulot mula sa CA bago opisyal na maghirang ng mga pangunahing opisyal sa gobyerno.

Ang CA ay muling itinatag bilang isang independiyenteng constitutional body sa ilalim ng 1987 Constitution, na binalangkas kasunod ng pagpapatalsik kay Marcos Sr. noong 1986.

2. Anong mga posisyon sa gobyerno ang dumadaan sa proseso ng CA?

Ang Section 16, Article VII ng 1987 Constitution ay nag-aatas sa pangulo na humingi ng pahintulot ng CA kapag maghihirang ng “mga pinuno ng mga executive department, mga ambassador, iba pang mga pampublikong ministro at konsul, o mga opisyal ng Sandatahang Lakas mula sa ranggo ng koronel o kapitan ng hukbong-dagat, at iba pang mga opisyal na ang mga appointment ay nakatalaga sa kanya.”

 

 

Ang presidente ay maaaring gumawa ng dalawang uri ng appointment: regular at ad interim. Ang mga regular na appointment o nominasyon ay ibinibigay kapag ang Kongreso ay nasa sesyon; ang mga ad interim na appointment ay ibinibigay kapag ang Kongreso ay nasa recess.

 

 

Dapat isumite ng pangulo ang nominasyon o appointment sa CA, na mayroong 30 araw ng sesyon para suriin ang mga kwalipikasyon ng isang hinirang na opisyal at pag-isipan kung aaprubahan, tatanggihan o lalaktawan ito.

Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, inaprubahan ng CA ang 1,955 na appointment at nominasyon noong Enero 2022. Pinagbabawalan ng Konstitusyon ang chief executive na gumawa ng appointment dalawang buwan bago ang halalan sa pagkapangulo hanggang sa katapusan ng kanyang termino, ngunit maaaring mag-isyu ng mga pansamantalang appointment sa mga ehekutibong posisyon kapag ang serbisyo publiko o kaligtasan ng publiko ay “manganganib” dahil sa patuloy na mga bakanteng posisyon.

Ilang mga posisyon sa gobyerno ay hindi kailangang dumaan sa CA, tulad ng posisyon sa Gabinete para sa bise presidente gaya ng itinatadhana sa Section 3, Article VII ng 1987 Constitution. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Marcos hihingi ng kumpirmasyon sa nominasyon ni Sara Duterte sa DepEd nangangailangan ng konteksto)

Ang iba pang mga posisyon na hindi nangangailangan ng kumpirmasyon ng CA ay kinabibilangan ng mga pinuno ng mga constitutional office tulad ng komisyoner ng Bureau of Customs, chairperson at mga miyembro ng Commission on Human Rights. Bagama’t hindi kailangan ng Ombudsman at mga kinatawan, mahistrado ng Korte Suprema at mga hukom ng mababang hukuman ang pag-apruba ng CA, ang mga aplikante ay pinipili ng pangulo mula sa isang shortlist na inihanda ng Judicial and Bar Council.

Exempted din ang chairperson at commissioners ng National Labor Relations Commission, mga direktor at chief superintendent ng Philippine National Police, at mga opisyal, mula sa ranggo ng kapitan at mas mataas, ng Philippine Coast Guard.

3. Sino ang bumubuo ng CA at mga tumatayong komite nito?

Ang CA ay isang 25-member constitutional body. Bagama’t ang mga miyembro nito ay kabilang sa Kongreso, ang komisyon ay independyente sa lehislatura.

Ito ay pinamumunuan ng Senate president bilang ex-officio chairperson, na may tig-12 miyembro mula sa Senado at House of Representatives. Ang Konstitusyon ay nag-aatas na ang mga miyembro ng CA ay mapili “batay sa proporsyonal na representasyon” ng mga partidong pampulitika at mga party-list na grupo.

Ang mga miyembro ng CA ay dapat pumili ng isang vice chairperson, isang majority floor leader na may dalawang assistant, at isang minority floor leader na may dalawang assistant. Dapat din nilang ihalal ang chairperson, vice chairperson at mga miyembro ng 25 standing committees ng komisyon, tulad ng committees on foreign affairs at education.

Sa 25 komite, 22 ang inaatasang suriin ang mga nominasyon o appointment sa ilalim ng kani-kanilang hurisdiksyon. Halimbawa, ang paghirang o nominasyon ng defense secretary ay kailangang i-refer sa Committee on National Defense, habang ang mga chairperson at pinuno ng Commission on Audit, Commission on Elections at Civil Service Commission ay susuriin ng Committee on Constitutional Commission and Offices.

Ang tatlong iba pang komite – ang Committee on Accounts, Committee on Rules and Resolutions at Committee on Ethics – ay may tungkulin na ayusin ang mga panloob na usapin, tulad ng mga kaso na kinasasangkutan ng mga paglabag sa ethics ng mga miyembro ng CA.

4. Mayroon bang mga appointment na tinanggihan ng CA?

Sa ilalim ni Duterte, limang appointment ng Cabinet secretaries ang tinanggihan noong 2017.

