Nag isyu ng mga bagong alituntunin ang Office of the Ombudsman kaugnay ng paglabas ng mga kopya ng Statement of Assets, Liability and Net Worth (SALN) higit isang taon matapos nitong suspindihin ang pagproseso ng lahat ng mga kahilingan mula sa media at publiko.
Sa ilalim ng Section 17 Article XI ng 1987 Constitution, ang mga pampublikong opisyal at empleyado ay kinakailangang magsumite ng sinumpaang SALN, isang dokumento na naglalaman ng mga detalye tungkol sa mga personal na pag-aari, koneksyon sa pananalapi, at utang ng nag file, bukod sa iba pa.
Ang mga bagong alituntunin ay mas mahigpit sa ilalim ng Memorandum Circular No. 1, Series of 2020 na pirmado ni Ombudsman Samuel Martires noong Set. 1. Binanggit nito ang mga patnubay sa probisyon ng implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act (RA) 6713, ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Ang memorandum ay magkakabisa sa Set. 25, o 15 araw pagkatapos itong nailathala noong Set. 10 sa isang pambansang pahayagan at isinumite para filing sa University of the Philippines Law Center.
Gayunpaman, kinuwestiyon ni dating senador Joey Lina, may-akda ng RA 6713, ang mga bagong alituntunin sa pagiging labag sa konstitusyon. Sa isang panayam sa ANC, sinabi ni Lina na sa pag-access sa SALNs “ang mas mataas (na interes) ay dapat na mananaig at iyon ang interes ng publiko … iyon ay una, ang konstitusyonal na garantisadong karapatan ng mga tao na magkaroon ng access sa pampublikong impormasyon.”
Narito ang mga pagbabagong kailangan mong malaman sa patakaran ng Office of the Ombudsman patungkol sa SALN ng mga naglilingkod sa publiko:
1. Sino ang maaaring humiling ng kopya ng SALN?
Sa mga dating alituntunin, ang mga taong humihiling ng SALNs mula sa Ombudsman ay kailangan lamang punan nang maayos ang prescribed form at magsumite ng mga dokumento ng pagkakakilanlan sa mga awtorisadong kawani.
Sa ilalim ng mga bagong alituntunin, mayroong isang listahan ng mga awtorisadong tao ang Ombudsman, tulad ng mga field investigator ng Ombudsman, mga opisyal ng gobyerno at kanilang mga pinahihintulutan na kinatawan, na maaaring humiling ng mga kopya ng SALN.
Ang mga taong wala sa anuman sa mga kategorya sa listahan ay kailangang magsumite ng isang notaryadong letter of authority mula sa opisyal na hinihilingan ng SALN.
Ang mga ahensya ng gobyerno na humihiling ng mga kopya ng SALNs ng kanilang mga opisyal at empleyado ay kailangang magsumite din ng isang notaryadong sulat ng pahintulot mula sa mga kinauukulan.
Ang RA 6713, ang enabling law ng konstitusyonal na utos na pagsusumite ng SALN, ay hindi nililimitahan ang pag-access sa SALNs sa Office of the Ombudsman at iba pang mga tagapag-alaga.
Bagaman nagtakda ito ng dahilan upang tanggihan ang mga kahilingan, sinabi ng RA 6713 at ng implementing rules and regulations na ang SALN ay dapat gawing bukas sa publiko “para mainspeksyon sa makatuwirang oras” sa sandaling available para makopya o magagamit pa rin na napapailalim sa 10-taong panahon bago ang pinapayagan ang Ombudsman na sirain ito.
Sa isang desisyon noong 2012 tungkol sa mga kahilingan na ma-access ang SALNs ng mga mahistrado nito, pinaalala ng SC na ang mga custodian ay walang awtoridad na “ipagbawal ang pag-access sa kabila ng pagkakaroon ng kapangyarihan na pamahalaan ang paraan kung paano maaaring siyasatin, suriin o kopyahin ang mga record ng mga interesadong tao.
Sinabi ng SC: “Gayunpaman, ang mga custodian ng mga pampublikong dokumento ay hindi dapat mag-alala sa mga motibo, dahilan at layunin ng mga taong humihiling ng access sa mga talaan. Ang moral o material injury na maaaring kahinatnan ng kanilang maling paggamit sa iba ay responsibilidad ng humihiling. Ang anumang publikasyon ay napapasailalim sa mga kahihinatnan ng batas.”
2. Ano ang mga dahilan upang tanggihan ang mga kahilingan upang ma-access ang SALN?
Nakasaad sa Section 5 ng RA 6713 na ang lahat ng mga kahilingan sa mga tanggapan ng gobyerno ay kailangang tugunan at sagutin sa loob ng 15 araw mula sa petsa ng pagtanggap, o haharapin nila ang administrative disciplinary action.
