Nagbanta kamakailan si Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso na kakanselahin ang permit to operate ng University of the East (UE) matapos na balewalain nito ang kanyang utos na kanselahin ang mga klase sa lahat ng antas, dahil sa malakas na pag-ulan na dala ng Bagyong Egay.
Kinansela ng UE ang mga klase mula sa Kindergarten hanggang Grade 12 lamang, ngunit hindi sa antas ng kolehiyo.
Paano nangyayari ang pagkansela o pagsuspinde ng mga klase? Sino ang may karapatang magpasya tungkol dito at gumawa ng mga anunsyo? Maaari bang huwag pansinin ng mga unibersidad ang pagsuspinde ng mga klase ng mga pamahalaang lokal?
Narito ang limang bagay na kailangan mong malaman.
Awtomatikong kanselado o suspindido ba ang mga klase kapag may bagyo?
Iniuutos ng Executive Order 66, na inisyu ni Pangulong Benigno Aquino III noong 2012, sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA “to observe and report the weather (na obserbahan at iulat ang panahon)” at “to issue forecasts and warnings of weather and flood conditions (na mag-isyu ng mga pagtataya at babala kaugnay ng mga lagay ng panahon at pagbaha).”
Ang mga klase para sa mga tiyak na antas ay awtomatikong kanselado depende sa forecast ng PAGASA at ang kanilang mga kaukulang signal:
- Signal No. 1 o mas mataas – pre-school (Nursery, Kindergarten at Preparatory);
- Signal No. 2 o mas mataas – elementarya at sekondarya; at
- Signal No. 3 o mas mataas – tertiary, kabilang ang mga graduate o advanced program, at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno na may ilang mga eksepsiyon.
Kapag idineklara ng Pangulo ang isang State of Calamity sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang mga klase sa lahat ng antas, pati na rin ang trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno ay awtomatikong suspindido sa mga lugar na apektado ng mga sakuna at kalamidad bukod sa bagyo – – tulad ng baha, lindol, tsunami, at sunog.
Sinasabi sa Sec. 4 ng EO na kailangang mapanatili ang mga operasyon ng mga ahensya na direktang sangkot sa disaster risk reduction and management kahit na kanselado o suspindido ang trabaho. Kabilang dito ang:
- the Office of the Executive Secretary;
- Department of National Defense;
- Department of Interior and Local Government;
- Department of Social Welfare and Development;
- Department of Science and Technology;
- Department of Health;
- Department of Public Works and Highways;
- Department of Education; at
- Iba pang mga ahensya na ang pagpapatakbo ay itinuturing na kinakailangan ng Pangulo o ng NDRRMC.
Ang mga pinuno ng mga ahensya na ito ang magdedesisyon kung alin sa mga kani-kanilang dibisyon o yunit ang dapat magpatuloy ng operasyon.
Maaari bang kanselahin o suspindihin ang mga klase kahit na walang signal ng bagyo?
Ang mga klase at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno, “specifically in flood-prone or high risk areas (partikular sa mga lugar na delikado sa baha o mataas na peligro),” ay maaari pa ring kanselahin o suspindihin kahit na walang signal ng bagyo na naitaas, depende sa pagpapasya ng mga pinuno ng lokal pamahalaan, ayon sa EO 66.
Sino ang maaaring magdeklara ng pagkansela o pagsuspinde ng mga klase?
Ang mga pinuno ng lokal na pamahalaan ang nagpapasya sa pagkansela o pagsuspinde ng mga klase at responsable sa paggawa ng mga anunsyo, batay sa executive order. Ang Republic Act (RA) No. 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act ay tinutukoy ang mga city/municipal mayor at mga gobernador ng lalawigan bilang mga local chief executive.
Gayunpaman, isang memorandum order (MO) na inisyu ng Commission on Higher Education (CHED) noong 2012 ay nagbibigay din ng awtoridad sa mga Higher Education Institution (HEI) na kanselahin o suspindihin ang mga klase sa tertiary level:
“Classes at the collegiate level, including graduate school, may be canceled or suspended at the discretion of local chief executives and/or HEIs if special circumstances in their area such as flooding, road damage, etc., warrant it
(Ang mga klase sa antas ng kolehiyo, kabilang ang graduate school, ay maaaring kanselahin o suspindihin sa pagpapasya ng mga local chief executive at/o HEIs kung may mga bukod-tanging pangyayari sa kanilang lugar tulad ng pagbaha, pinsala sa kalsada, atbp., na ginagarantiyahan ito).”
Pinagmulan: Commission on Higher Education, MO 15, s. 12
Sinasabi ng memorandum order na ang mga local chief executive o HEIs ay dapat gumawa ng anunsyo para sa pagkansela o pagsuspinde sa mga klase na hindi lalampas sa 4:30 a.m. sa araw na ito ay magkakabisa, at hindi lalampas sa 11:00 a.m. para sa pagsuspinde sa katanghalian.