Ang pagtatalaga kay Perfecto Yasay, college roommate ni Duterte, bilang secretary of Foreign Affairs ang unang tinanggihan noong Marso 2017 dahil sa mga isyu ng citizenship. Ibinunyag sa mga pagdinig ng CA na tinalikuran ni Yasay ang kanyang American citizenship dalawang araw lamang matapos ang kanyang appointment sa puwesto noong Hunyo 2016.

Dalawang buwan matapos tanggihan ni Yasay, ibinasura ng CA ang ad interim appointment ni Gina Lopez bilang Environment secretary. Ang appointment ni Lopez ay kinontra ng sektor ng pagmimina matapos niyang ipasara ang 23 minahan at sinuspinde ang operasyon ng limang iba pa.

Dalawa sa mga maka-Kaliwa na appointee ni Duterte – sina Judy Taguiwalo bilang Social Welfare secretary at Rafael Mariano bilang Agrarian Reform secretary – ay tinanggihan din noong Agosto at Setyembre 2017, ayon sa pagkakabanggit.

Noong Setyembre 2018, nagpahayag si Duterte, na nag-alok ng apat na posisyon sa Gabinete noong Mayo 2016 sa mga rebeldeng komunista para makamit ang kapayapaan sa kanila, na siya ay nakahinga nang maluwag matapos tanggihan ng CA ang kanyang mga hinirang na maka-Kaliwa. Kinansela ni Duterte ang usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista noong Nobyembre 2017 dahil sa mga alegasyon ng patuloy na kalupitan.

(Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Dating ‘kaibigan’ naging kaaway, Duterte nakikita ang kamatayan ng CPP-NPA)

Ang ikalima at huling Cabinet appointee ni Duterte na tinanggihan ng CA ay si Paulyn Ubial para sa Department of Health noong Oktubre 2017. Humarap si Ubial sa apat na petisyon laban sa kanyang appointment, kabilang ang isa mula sa mga empleyado ng Philippine Health Insurance Corporation na kumuwestiyon sa istilo ng kanyang pamamahala.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. official website, Love for country and patriotism are primary requirements for BBM’s cabinet, May 14, 2022

Commission on Appointments official website, Primer, Accessed May 20, 2022

Lawyer Vic Rodriguez official Facebook page, On nomination as Executive Secretary:, May 22, 2022

Official Gazette official website, The 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, Accessed May 20, 2022

Commission on Appointments official website, Mandate, Accessed May 20, 2022

Commission on Appointments official website, Confirmation Process, Accessed May 20, 2022

Commission on Appointments official website, THE NEW RULES of the COMMISSION ON APPOINTMENTS and RULES OF THE STANDING COMMITTEES, Accessed May 20, 2022

Commission on Appointments official website, About, Accessed May 20, 2022

Commission on Appointments official website,, Homepage, Accessed May 20, 2022

Official Gazette official website, 1973 Constitution of the Republic of the Philippines, Accessed May 20, 2022

Official Gazette official website, 1935 Constitution amended, Accessed May 20, 2022

Commission on Appointments official website, Confirmation Process, Accessed May 20, 2022

Commission on Appointments’ list of confirmed appointments and nominations

Presidential Communications Operations Office official website, Speech of President Rodrigo Roa Duterte during the Get Together with the Filipino Community, Oct. 16, 2016

CNN Philippines official website, CA rejects Yasay’s appointment as DFA Chief, March 8, 2017

Philstar.com official website, Perfecto Yasay fails to secure confirmation as DFA chief, March 8, 2017

Inquirer.net official website, Foreigner Yasay secretary no more, March 8, 2017

Rappler.com official website, CA rejects Gina Lopez as environment secretary, May 3, 2017

CNN Philippines official website, CA rejects Gina Lopez appointment as DENR chief, May 3, 2017

Greenpeace Philippines official website, The rejection of Gina is a rejection of change, May 3, 2017

Department of Environment and Natural Resources official website LOPEZ ORDERS CLOSURE OF 23 METALLIC MINES, Feb. 2, 2017

ABS-CBN News official YouTube channel, Taguiwalo rejected as social welfare chief, Aug. 16, 2017

Rappler.com official YouTube channel, CA rejects Rafael Mariano as agrarian reform secretary, Sept. 6, 2017

Rappler.com official website, Duterte to Left: 4 departments yours, May 16, 2016

Inquirer.net official website, Duterte offers key gov’t positions to CPP, May 16, 2016

CNN Philippines official website, Duterte offering Cabinet posts to the CPP, May 17, 2016

Presidential Communications Operations Office official website, SPEECH OF PRESIDENT RODRIGO ROA DUTERTE DURING THE SEND-OFF CEREMONY OF 250 TRANSPORT VEHICLES FOR THE BUREAU OF JAIL MANAGEMENT AND PENOLOGY, Sept. 26, 2018

Official Gazette official website, Proclamation No. 360, Nov. 23, 2017

Senate of the Philippines official website, Pangilinan is new CA minority leader, Sept. 5, 2019

Rappler.com official website, CA rejects Paulyn Ubial as health secretary, Oct. 10, 2017

Manila Times, Appointments body rejects Health chief (via archive.org), Oct. 11, 2017

Inquirer.net official website, Ubial on CA rejection: That’s life, Oct. 11, 2017

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.