Sa ilalim ng mga dating patakaran, ang bawat kahilingan ay dapat na maproseso sa loob lamang ng 60 minuto. Wala pang sinasabi ang Ombudsman kung ipatutupad ang parehong pamamaraan.
3. Saan magpa-file at sino ang nagpoproseso ng kahilingan?
Ang Ombudsman ay gumawa ng mga maraming pagbabago sa kung saan magpa-file at kung sino ang magpoproseso ng mga hinihiling na SALN.
Ang mga bagong kahilingan ay dapat na isampa sa Central Records Division (CRD) ng Ombudsman Central Office o sa Case Records Evaluation, Monitoring and Enforcement Bureaus (CREMEB) ng mga Deputy Ombudpersons para sa Luzon, Visayas at Mindanao alinman ang magsisilbing opisyal na repository ng SALN ng opisyal na hinihilingan.
Ayon sa RA 6713, ang mga tanggapan ng Ombudsman at deputies nito ay nagsisilbing mga SALN repository para sa pangulo, bise presidente, pinuno ng mga constitutional commission, at mga opisyal ng militar na mas mababa sa ranggo ng koronel o naval captain. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Three things you must know about requesting SALNs from the Ombudsman)
Gayunpaman, ang iba pang mga opisyal tulad ng mga senador at congressmen, mga mahistrado ng Supreme Court (SC), at mga opisyal ng militar mula at mas mataas sa ranggo ng koronel o naval captain ay kinakailangang isumite ang kanilang SALN sa iba’t ibang mga custodian, tulad ng mga kalihim ng House of Representatives at Senado, clerk of court ng SC, at Office of the President, ayon sa pagkakabanggit. Ang mga kahilingan upang ma-access ang SALNs ng mga opisyal na ito ay napapailalim sa iba’t ibang mga alituntunin na itinakda ng kanilang sariling mga repository agency. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: SALNs, FOI in Congress explained)
Hindi tulad ng mga dating patakaran nung ang proseso ng pamamahala at pag-apruba ng mga kahilingan ng SALN ay ginagawa sa loob ng Public Assistance Bureau (PAB) ng Ombudsman, ngayon ang mga opisyal sa CRD o CREMEB ay nakatalagang iproseso at suriin ang lahat ng mga kahilingan ng SALN bago isumite ang mga iyon sa kani-kanilang pinuno ng opisina para sa pagsusuri. Sa ilalim ng mga bagong alituntunin, ginawang centralized ng Ombudsman nang pag apruba ng lahat ng mga kahilingan ng SALN sa ahensya.
4. Bakit mahalaga ang pag-access sa SALNs?
Ang pag-access sa mga pampublikong dokumento, tulad ng SALNs, ay isang karapatan ng bawat Pilipino sa ilalim ng konstitusyon. Ang pagiging accessible ng mga SALN ay naaayon sa patakaran ng transparency at pananagutan sa pamahalaan, at tumutulong na subaybayan o gumawa ng isang lifestyle check sa mga taong gobyerno.
Sa SALN, lahat ng mga opisyal ng pamahalaan, kabilang ang mga pulitiko, at mga empleyado ng gobyerno, maliban sa mga manggagawa at contractual na manggagawa, ay kailangang manumpa at ipaalam ang lahat ng kanilang mga pag-aari (mga personal na pag-aari at pera, kabilang ang hawak na cash at sa mga bangko), mga pananagutan (loans at utang ), pati na rin ang mga koneksyon sa negosyo at interes sa pananalapi, at mga kamag-anak na nagtatrabaho din sa gobyerno. Dapat ding ilagay sa dokumento ang lahat ng mga koneksyon sa negosyo at interes ng asawa ng mga opisyal at walang asawa na mga menor de edad na anak.
Nakasaad sa RA 6713 na ang lahat ng SALNs ay dapat na isumite ng Abril 30 ng bawat taon, at bago malagay o umalis sa puesto. Gayunpaman, sa taong ito, pinalawig ng ng dalawang beses ng Civil Service Commission ang pagsumite mula Hunyo 30 hanggang Agosto 31 dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ang hindi pagdeklara ng o maling deklarasyon sa SALN ay humantong na sa pagpapatalsik sa dalawang dating chief justice: Renato Corona at Maria Lourdes Sereno. Si Corona ay na-impeach noong 2012 dahil sa kanyang kabiguan na ideklara ang multi-milyong pisong mga financial asset. Si Sereno ay tinanggal sa pamamagitan ng isang quo warranto petition dahil sa hindi pag-file ng SALN noong siya ay isang propesor pa sa University of the Philippine College of Law.
