Nagsampa si Sen. Antonio Trillanes IV noong Septiyembre 22 ng tatlong kaso ng online libel sa Ombudsman laban kay Communications Assistant Secretary Margaux Uson, na inakusahan niya ng pagkakalat ng “mali at malisyosong” mga paratang.
Inireklamo ng senador na “malisyosong” sinubukan ni Uson na ilarawan siya bilang tiwali sa pamamagitan ng pag share sa Facebook ng mga gawa-gawang detalye ng kanya umanong mga account sa ibang bansa.
Ang libel ay isang krimen sa ilalim ng Revised Penal Code. Ang online libel, na ipinasok sa Cybercrime Prevention Act of 2012, ay isang pagpapalawak ng parehong krimen para sa mga nilalathala sa internet.
Ang malisya- kasama ang paninirang puri, paglalathala at pagkakakilanlan ng taong siniraan – ay isa sa apat na elemento ng libel.
Lahat ng apat ay dapat naisagawa para mapatunayan ang krimen sa hukuman.
Kailan itinuturing na malisyoso ang isang pahayag?
Ang malisya ay “pangitain ng masamang hangarin o galit” at “nagpapahiwatig ng intensyon” na makasakit, ayon sa Korte Suprema sa isang desisyon noong 2009.
Ito ay may dalawang anyo: malisya sa batas at malisya sa katunayan.
Ang malisya sa batas ay malisyang hindi kailangan patunayan sa korte. Ito ay malisyang awtomatikong ipinapalagay sa bawat nakasisirang-puri na pahayag, at naaangkop kapag ang mga nagrereklamo ay mga pribadong tao.
Ang kabaligtaran, ang malisya sa katunayan ay kailangan patunayan sa korte. Nauukol ito kung ang mga nagrereklamo ng libel ay mga pampublikong personalidad, na kailangang ipakita na ang mga pahayag na mapanirang-puri laban sa kanila ay naudyukan ng isang “positibong pagnanais at intensyon” na makasakit.
Ipinaliliwanag ang mas mahigpit na pamantayan ng malisya para sa mga pampublikong personalidad, ang Korte Suprema sa isang desisyon noong 1999 ay binanggit ang isang kaso noong 1918 at sinabi:
“Ang kumpletong kalayaan na magkomento sa pag-uugali ng mga pampublikong tao ay isang scalpel/maliit na kutsilyo sa kaso ng malayang pananalita. Ang matalas na tistis ng pangsisiyasat nito ay nakakabawas sa mga naknak ng mga pinuno sa kalahatan. Ang mga tao sa pampublikong buhay ay maaaring magdusa sa ilalim ng isang malupit at hindi makatarungang paratang; ang sugat ay maaaring mabawasan ang sakit sa pamamagitan ng langis na panghaplos ng isang malinis na konsensya. Ang isang pampublikong opisyal ay hindi dapat masyadong maramdamin pagdating sa mga komento kaugnay ng kanyang mga opisyal na gawain. “
Mga pinagkunan:
Complaint affidavit of Sen. Antonio Trillanes IV
Section 4(c)(4), Chapter II of the Cybercrime Prevention Act of 2012
G.R. No. 126466. Borjal v. CA
G.R. No. 184315. Yuchengco v. Manila Chronicle
(1930). Crime Against Honor. In Cruz (Ed.), The Revised Penal Code with Related Laws, Fourth Edition (p. 144). Quezon City: UP Law Complex.
Interview with lawyer Marlon Anthony Tonson, Philippine Internet Freedom Alliance