Sa isang komentaryo nitong Nob. 8, binatikos ni Sen. Leila De Lima, nakakulong na kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang digmaan ng kasalukuyang administrasyon sa mga droga at ikinumpara ito sa kanyang “pakikibaka laban sa human trafficking.”
“Pinamunuan ko ang laban sa human trafficking o pang-aalipin sa modernong panahon,” isinulat ni De Lima, na inalala ang kanyang mga araw bilang justice secretary ng administrasyong Aquino.
“Maaaring hindi ito nagkaroon ng kakilakilabot na madugong panghalina tulad ng tinatawag na ‘giyera laban sa droga,’ ngunit ang resulta ang magpapatunay (na naging matagumpay ito),” dagdag ng senador na nasa bilangguan dahil sa mga kasong may kinalaman sa droga.
Narito ang tatlong mga katotohanan tungkol sa giyera ng bansa laban sa human trafficking.
Human trafficking ipinaliwanag
Ang Republic Act 9208, o ang Anti-trafficking in Persons Act of 2003, ay tumutukoy sa human trafficking bilang:
“Ang pag recruit, transportasyon, paglilipat o pagtatago, o pagtanggap ng mga taong may o walang pahintulot o kaalaman ng biktima, sa loob o sa buong bansa n sa pamamagitan ng pagbabanta o paggamit ng puwersa, o iba pang anyo ng pamimilit, pagdukot, pandaraya, panlilinlang, pang-aabuso ng kapangyarihan o ng posisyon, pagsasamantala ang kahinaan ng tao, o, ang pagbibigay o pagtanggap ng mga bayad o mga benepisyo para makuha ang pahintulot ng isang taong may kontrol sa ibang tao para sa layunin ng pagsasamantala na kinabibilangan ng pinakamaliit, ang pagsasamantala o prostitusyon ng iba o iba pang anyo ng sekswal na pagsasamantala, sapilitang paggawa o serbisyo, pang-aalipin, pagkaalipin o pagtanggal o pagbebenta ng mga bahagi ng katawan. ”
Nahaharap sa pagkakakulong at pagmumulta ang parehong “nagbebenta” at “namimili” ng mga biktima ng trafficking.
Mas mabibigat na parusa ang naghihintay sa mga tao sa likod ng “qualified trafficking,” na naaangkop kapag ang operasyon ay nagsasangkot sa tatlo o higit pang mga trafficker o mga biktima ng trafficking; kapag ang biktima ng trafficking ay menor de edad, namatay, naputulan ng bahagi ng katawan, nasiraan ng ulo, o nagkaroon ng HIV; o kapag ang trafficker ay isang awtoridad, opisyal ng gobyerno, miyembro ng militar o opisyal na tagapagpatupad ng batas.
Pinalawak ng RA No. 10364 ang batas noong 2012 para isama ang pagkuha, pagpapaupa, pagbibigay at pag-aalok ng mga biktima ng trafficking, at pagparusa sa pagtatangkang trafficking at pananagutan ng kasabwat.
Mga nahatulang kaso ng trafficking
Ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), ang grupo na nakikipagugnayan at sumusubaybay sa pagpapatupad ng mga batas ng bansa laban sa trafficking, noong Okt. 15 ay nakapagtala ng 319 nahatulang kaso ng human trafficking na kinasasangkutan ng 340 tao mula nang pinagtibay ang R.A. 9208 noong 2003.
May kabuuang 65 na nahatulang kaso sa ilalim ng administrasyong Duterte, ngunit ipinakita ng mga rekord ng IACAT na ang karamihan ay isinampa noong nakaraang administrasyon.
Nakuha ng estado ang unang hatol noong Nobyembre 2005.
Napatunayan sa Regional Trial Court ng Zamboanga City na si Hadja Jarma Lali at Ronnie Aringoy ay nagkasala sa pag recruit sa tatlong babae mula Zamboanga City upang magtrabaho sa isang restaurant sa Malaysia, kung saan sila ay dinala sa isang pugad ng prostitusyon.
Inapela ni Aringoy ang desisyon, ngunit pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng RTC at pinalaki ang halaga ng moral at bayad-pinsala.
Tier status ng PH sa TIP report
Sinabi ni De Lima sa kanyang komentaryo na ang mga nahatulang kaso ng human trafficking sa bansa ay “nagresulta sa pag akyat ng Pilipinas sa Tier 1 Status, mula sa pagkakaburo sa Tier 2.”
Ang tinutukoy ng senador ay ang sistema ng rating na ginagamit ng US State Department sa taunang ulat nito ng Trafficking in Persons (TIP).
Nakuha ng Pilipinas ang Tier 1 ranking noong Hunyo 2016, bago ang inagurasyon ni Duterte bilang pangulo, at napanatili ang rating sa taong ito, na nangangahulugang ganap itong sumusunod sa mga minimum na pamantayan sa pakikipaglaban sa human trafficking.
Gayunman, nananatili ang mga malaking problema.
Ang 2017 TIP report ay naglalaman ng mga rekomendasyon para sa bansa kabilang dito ang magdagdag ng mga shelter at mga programa para sa mga lalaking biktima ng trafficking, gumawa ng higit pa para matugunan ang labor trafficking, pagbutihin ang pagkolekta ng datos ng mga kaso, at imbestigahan ang mga opisyal ng gobyerno na kasangkot sa mga operasyon ng human trafficking.
Kailangang magpakita ang gobyerno ng makabuluhang pag usad upang mapanatili ang Tier 1 rating nito.
Bago 2016, ang Pilipinas ay binigyan ng rating na alinman sa Tier 2 o Tier 2 Watchlist.
Ang Tier 2 ay nangangahulugang ang gobyerno ay hindi lubos na nagawa ang pinakamababang pamantayan ngunit nagpakita ng mga makabuluhang pagsisikap na sumunod, habang ang Tier 2 Watchlist ay nangangahulugan na ang mga kaso ng trafficking ay tumaas o ang gobyerno ay nabigo magbigay ng katibayan ng mga pagsisikap na labanan ang trafficking.
Ang tatlong magkasunod na taon sa Tier 2 Watchlist ay magbababa sa bansa sa Tier 3, na nangangahulugang hindi ito nakakatugon sa mga minimum na pamantayan at hindi gumagawa ng mga makabuluhang pagsisikap na gawin ito.
Ang bansa na may Tier 3 rating ay hihigpitan pagdating sa pagbibigay ng tulong na walang kaugnayan sa kawanggawa at di-pangkalakal mula sa gobyerno ng US.
Mga pinagkunan:
Trafficking in Persons Report 2017
Trafficking in Persons Report 2016
Trafficking in Persons Report 2009
Inter-Agency Council Against Trafficking, Updates on Trafficking in Persons Convictions
Commentary by Sen. Leila De Lima, On Harry Roque, the Truth Bender for Hire
RA 9208, Anti-Trafficking in Persons Act of 2003
Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012
Matrix of cases decided in 2017