Categories
Fact Check Filipino

VERA FILES FACT SHEET: Di ginagamit na higanteng power plant, Bataan Nuclear Power Plant ipinaliwanag

Humingi si Sen. Nancy Binay ng isang “komprehensibong pag-aaral” tungkol sa “ano ang gagawin” sa halos apat na dekadang mothballed Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) sa pagdinig ng komite ng Senado noong Okt. 13 tungkol sa ipinanukalang budget para sa 2021 ng Department of Energy (DOE).

Bilang tugon, sinabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi sa mga senador na ang mga nuclear expert ng mgakumpanyang Russian at South Korean ay nagsumite ng mga panukala noong 2017, na sinasabing ang BNPP ay “maaari pa rin buhayin.”

Ipinahayag ni Binay ang kanyang pag-aalala na ang gobyerno ay nag-aaksaya ng labis na pera para sa pangangalaga ng hindi ginagamit na nuclear power plant.

Sa pagdinig, sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng committee on energy, na para sa pagpapanatili ng BNPP, ang pag-aari ng gobyernong National Power Corp. (Napocor) ay nagmungkahi ng 76.92 porsyento na pagtaas ng budget, mula P52 milyon para sa 2020 hanggang P92 milyon para sa 2021.

Nag-utos si Pangulong Rodrigo Duterte ng konsultasyon sa mga residente ng Bataan tungkol sa posibleng pagbuhay sa BNPP, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque sa kanyang press briefing noong Okt. 1 sa lalawigan.

Sa Executive Order No. 116 na nilagdaan noong Hulyo 24, lumikha si Duterte ng isang inter-agency na komite na inatasang “magsagawa ng isang pag-aaral para sa magiging pambansang posisyon sa isang Nuclear Energy Program (NEP).” Ang panel ay pinahintulutan, bukod sa iba pa, “na suriin at alamin ang pangangailangan para sa at posibilidad na gumamit ng nuclear power” sa energy mix ng bansa, kasama na ang mga nakatayo nang pasilidad ngunit “hindi limitado” sa BNPP.

Ang 11-miyembro na Nuclear Energy Program Inter-Agency Committee (NEP-IAC), kasama ang Department of Energy (DOE) bilang lead agency, ay binigyan ng anim na buwan o hanggang Enero 2021 upang maipakita ang mga paunang ulat sa Office of the President. Pagkatapos nito, dapat isumite ng NEP-IAC ang mga susunod na mapag-aalaman tuwing anim na buwan.

Ang una at nag-iisang nuclear power plant sa Pilipinas, ang BNPP ay hindi kailanman pinaandar dahil sa mga isyu ng kaligtasan at korapsyon at cronyism sa ilalim ng rehimen ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

Narito ang tatlong bagay na dapat mong malaman tungkol sa BNPP.

Ano ang Bataan Nuclear Power Plant?

Apat na taon matapos ideklara ni Marcos ang martial law, ang pagtatayo ng 620-megawatt na BNPP ay nagsimula noong 1976, bilang tugon sa krisis sa enerhiya noong 1970. Nilalayon nito na bawasan ang pagsandal ng bansa sa imported na langis at bumuo ng isang alternatibong mapagkukunan ng kuryente para sa Luzon grid.

Sa paunang presyo sa US$500 milyon ng Westinghouse Electric Co. sa isang “hindi malinaw, hindi na detalyeng bid para sa dalawang mga nuclear plant,” ang halaga ay lumobo sa US$ 2.3 bilyon nang matapos ito noong 1984.

Tatlong taon mula nang simulan ang pagtatayo ng BNPP, ang proyekto ay pansamantalang ipinatigil noong 1979 matapos ang isang nuclear accident sa Three Mile Island, Pennsylvania, USA. Ito ang nag-udyok sa gobyerno ng Pilipinas na suriin muli ang kaligtasan ng sarili nitong nuclear plant, na lumilikha ng isang komisyon noong Hunyo 1979 upang siyasatin ang “mga panganib na maaaring lumabas dahil sa pagpapatakbo ng ipinanukalang nuclear power plant.” Itinalaga ni Marcos noon si Justice Minister Ricardo Puno at dating senador Lorenzo Tañada, isang anti-nuclear na aktibista, na kapwa mamuno sa Commission on the Safety of the Bataan Nuclear Power Plant. Matapos tanggihan ni Tañada ang appointment, itinalaga ni Marcos si Puno bilang pinuno ng komisyon, kasama ang mga retiradong mahistrado na sina Conrado Vasquez at Jose Bautista bilang mga miyembro.