Ang mga anunsyo ay gagawin gamit ang mga platform ng media tulad ng radyo, telebisyon, short message service (SMS), opisyal na website, mga social media account, at iba pa.
Kasunod ng pagbabanta ni Domagoso sa UE, sinabi ni CHED Commissioner Prospero de Vera III sa Philippine Star na hinihimok niya ang mga local government unit (LGU) at HEIs na gumawa ng mga protocol sa pagsuspinde sa mga klase dahil sa sama ng panahon.
Sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya sa VERA Files na bagama’t ang LGU at ang paaralan ay maaaring magsuspinde ng mga klase, “when the LGU has already made the decision, all schools in his jurisdiction must follow (kapag ang LGU ay nakapagpasya na, ang lahat ng mga paaralan sa kanyang nasasakupan ay dapat sumunod).”
Maaari bang hindi pumasok ang mga mag-aaral kung may bagyo o iba pang sama ng panahon kahit walang signal ng bagyo na naitaas o walang anunsiyo ng pagkansela/pagsuspinde na ginawa?
Ayon sa memorandum ng CHED, ang mga mag-aaral na hindi nakapasok sa mga klase o lumahok sa mga aktibidad sa eskwela tulad ng mga pagsusulit dahil sa sama ng panahon “shall be given consideration and be allowed to make up for the missed class or activity (ay bibigyan ng konsiderasyon at pahihintulutan na gumawa para makabawi sa napalampas na klase o aktibidad).”
Maaari bang kanselahin ng mga local chief executive ang mga permit ng paaralan dahil sa pagwalang-bahala sa kanilang utos na suspindihin ang mga klase dahil sa sama ng panahon?
“The Mayor’s Permit to Operate is not a right but a privilege and may be revoked by the LGU concerned for violations of laws, ordinances, rules, and regulations which include [EO 66] (Ang Permit to Operate ng mayor ay hindi isang karapatan ngunit isang pribilehiyo at maaaring bawiin ng LGU dahil sa mga paglabag sa mga batas, ordinansa, mga patakaran, at regulasyon na kasama ang [EO 66]),” sabi ni Malaya.
Alinsunod ito sa RA 7160 o ang Local Government Code of 1991, na nagsasaad na ang mga local chief executive ay maaaring:
“issue licenses and permits and suspend or revoke the same for any violation of conditions upon which said licenses or permits had been issued, pursuant to law or ordinance
(mag-isyu ng mga lisensya at permit at suspindihin o bawiin ang pareho dahil sa anumang paglabag sa mga kondisyon ng mga nasabing lisensya o permit, ay alinsunod sa batas o ordinansa).”
Ngunit binigyang diin ni Malaya na sa mga nasabing kaso, kinakailangang dumaan sa proseso “by issuing a notice of violation and giving [the school] an opportunity to explain before the permit may be validly revoked (sa pamamagitan ng paglalaan ng isang notice of violation at pagbibigay sa [paaralan] ng pagkakataon na magpaliwanag bago ang permit ay ipawalang-bisa).”
Sa isang 2018 na ligal na opinyon, ang DILG ay nagbigay ng pahayag kaugnay ng regulatory power ng isang mayor sa pag-isyu ng mga cease and desist order laban sa mga lisensyadong entidad sa kanilang nasasakupan. Binanggit sa dokumento ang pasya ng Korte Suprema G.R. No. 111397:
“The regulatory powers granted to municipal corporations must always be exercised in accordance with law, with utmost observance of the rights of the people to due process and equal protection of the law. Such power cannot be exercised whimsically, arbitrarily or despotically
(Ang mga regulatory power na ipinagkaloob sa mga korporasyon ng munisipalidad ay dapat palaging isinasagawa alinsunod sa batas, na may lubos na pagsunod sa mga karapatan ng mga tao sa angkop na proseso at pantay na proteksyon ng batas. Ang ganitong kapangyarihan ay hindi maaaring gamitin sa kapritso, batay sa sariling-kagustuhan o pagmamalupit).”
Pinagmulan: Department of Interior and Local Government, DILG Opinion No. 76, s. 2018, Nob. 28, 2018
#
Mga Pinagmulan:
Inquirer.net, Manila mayor threatens to revoke UE permit for failure to suspend classes, July 1, 2019
CNN Philippines, Manila Mayor calls out university for ‘circumvention’ of class suspension order, July 1, 2019
Philstar.com, Isko warns UE for ignoring class suspension, July 2, 2019
Official Gazette, Executive Order No. 66, Series of 2012
Official Gazette, Republic Act. No. 10121
Commission on Higher Education, Memorandum Order No. 15, Series of 2012
Department of Education, Department Order No. 43, Series of 2012
Philstar.com, Agree on class suspension protocol, HEIs, LGUs urged, July 4, 2019
Official Gazette, Local Government Code of 1991
Department of Interior and Local Government, DILG Opinion No. 76, Series of 2018
Supreme Court of the Philippines, G.R. No. 111397
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)