Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: May kakulangan ba o sobrang suplay ng bawang?

Sinabi ni Danilo Fausto, presidente ng Philippine Chamber for Agriculture and Food Inc., na bagama't may oversupply ng bawang sa mga partikular na rehiyon, may kakulangan sa suplay ng pananim sa pangkalahatan.

By VERA Files

Sep 22, 2022

6-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa pagdinig ng House Committee on Food and Agriculture noong Agosto 30, binalaan ng mga opisyal ang publiko tungkol sa hindi sapat na produksyon ng bawang na hindi makakatugon sa inaasahang pangangailangan hanggang sa huling quarter ng 2022.

Sa pagdinig, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na ang suplay ng bawang ay magkukulang ng humigit-kumulang 63,000 metriko tonelada sa pagtatapos ng taon. Inaasahan ng DA ang kabuuang suplay ng bawang sa bansa sa 83,000 metriko tonelada, kumpara sa tinatayang demand na 146,850 metriko tonelada.

Noong unang bahagi ng Setyembre, sinabi ni Batanes Gov. Marilou Cayco na mayroong oversupply ng bawang sa kanyang probinsya. Umapela siya sa publiko na bilhin ang mga pananim mula sa mga magsasaka doon. Ang sobrang suplay  na ito, idinagdag niya, ay resulta ng pagbawas sa pagbili ng DA Region 2.

Ang isang katulad na kaso kamakailan ay nangyari sa Lubang, Occidental Mindoro, kung saan ang mga stock ng native na bawang ay nagsimulang mabulok dahil sa kakulangan ng mga mamimili.

Mayroon bang oversupply o shortage ng bawang? Sino ang dapat sisihin sa sobrang produksyon sa ilang lugar sa bansa? Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman:

1. Mayroon bang labis na suplay?

Ipinaliwanag ni Danilo Fausto, presidente ng Philippine Chamber for Agriculture and Food Inc., na bagama’t may oversupply ng bawang sa mga partikular na rehiyon, may kakulangan sa suplay ng pananim sa pangkalahatan.

“Walang oversupply ng bawang. Tayo ay nag-aangkat ng, kung hindi ako nagkakamali, higit 50% ng ating pangangailangan,” sinabi niya sa isang panayam ng VERA Files Fact Check.

Ang datos na iniharap ng DA sa mga mambabatas ay nagpapakita na ang lokal na produksyon ng bawang ay nasa average lamang na mahigit 4,000 metriko tonelada habang ang mga inaangkat ay nasa humigit-kumulang 78,000 metriko tonelada.

Ayon kay Fausto, ang kakulangan sa produksyon ng bawang ay bunga ng hindi sapat na ani ng pananim bawat ektarya na dahil naman sa kakulangan ng teknolohiya at mababang kalidad ng materyal ng halaman.

Ipinaliwanag pa niya na ang labis na suplay ng mga produktong agrikultural sa Batanes at iba pang partikular na lugar sa Pilipinas ay isang “problema ng logistics.”

“‘Yung produkto sa Batanes, hindi dumadating sa Manila, pero hindi ibig sabihin may oversupply ng bawang,” sinabi niya.

Dahil archipelago ang Pilipinas, sinabi ni Fausto na mas mahirap magpadala ng ilang produkto sa mga isla. Ang Batanes, bilang halimbawa, ay ang pinakamaliit na lalawigan sa bansa, kapwa sa laki at populasyon. Matatagpuan sa pinakahilagang bahagi ng bansa, ito ay mas malapit sa Taiwan kaysa sa hilagang dulo ng Luzon.

Ito, sabi ni Fausto, ay humantong sa isang “disconnect” sa pagitan ng mga magsasaka at ng kanilang mga target na merkado.

2. Dapat bang sisihin ang mga magsasaka sa sobrang produksyon?

Umani ng batikos sa publiko si Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban matapos niyang sisihin ang mga magsasaka sa sobrang suplay ng bawang at repolyo.

“Ah, ang problema nasa magsasaka rin, eh, dahil tanim sila nang tanim, hindi nila iniisip ang sitwasyong mangyayari. Gaya halimbawa sa Batanes, tanim sila nang tanim bilang regular na pananim. Sa panahon na iyan, kaya nilang itanim ito pero hindi nila iniisip ‘yung palengke eh,” ani Panganiban sa panayam sa Dobol B TV noong Setyembre 7.

Sumang-ayon si Fausto na ang problema ay nasa kakayahan ng mga magsasaka na kumonekta sa kanilang merkado.