Sa isang ulat na isinumite noong Nobyembre 1979, sinabi ng Komisyon na ang nuclear power plant ay mayroong “hindi sapat na mga safeguard at maaaring maging isang potensyal na panganib sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.” Sinipi din nito ang maraming mga depekto sa konstruksyon at disenyo, kabilang ang hindi nasiguro na pag-iimbak ng nuclear waste.

Sa paanyaya ni Tañada, ang nuclear engineer na si Robert Pollard mula sa Union of Concerned Scientists (USC) ay nagsumite rin ng isang affidavit sa Komisyon, na sinasabing batay sa kanyang pag-aaral sa BNPP, ang planta ay “hindi ligtas at magiging magastos.” Nang maglaon ay nagsalita siya sa harap ng Rotary Club ng Maynila, at inuulit ang kanyang pahayag.

Sa kabila ng mga rekomendasyon ng komisyon, iniutos pa rin ni Marcos na ipagpatuloy ang pagtatayo ng napakalaking imprastraktura noong Enero 1981, na may muling pinagkasunduang kontrata sa Westinghouse — na nagsasama umano ng higit sa 100 na mga kinakailangang regulatory safety requirements.

Habang nagsimulang lumakas ang mga protesta laban sa BNPP, pinatalsik si Marcos sa 1986 People Power Revolution.

Ang BNPP ay hindi na pinaandar ni Pangulong Corazon “Cory” Aquino noong Nobyembre 1986 sa pamamagitan ng Executive Order 55, na binabanggit ang kaligtasan at pang-ekonomiyang mga kadahilanan. Ito ay pitong buwan pagkatapos ng pagsabog ng Chernobyl nuclear power plant ng Soviet Union. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Hirit ni Gadon na dahilan ni Cory Aquino sa pagpigil sa operasyon ng BNPP HINDI TOTOO)

Agad na namatay ang dalawang tao, habang hindi bababa sa 28 iba pa ang namatay dahil sa pagkalantad sa matinding radiation sa loob ng tatlong buwan. Sa isang joint news release noong 2005, sinabi ng United Nations at World Health Organization na higit sa 4,000 pa ang maaaring mamatay dahil sa pagkakalantad sa radiation.

Sa EO 55, itinalaga ni Aquino ang National Power Corp. bilang tagapag-alaga upang pangasiwaan ang “preservation, maintenance at security” ng BNPP hanggang sa mapagpasyahan ang “final disposal at / o paggamit ng planta.”

Ang gobyerno ng Pilipinas ay patuloy na nagbabayad ng halos P40 hanggang 50 milyon bawat taon para sa pagpapanatili nito. Noong 2011, ang BNPP ay naging isang tourist attraction.

Anu-anong mga isyu ang bumabalot sa mothballed power plant?

Si Marcos at ang kanyang mga confidants ay naiulat na nagbulsa ng milyun-milyong dolyar mula sa kontrata ng Westinghouse at Burns at Roe na inayos ng negosyanteng crony na si Herminio Disini.

Si Disini ay isa sa mga kalaro sa golf ni Marcos at asawa ni Paciencia Escolin, first cousin at personal na doktor ni dating First Lady Imelda Marcos.

Ginawaran ng gobyerno ang Westinghouse ng kontrata ng BNPP kahit na walang kongkretong dokumentadong bid. Ang General Electric, na nakikipag-usap na sa Napocor bago ang pumasok sa eksena ang dating manufacturing firm, ay may mas murang alok. Ang budget para sa power plant ay inutang sa United States Export-Import Bank.

Ang mga patunay na suhol ay natuklasan mula sa mga dokumento ng pananalapi ng nakaw na yaman matapos na tumakas ang pamilyang Marcos sa Malacañang sa kasagsagan ng “people power” revolution noong Pebrero 1986. Makatanggap umano si Disini ng milyun-milyong mga kickback mula sa Westinghouse Electric Co.

Sinabi ng manufacturing company na ang tinanggap ni Disini ay isang “lehitimong komisyon sa pagbebenta.”

Matapos ang pagpapatalsik kay Marcos noong 1986, isinulong ng gobyerno ng Pilipinas ang kaso laban sa Westinghouse at Burns at Roe dahil sa panunuhol at overpricing, ngunit natalo ito nang ibasura ng United States court ang kaso.

