Habang “nakikipag-unahan sa mga variant” ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) virus ang Pilipinas, idiniin ni Carlito Galvez Jr., punong tagapagpatupad ng national pandemic response, na kailangang “bawasan ang na-aaksayang” mga bakuna sa lokal na antas.
“Ang bakuna ay ginto, kaya’t kailangan talaga ‘yung lahat ng nakakatanggap nito sa mga local government unit (LGU)… kailangan nilang mapanatili ang bisa at kaligtasan ng bakuna. Kasi oras na ma-kompromiso ang kaligtasan at pag-iimbak, malalagay din sa panganib ang kalusugan ng ating mga mamamayan,” sinabi niya sa magkahalong English at Filipino isang media forum noong Hulyo 16.
Sa halos limang buwang pagpapatupad ng COVID-19 vaccine program sa bansa, patuloy ang pagdagsa ng mga hamon sa ilang mga LGU na inatasan na pangasiwaan ang mga bakuna.
Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman tungkol sa vaccine wastage:
1. Ano ang vaccine wastage?
Maaaring mangyari ang vaccine wastage o pag-aaksaya ng bakuna sa binuksan o hindi nabuksan na mga vial, ayon sa World Health Organization (WHO).
Ang nabuksan na mga vial ay maaaring masayang dahil sa pinaghihinalaang kontaminasyon o hindi paggamit ng lahat ng mga dosis na nakalagay sa vial, bukod sa iba pa.
Samantala, ang pag-aaksaya sa hindi binuksang mga vial ay malamang na nangyayari sa pag-iimbak at paghahatid ng mga bakuna, sinabi ng Department of Health (DOH) sa isang sulat sa VERA Files Fact Check. Ang pagkakaroon ng “mga hindi mabisang sistema sa supply chain” ay maaaring humantong sa pag-expire, pagkabasag ng mga vial, at pagkakalantad sa mga maling temperatura, idinagdag nito.
Sa lokal na antas, ang pag-aaksaya ay madalas na nangyayari sa hindi nabuksan na mga vial, pangunahin dahil sa “pagkakaligta sa pagsubaybay sa mga temperatura ng pag-iimbak ng bakuna,” sinabi ng DOH.
Kung nakaimbak at hindi sapat ang temperatura, ang mga bakuna ay maaaring mabawasan ang bisa at magkaroon ng mas kaunting proteksyon para sa pasyente, sinabi ng isang vaccinologist sa VERA Files Fact Check. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Ano ang kinakailangan upang maihatid ang mga COVID-19 vaccine sa Pilipinas)
2. Saan nangyayari ang pag-aaksaya sa bansa?
Noong Hulyo 9, iniulat ng 17 Centers for Health Development na 3,951 ang nasayang na dosis ng COVID-19 vaccines mula sa kabuuang 18.58 milyong stock. Ang Pilipinas, nang oras na iyon, ay nakapaglunsad ng mga bakuna na ginawa ng Sinovac, Pfizer-BioNTech, Gamaleya, AstraZeneca, at Moderna.
Tala: Mag-navigate sa interactive map na ito sa pamamagitan ng pag-hover sa mga naka-highlight na lugar. I-click ang mga arrow para makita ang kabuuang wastage sa bawat bakuna.
Ipinakita sa datos mula sa DOH na ang Rehiyon XII (SOCCSKSARGEN) ay nagtala ng pinakamataas na bilang ng nasayang na COVID-19 vaccines — 863 dosis. Sa mga ito, hindi bababa sa 93% ang mga Sinovac vaccine, na mga single-dose vial na gumagamit ng karaniwang temperatura ng refrigerator sa pagitan ng 2 at 8 degree Celsius.
Noong Mayo, higit sa 380 COVID-19 jabs ang nasayang sa Makilala, North Cotabato dahil sa “kapabayaan” sa paglipat nito sa isang istasyon ng pulisya kasunod ng pagkawala ng kuryente. Nakaligtaan ng mga health official na i-plug ang refrigerator. (Tingnan One month after: DOH has yet to identify who’s liable for wasted COVID-19 vaccines in North Cotabato)
Kasunod ng insidente, naglabas ang National Vaccination Operations Center (NVOC) ng isang advisory na may petsang Mayo 31 na nagsasaad na ang mga vaccination site na walang mga mapagkukunang back-up power sources “ay maaaring pansamantalang mag imbak” ng kanilang mga bakuna sa regional o local vaccine operations center.
Sinabi ng DOH na ang vaccine wastage rate sa bansa ay “mas mababa sa 1%” ng mga magagamit na jabs, na saklaw ng rekomendasyon ng WHO.
3. Paano maiiwasan ang pag-aaksaya ng bakuna?
Upang matiyak ang maayos na paghahatid at mapanatili ang kalidad ng mga bakuna, tinitingnan ng NVOC ang mas marami pang mga cold chain equipment at storage facilities sa national capital at mga piling rehiyon para sa pamamahagi sa mga LGU “na may natukoy na kakulangan,” sinabi ng DOH.
