Ang salitang “umano’y,” salungat sa isang pahayag ni Communications Assistant Secretary Margaux Uson, ay hindi isang depensa laban sa libel.
ANG PAHAYAG
Si Uson, na pinagbantaang sasampahan ng kasong libel ni Sen. Antonio Trillanes IV, na nag-akusa sa kanya ng pagkalat ng pekeng balita tungkol sa sinasabing mga account ng senador sa ibang bansa, ay sumagot noong Sept. 12 sa pamamagitan ng isang video sa Facebook.
Sinabi niya:
“Sasampahan daw po ako ng kaso ni Sen. Trillanes dahil sa pag-share ko sa Facebook ng kanyang mga account sa bangko. Unang-una, paki-Google po ang ibig sabihin ng ‘umano’ o ‘umano’y’ dahil mahilig naman kayo mag-Google Mr. Senator Trillanes.”
Pinagkunan: MOCHA USON BLOG, Sept. 12, 2017
FACT
Sa pangkalahatan, ang literal na katotohanan o kabulaanan ng isang nakasisirang-puri na pahayag ay hindi mahalaga sa mga kaso ng libel.
Isinasaalang-alang lamang ng mga korte ang pangkalahatang epekto ng pahayag na pinag-uusapan, o ang inilarawan nitong “pananakit,” at binabalewala ang “banayad o mapanlikha” na mga paliwanag na ibinigay ng taong inakusahan ng libel.
Ang Korte Suprema, sa isang desisyon noong 2009, na sumipi sa isang kaso noong 1918, ay nagsabi:
“Ang nailathalang bagay na umano’y nakasisirang-puri ay dapat ipakahulugan bilang isang kabuuan. Sa pag-aaplay ng mga patakarang ito sa wika ng isang umano’y libel, ang korte ay hindi papansinin ang anumang mapaglalang o mapanlikhang paliwanag na ibibigay ng tagapaglathala na hinihingian ng paliwanag.
Ang buong katanungan ay ang epekto ng publikasyon sa mga isipan ng mga mambabasa, at hindi sila tinulungan ng ibinigay na paliwanag sa pagbabasa ng artikulo, ito ay huli na upang magkaroon ng epekto ng pag-aalis ng pananakit, kung mayroon man, mula sa ang salitang ginamit sa publikasyon. ”
Pinagkunan: Yuchengco v. The Manila Chronicle
Sa mga kaso ng libel, hindi ang ibig sabihin ng mga manunulat ang tanong, kung hindi ang ibig sabihin ng kanilang mga salita sa isang ordinaryong mambabasa, sabi ng Korte Suprema sa parehong desisyon:
“Ang mga salitang na sadyang nanghihikayat para maghinala ay kung minsan mas epektibo sa pagsira ng reputasyon kaysa sa maling mga paratang na direktang ginawa. Ang wikang balintuna at matalinhaga ay gamit na gamit sa paninirang-puri. ”
“Ang salitang ‘umano’y’ ay hindi anting-anting na panlaban sa mga kasong libel,” paliwanag ng abogadong si Marlon Anthony Tonson ng Philippine Internet Freedom Alliance.
“Ituturing lamang ng mga korte ang konteksto kung paano ginagamit ang mga salitang ito, at lagi sa tinutukoy sa buong ulat ng balita o nalathalang pahayag,” sabi niya.
Paalala ng Reuters Handbook of Journalism sa mga mamamahayag sa paggamit ng salitang “umano’y” bago ang isang mapanirang pahayag, hindi ito nagbibigay ng immunity sa libel.
Ang libel, isang krimen sa ilalim ng Revised Penal Code, ay:
“isang pampubliko at nakakasirang pagbibintang ng isang krimen, o ng isang bisyo o depekto, tunay o haka-haka, o anumang pagkilos, pagkukulang, kondisyon, kalagayan, o sitwasyon na nagiging sanhi ng kasiraang-puri, kasiraan, o paglait ng isang natural o huridical na tao, o pagsira ng alaala ng isang patay. ”
Pinagkunan: The Revised Penal Code
Ang lahat ng apat na elemento ng libel na binanggit sa batas — paninirang-puri, malisya, paglalathala at pagkakakilanlan ng taong siniraan — ay dapat nagawa para ang krimen ay mapatunayan sa korte.
Ang parusa ay may multa na P40,000 hanggang P1.2 milyon, o pagkakabilanggo ng anim na buwan hanggang apat na taon at dalawang buwan, o pareho, pati na rin ang kasong sibil.
Sa pagpapatibay ng Cybercrime Prevention Act of 2012 ang libel ay pinalawak upang isama ang mga artikulo na lumalabas online.
Ang probisyon sa batas ng cybercrime na nagpapataw ng mas mabigat na parusa sa online libel ay pinasiyahan na konstitusyunal ng Korte Suprema noong 2014.
Mga pinagkunan:
G.R. No. 203335. Disini v. Secretary of Justice
G.R. No. 184315. Yuchengco v. The Manila Chronicle
Cruz, R. C. (2002). The Revised Penal Code with Related Laws, Fourth Edition. Quezon City: UP Law Complex.
Cybercrime Prevention Act of 2012
Reuters Handbook of Journalism
GMA News Online. Trillanes to file libel charges vs. Mocha, 2 others over ‘fake news’
Rappler. Trillanes to sue Mocha Uson, Erwin Tulfo for libel
Philstar. ‘Era of fake news over’: Trillanes to sue Tulfo, Mocha for libel