Noong 2013, ipinagtibay ng Supreme Court na ang anti-graft court na Sandiganbayan ang mayroong hurisdiksyon na magsampa ng kaso laban kay Disini kaugnay ng planta ng Bataan. Nang nakaraang taon, idineklara ng Sandiganbayan na “ill-gotten” ang US$ 50.6 milyong “komisyon” na natanggap ni Disini mula sa Westinghouse at Burns at Roe para sa pag-aayos ng kontrata ng BNPP, at inatasan siyang “muling ibalik” ang halaga sa gobyerno ng Pilipinas.

Halos 32 taon mula nang makumpleto ang BNPP, natapos ng mga Pilipino ang pagbabayad ng mga utang at interes noong 2007. Ang gobyerno ay nakapagbayad ng kabuuang P64.7 bilyon (P43.5 bilyon para sa principal amortization at P21.2 bilyong interes) para sa nuclear power plant na hindi kailanman nakabuo ng isang watt ng kuryente.

Para sa mga kritiko, ang BNPP ay nagsisilbing isang “simbolong 20 taon ng tiwaling pamamahala ng mga Marcos.

Ligtas at matipid ba na patakbuhin ang Bataan Nuclear Power Plant sa ngayon?

Noong 2017, inanyayahan ng DOE ang mga eksperto mula sa Korea at Russia na magsagawa ng pre-feasibility study sa integridad ng imprastraktura ng BNPP. Ang mga panukalang isinumite upang irehabilitate ang nuclear power plant ay magkakahalaga ng US$1 bilyon para sa Korean firm — na tatagal ng hanggang apat na taon — at US$2 hanggang US$3 bilyon para sa kumpanyang Ruso.

Sa pagdinig sa Senado noong Okt. 13, sinabi ni Cusi na kahit na nagawa na ang mga feasibility inquiry, ang gobyerno ng Pilipinas ay hindi pa nagsasagawa ng isang “kongkretong pag-aaral” sa BNPP. Idinagdag niya na ang kanyang ahensya ay magkakaroon ng isang budget estimate, isinasaalang-alang ang panukala ni Binay para sa isang “komprehensibong pag-aaral” tungkol sa posibleng pagbuhay ng nuke plant.

Sa isang pakikipanayam sa The Source ng CNN noong 2018, sinabi ni Russian Ambassador Igor Khovaev na sa pagkakaalam niya, ang teknolohiya ng BNPP ng planta ay “ganap na luma na” at ang mga pamantayang pang-internasyonal ngayon ay “mas mataas.”

Gayunpaman, ayon kay Carlo Arcilla, direktor ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI), isang ahensya sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST) na nagsasagawa ng pagsasaliksik at pagpapa-unlad ng mga payapang gamit ng nuclear tech, ang BNPP ay “mas bata,” kumpara sa iba pang mga nuclear plant sa Amerika.

Ayon sa kanya, sinabi sa kanya ng mga eksperto mula sa Russian nuclear firm na Rosatom State Atomic Energy Corporation na ang kanilang Russian eambassador ay “nagkamali” sa kanyang mga pahayag tungkol sa BNPP.

Ang planta sa Bataan ay mayroong mga nuclear reactor na may parehong disenyo sa South Korea, Slovenia, at Brazil na tumatakbo pa rin, ayon kay Arcilla. Sinabi ng pinuno ng PNRI na tiniyak sa kanya ng mga Koreanong eksperto na kaya nilang buhayin ang nuclear plant dahil mayroon silang eksaktong modelo sa kanilang bansa.

Kaugnay ng takot na magkaroon ng isa pang aksidente tulad sa Chernobyl, sinabi ni Arcilla na ito ay isang reaktor na “disenyo ng Soviet” hindi katulad ng “western style” ng BNPP.

“Lahat po ng nuclear plants na Western design…may takip. Ang tawag d’yan, containment structure. Kung sakaling may aksidente, ‘di kakalat. ‘Yung nandun pong dating Chernobyl, walang ganyan.”

Pinagmulan: ABS-CBN News YouTube, Bataan nuclear plant can still operate, says PH nuclear research body, Okt. 3, 2020, panoorin mula 9:00 hanggang 9:12

Gayunpaman, sa panayam, ipinahiwatig din na ang mga nuclear power plant na may parehong disenyo sa Korea, Slovenia, at Brazil ay patuloy na umaandar mula pa noong umpisa, kumpara sa BNPP, na hindi kailanman ginamit.

Ang isa pang dahilan sa pagpapatigil sa pagpapaandar ng BNPP noong 1986 ay ang lapit nito sa bulkan ng Mt. Natib.