Si dating pangulo Joseph Estrada ay naharap sa impeachment at kalaunan ay sinampahan ng kasong perjury noong 2001 dahil sa hindi totoo ang idineklarang mga asset.
Upang mapanatili ang transparency sa gobyerno, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 2 noong 2016 upang “mapairal” ang karapatan ng mga Filipino sa ilalim ng konstitusyon na freedom of information. Inaatasan ng EO ang lahat ng mga tanggapan sa ilalim ng executive branch na payagan ang pag-access ng mga pampublikong dokumento, kabilang ang mga SALN, ayon sa umiiral na mga batas at regulasyon. Gayunpaman, na kuwestiyon ang ehekutibo noong 2017 dahil sa paglabas ng mga kopya ng SALN ng mga miyembro ng Gabinete ni Duterte na may napakaraming bura o takip.
Binabatikos ng maraming mga grupo at abugado si Duterte dahil hindi pa isinasapubliko ang kanyang SALNs para sa 2018 at 2019 bunga ng indefinite na suspensyon ng release (ng mga SALN) na inutos ng Ombudsman mula pa noong nakaraang taon. Ang kanyang mga health record ay pinetisyon din sa harap ng Korte Suprema dahil tinanggihan ng Office of the President ang mga kahilingan para sa mga kopya kahit na binabanggit ng pangulo sa publiko ang tungkol sa kanyang mga karamdaman.
Ang mga enabling na panukalang batas na ipinaguutos ng Constitution na magpapatakbo ng freedom of information ay nakabinbin pa rin sa Kongreso. Hindi bababa sa pitong panukalang batas ang naihain sa Senado at 19 sa House of Representatives.
Mga Pinagmulan
Ombudsman, Memorandum Circular No. 1, Series of 2020, Sept. 1, 2020
Ombudsman, Memorandum Circular No. 3, Series of 2012, Sept. 11, 2012
Ombudsman, READY
Official Gazette, Republic Act No. 6713, Feb. 20, 1989
Civil Service Commission, Rules Implementing the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees Pursuant to the provisions of Section 12 of Republic Act No. 6713
ABS-CBN News, Restriction of public access to SALNs unconstitutional: ex-senator | ANC, Sept. 17, 2020
Ombudsman, Memorandum Circular No. 1, Series of 2018, June 29, 2018
Official Gazette, Executive Order No. 2, s. 2016
Supreme Court, A.M. No. 09-8-6-SC, June 13, 2012
Office of the President, Exceptions to the Right to Access of Information. Nov. 24, 2016
Official Gazette, The 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, Feb. 2, 1987
Civil Service Commission, File SALN before 31 August 2020; online submission accepted – CSC, June 25, 2020
Archive.org, Can Estrada Explain His Wealth?
World Bank Institute, Journalistic Legwork that Tumbled a President
Rappler, Corona found guilty, removed from office, May 29, 2012Official Gazette, Articles of Impeachment against Chief Justice Renato C. Corona (December 12, 2011) | GOVPH, Dec. 12, 2011
Sereno’s impeachment and oust
- House of Representatives, House panel OKs impeachment vs. Sereno, March 19, 2018
- House of Representatives, Statement of Speaker Pantaleon Alvarez on Supreme Court ruling in Sereno’s case, June 19, 2018
- ABS-CBN News Online, Sereno got P30-million Piatco case fee in tranches, only portion declared in 2010 SALN: lawyers, September 27, 2017
- ABS-CBN News Online, READ: The Supreme Court decision ousting Chief Justice Sereno, May 11, 2018
- ABS-CBN News Online, Supreme Court rules CJ Sereno ouster final, June 19, 2018
- Rappler.com, Sereno now has 11 U.P. SALNs on file, April 12, 2018
Executive branch questioned for heavily redacted SALNS
- ABS-CBN News, Unexplained wealth, redacted?, Sept. 23, 2017
- Rappler.com, Redactions in Duterte Cabinet’s latest SALNs ‘deal-breaker’ for FOI – PCIJ, Sept. 22, 2017
- Inquirer.net, Senators question redaction of Duterte Cabinet’s SALNs, Sept. 26, 2017
Petition to disclose Duterte’s health records
- GMA News Online, It’s final: Supreme Court denies lawyer’s petition for Duterte’s health records, Sept. 18, 2020
- Manila Bulletin, Ruling vs. disclosure of Duterte’s health, medical records final, says SC, Sept. 18, 2020
- ABS-CBN News, SC blocks with finality bid to disclose Duterte health records, Sept. 18, 2020
Senate of the Philippines, Pending freedom of information bills, Accessed Sept. 17, 2020
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)