Hindi bababa sa limang mga rehiyon “ang hindi pa rin kayang mangasiwa ng bakuna ng Pfizer,” na nangangailangan ng ultracold storage na nasa minus 80 hanggang minus 60 degree Celsius, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire. Ang mga rehiyon na ito ay ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Caraga, SOCCSKSARGEN, Bicol region, at MIMAROPA.
“‘Yung mga vaccine na hindi nila kayang i-handle (pangasiwaan), talagang imiminimize (binabawasan) namin’ yun sa mga LGU na hindi prepared (handa),” sabi ni Galvez, ang vaccine czar din ng bansa.
Ipinaliwanag ni Beaver Tamesis, pangulo ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP), na “para sa [u]ltracold chain na uri ng produkto, maging ang mga pangunahing distributor ay hindi ganoon tiwala sa labas ng Metro Manila at Cebu.”
Ngunit sinabi niya na ang mga pharmaceutical company ay naghahanap ng mga paraan upang “mabawasan ang rigidity” ng mga kondisyon sa pag-iimbak ng kanilang mga bakuna upang mas madaling ma-access ang mga ito.
Si Tamesis din ang pangulo at managing director ng Merck, Sharp, & Dohme Philippines, isang drugmaker na pagmamay-ari ng United States (U.S.) pharmaceutical company na Merck.
Noong Mayo, “pinalawig” ng U.S. FDA ang oras ng para sa pag-iimbak ng mga Pfizer COVID-19 vaccine sa refrigerator na nasa pagitan ng 2 at 8 degree Celsius, “na ginagawang mas malawak na magagamit ang bakuna.” Mula sa limang araw lamang sa loob ng refrigerator, ang mga dosis ay maaari na ngayong itago hanggang sa 30 araw pagkatapos na matunaw.
“Marami tayong natututunan tungkol sa mga bakuna, kasama ang kanilang mga kondisyon sa pag-iimbak bukod sa pangmatagalang clinical efficacy o ang epekto sa pasyente,” dagdag ni Tamesis sa English. “Habang nagtatagal, ang aming kaalaman ay magpapatuloy na magbabago, at magiging mas handa kami sa mga bagong uri ng mga kaganapan.”
Inihayag din ng DOH ang kahalagahan ng “patuloy na training at retraining ng mga responsable sa paghawak at pamamahala ng mga bakuna.”
Noong Mayo 14, naglabas ang NVOC ng karagdagang patnubay sa pag-iimbak, pamamahala, at pamamahagi ng COVID-19 vaccine na nangangailangan ng “isang vaccine security at safety officer at kahalili bawat pasilidad na itatalaga sa mga health worker na namamahala sa mga bakuna.”
Ang temperatura ay dapat itsek ng hindi bababa sa apat na beses sa isang araw, pitong araw sa isang linggo, kabilang ang mga piyesta opisyal, sinabi nito.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
People’s Television Network, Press briefing with Presidential Spokesperson Harry Roque, June 24, 2021
World Health Organization, Monitoring vaccine wastage at country level
World Health Organization, Revising global indicative wastage rates: a WHO initiative for better planning and forecasting of vaccine supply needs, April 8, 2019
National Vaccination Operations Center, Advisory No. 42, May 14, 2021
National Vaccination Operations Center, Advisory No. 49, May 31, 2021
United States Food and Drug Administration, FDA In Brief: FDA Authorizes Longer Time for Refrigerator Storage of Thawed Pfizer-BioNTech COVID-19 Vaccine Prior to Dilution, Making Vaccine More Widely Available, May 19, 2021
Department of Health, Philippine National COVID-19 Vaccination Deployment Plan
Department of Health, Beat COVID-19 Media Forum, June 21, 2021
Philippine Food and Drug Administration, Emergency Use Authorization (EUA) for SARS-CoV-2 Vaccine (Vero Cell), Inactivated [CoronaVac], Sinovac Life Sciences Co., Ltd, Feb. 22, 2021
Philippines signs Pfizer deal
- Reuters, Philippines seals biggest COVID-19 vaccine order yet, for 40 mln Pfizer doses, June 20, 2021
- ABS-CBN News, Philippines, Pfizer ink deal for 40 million COVID-19 vaccine doses – gov’t, June 20, 2021
- Inquirer.net, PH seals deal for 40 million doses of Pfizer COVID-19 vaccine, June 20, 2021
Pfizer extends refrigerator time of its COVID-19 vaccine
- U.S. Food and Drug Administration, FDA In Brief: FDA Authorizes Longer Time for Refrigerator Storage of Thawed Pfizer-BioNTech COVID-19 Vaccine Prior to Dilution, Making Vaccine More Widely Available, May 19, 2021
- Time, FDA Extends Pfizer-BioNTech COVID-19 Vaccine Refrigeration Storage Time, May 20, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)