Gayunman, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ang posibilidad ng pagsabog ng bulkan ay mababa at ang BNPP ay nasa mas mataas na lugar na mas malamang na hindi maaapektuhan ng tsunami na katulad ng Fukushima meltdown noong 2011. Idinagdag ng Phivolcs na ang Iba, Zambales fault ay 60 kilometro ang layo.

Sa isang panayam sa UNTV noong 2016, sinabi ng ni Phivolcs chief Renato Solidum na nakita sa mga pagsusuri na ginawa sa mga deposito ng uling na ang huling pagsabog ng Mt. Natib ay 27,000 taon nang nakalipas. Inuri ng Phivolcs ang Mt. Natib bilang “potentially active,” na nangangahulugang “mukhang bata ngunit walang mga kasaysayan o analitikal na tala ng pagsabog.”

Gayunpaman, ang nuclear waste para sa BNPP ay nananatiling isang problema, sinabi ng Filipino scientist na si Fabian Dayrit, isang akademiko ng National Academy of Science and Technology, sa ANC Matters of Fact sa isang pakikipanayam noong Okt. 7.

Sinabi ni Dayrit na ang nuclear energy ay “hindi sustainable” dahil kinakailangan nito ang pag angkat ng nuclear fuel. Idinagdag niya na pagkatapos na maabot ng isang nuclear power plant ang pinakamataas na lifespan na 40 taon, ang pag-decommission at pagpapanatili ng nuclear waste “sa loob ng maraming taon” ay maaaring maging mahal.

Narito ang isang bahagi ng pakikipanayam na isinalin sa Filipino:

“T: Samakatuwid sa katagalan, maaari ito maging mas magastos para sa atin, kahit na maibababa nito ang presyo ng kuryente.

Dayrit: Maaaring posible iyon. Parang sinisingil mo ang gastos ng decommissioning sa hinaharap na henerasyon. Hindi talaga ito maganda na maiwanan sa iyong mga anak at apo, maaaring sila ang magbayad para sa decommissioning at nuclear waste.”

Pinagmulan: ABS-CBN News YouTube, No place for nuclear waste: Top Filipino scientist nixes nuke plant revival | ANC, Okt. 7, 2020. panoorin mula 5:25 hanggang 6:00

 

Mga Pinagmulan

Senate of the Philippines YouTube, Committee on Finance [Subcommittee “E”], Oct. 13, 2020

Department of Energy, Press Release: PHL, Russia Ink Technical Assistance Cooperation on Nuclear, Nov. 15, 2017

State Atomic Energy Corporation Rosatom, About us

GMA News Online, Bataan nuclear plant can be revived, says Russian state firm Rosatom, May 13, 2018

Business Mirror, BNPP can be rehabbed, experts say, Jan. 15, 2018

The Manila Times, Research institute calls for revival of Bataan nuke plant, Dec. 27, 2018

Manila Bulletin, BNPP in ‘good condition’ for $1-B rehab cost – study, Sept. 5, 2019

House of Representatives YouTube, 18th CONGRESS 2nd REGULAR SESSION #09 : H.B 7727 – 2021 General Appropriation Bill (Day 4 Pt.1), Oct. 1, 2020

Office of the Presidential Spokesperson, Press Briefing of Presidential Spokesperson Harry Roque, Oct. 1, 2020

PTV YouTube, WATCH: Palace virtual presser with Presidential Spokesperson Harry Roque, Oct. 1, 2020

Official Gazette of the Philippines, Executive Order No. 116: Directing a study on National position on a nuclear energy program, July 24, 2020

Department of Energy, 2019 Power Situation Report, Retrieved on Oct. 24, 2020

Lawphil.net, Supreme Court En Banc, G.R. No. L-68474: Nuclear Free Philippine Coalition Et. Al v. National Power Corporation & G.R. No. 70632: Lorenzo Tañada v. Philippine Atomic Energy Commission

Chan Robles, Supreme Court En Banc, G.R. No. L-68474: Nuclear Free Philippine Coalition Et. Al v. National Power Corporation & G.R. No. 70632: Lorenzo Tañada v. Philippine Atomic Energy Commission

Martial Law Chronicles Project, CORRUPTION UNDER MARTIAL LAW | Marcos and his ‘temple of doom’, Jan. 25, 2016

History of Bataan Nuclear Power plant

Issues hounding the BNPP

Safety and economics of Bataan Nuclear Power Plant

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)