“Ang problema ay paano mo ito ipapadala? Kailangan mong magbigay ng logistics. Laging ganyan ang nangyayari sa ating mga pananim. Ang produksyon ng mga pananim ay hindi naka-link sa merkado,” paliwanag niya.

Gayunpaman, binigyang-diin niya na ang mga magsasaka ay hindi lubusang masisisi sa isyung ito, lalo na kung ang karamihan ay kulang sa edukasyon, financial literacy, at kaalaman sa pamamahala.

“Kailangan may nakatutok sa pamamahala, ‘yung disiplina ng magsasaka, kultura ba ng mga magsasaka. Kailangan may pagsasanay,” sabi niya.

Idinagdag ni Fausto na ang mga ahensya ng gobyerno na namamahala ay dapat tumutulong sa mga magsasaka sa pagtulay sa mga naturang disconnect.

“‘Yung ahensiya ng gobyerno na namamahala diyan ay may konting pagkukulang. Dapat inaalalayan nila,” sabi niya.

Sa isang panayam sa DZMM, sinabi ni Agot Balanoy, tagapagsalita ng League of Associations La Trinidad Vegetable Trading Area, na ang labis na suplay ng mga produktong pang-agrikultura ay hindi dapat isisi sa mga magsasaka dahil ang gobyerno ang dapat manguna sa crop programming.

Sa isang hiwalay na panayam, sinabi ni Jesson Del-Amen, chief operations officer ng Benguet Agri-Pinoy Trading Center, na ang sobrang suplay ay maaaring iugnay sa kakulangan ng mga pasilidad ng irigasyon. Pinipilit nito ang mga magsasaka na hintayin ang tag-ulan upang magtanim ng mga pananim na maaaring humantong sa labis na produksyon.

3. Ano ang maaaring gawin?

Binigyang-diin ni Fausto ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga post-harvest facility para sa mga magsasaka.

“Ang bawat pananim may season, eh, kaya kailangan mong iimbak sa panahon ng anihan. ‘Yung mga produktong sobra sa ani, itago mo para magamit na suplay sa mga susunod na buwan. Pagkatapos, umani ulit para ma-stabilize mo ‘yung suplay,” sinabi niya.

Ipinaliwanag niya na ang pagkuha ng mga storage facility at delivery truck para sa mga magsasaka ay maaaring pagkakitaan. Hindi na nila kailangang umasa sa mga middleman para ibenta ang kanilang mga produkto.

“Dapat nandiyan ang teknolohiya. Dapat itong suportahan ng gobyerno, at gayundin ng kapital. Ang mga magsasaka kasi walang puhunan kaya nagiging dependent sa mga trader,” dagdag niya.

Binigyang-diin niya, gayunpaman, na ang pagpopondo ay isang malaking hadlang sa pakikipagsapalaran na ito. Ipinaliwanag niya na ang mga magsasaka ay walang access sa kapital dahil ang tingin ng mga bangko sa agrikultura ay high-risk investment.

“Kailangan maturuan sila ng business management, ano ‘yung kailangan para kumita ang kanilang puhunan,” dagdag ni Fausto.

Sa kasalukuyan, ang DA, sa pamamagitan ng Kadiwa truck, ay nagpaabot na ng tulong sa mga magsasaka ng Batanes sa paghahatid ng 600 kilo ng bawang sa National Capital Region (NCR).

Sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, inilatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na siya ring Agriculture secretary, ang kanyang mga plano para sa sektor ng agrikultura. Kabilang dito ang programa para mapataas ang lokal na produksyon sa pamamagitan ng tulong pinansyal sa mga magsasaka at mangingisda, at modernisasyon ng teknolohiya sa pagsasaka.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Babala ng mga opisyal tungkol sa kakulangan ng bawang

Oversupply ng bawang sa Batanes

Oversupply ng bawang sa Occidental Mindoro

Pag-aangkat ng bawang bawang

GMA News, Dobol B TV Livestream: September 07, 2022 – Replay, Setyembre 7, 2022

ABS-CBN News, Farmers at fault for veggie oversupply? DA should lead crop programming – traders | TeleRadyo, Setyembre 9, 2022

ABS-CBN News, Why P26/kg cabbage in Benguet sells for triple the price in NCR | TeleRadyo, Setyembre 9, 2022

Department of Agriculture, Itbayat garlic farmers receive big lift from DA in bringing to NCR their produce, Setyembre 18, 2022

Department of Agriculture, Marcos relays food production agenda in 1st SONA, Setyembre 18, 2022

Danilo Fausto, Personal communication, Setyembre 21, 2022

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.