Ilang aktibong opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang uniformed services ang hindi pabor sa mandatory na kontribusyon sa kanilang pension system. Bahagi ito ng iminungkahing mga reporma sa sistema ng pensiyon ng military at uniformed personnel (MUP) para maiwasan ang “fiscal collapse” sa loob ng ilang taon.
Hindi tulad ng mga civilian government workers at private employees, na ang mga kontribusyon sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System, ayon sa pagkakasunod, ay ibinabawas sa kanilang monthly take-home pay, ang mga sundalo at iba pang uniformed personnel ay walang bawas sa kanilang buwanang kita para sa kanilang pensiyon. Naglalaan ang gobyerno ng halaga sa taunang budget para sa pensiyon ng mga retirado sa AFP at iba pang uniformed services.
Sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ang taunang pondo para sa mga MUP pensioner ay tinatayang aabot sa P1 trilyon pagdating ng 2035, mula sa humigit-kumulang P213 bilyon ngayong taon.
Sinabi ni Diokno na nagsimula ang non-contributory scheme para sa militar sa mga huling buwan ng administrasyong Ramos kasunod ng pagbagsak ng AFP Retirement and Separations Benefits System (RSBS) dahil sa katiwalian at hindi maayos na pamamahala sa pananalapi, at pinalala pa ng 1997 Asian financial crisis.
Mula Mayo 25 hanggang Hunyo 30, nagsagawa ng 17 consultative meetings ang mga pangunahing opisyal ng Department of Finance (DOF), Bureau of Treasury (BTr) at GSIS kasama ang AFP, Philippine National Police (PNP), Bureau of Corrections (BuCor) at iba pang mga uniformed service command tungkol sa pinagtatalunang probisyon na pag-uutos ng mga kontribusyon sa pensiyon ng mga active-duty personnel at mga bagong pasok sa uniformed service.
Nagbabala ang noo’y Defense officer-in-charge na si Carlito Galvez at ang PNP sa pagdinig ng Senado noong Mayo 15 tungkol sa posibleng pagdami ng mga aplikasyon para sa optional retirement kung pipilitin silang mag-ambag ng bahagi ng kanilang suweldo sa pension fund.
Ano ang mga alalahanin ng militar, pulisya at iba pang uniformed personnel sa panukala ng gobyerno na repormahin ang kanilang sistema ng pensiyon? Narito ang anim na isyu na kailangan mong malaman:
1. Sino ang masasakop ng mga reporma sa pensiyon?
Sa pagdinig noong Mayo 15 ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation, nagkasundo ang mga kinatawan ng mayorya ng mga uniformed service agency — ang AFP, PNP, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Veterans Affairs Office, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Coast Guard (PCG) at National Mapping and Resource Information Institute — na mga bagong pasok sa serbisyo na lang ang mag-aambag sa pension fund.
Gayunpaman, ang pinakahuling panukala ng economic team ay nagsusulong ng reporma na may sapilitang kontribusyon at pagtatanggal ng indexation na ipatutupad sa parehong mga bagong pasok at active-duty na opisyal. Ang mga bagong pasok ay mag-aambag ng 9% ng kanilang base at longevity pay sa pagpasok sa serbisyo at ang gobyerno ay magdaragdag ng karagdagang 12% upang mabuo ang iminungkahing 21% na kabuuang buwanang premium.
Ang mga active officer ay mag-aambag ng 5% ng kanilang suweldo sa unang tatlong taon ng pagpapatupad ng panukalang reporma at sasagutin ng gobyerno ang natitirang 16%. Ang sharing scheme na ito ay iaakma hanggang sa maabot ang ratio na 9% (mga nasa aktibong tungkulin) at 12% (pamahalaan) sa ikapitong taon.
Batay sa available na datos, mayroong 134,735 military pensioners at 75,244 police pensioners.
2. Ano ang mga pagpipilian para sa optional retirement?
Sa serye ng mga konsultasyon, sinabi ng DOF na ilang miyembro ng PCG at BJMP ang nagtanong tungkol sa mga panukalang package para sa optional retirement. PNP, BuCor, BFP at BJMP, bukod sa iba pa, ay maaaring magpasyang magretiro kapag aktibong nakapagsilbi ng 20 taon sa serbisyo, habang ang mga kabilang sa PCG at AFP ay maaaring magretiro nang maaga pagkatapos ng 30 taon ng aktibong serbisyo.
Ang compulsory retirement para sa PNP, BuCor, BFP, BJMP at PCG ay 56 taong gulang na. Ang mandatory retirement para sa mga enlisted personnel ng AFP ay itinaas mula 56 hanggang 57 taong gulang noong Mayo.
Nagmumungkahi ang administrasyong Marcos ng tatlong mga pagpipilian sa optional retirement, na ilalapat sa isang case-by-case basis:
- Option 1: Tanggapin ang lahat ng benepisyo ng pensiyon sa isang lump sum sa pagreretiro batay sa net present value ng mga benepisyo ng pensiyon.
- Option 2: 60 na buwang paunang pagbabayad ng mga benepisyo batay sa net present value; magsisimula ang pagbabayad ng buwanang mga benepisyo sa pensiyon pagkatapos ng limang taon.
- Option 3: Tumanggap ng mga benepisyo ng pensiyon simula sa edad na 57.
Sa pagtugon sa tanong ng isang empleyado ng BJMP sa konsultasyon noong Hunyo 13, sinabi ni Finance Undersecretary Maria Luwalhati C. Dorotan Tiuseco na mag-a-apply ang survivorship benefits para sa option 2 at 3 dahil ang mga ito ay hindi binabayaran ng lump sum.
Ang survivorship benefit o pension ay ibinibigay sa asawa at mga anak na wala pang 18 taong gulang, maliban kung hindi kayang suportahan ang kanilang sarili dahil sa mental o physical incapacity, ng isang uniformed personnel na namatay sa tungkulin.
Sinabi ni Niño Rabaya, director ng Retirement and Benefits Administration Service, na 65% ng 18,000 PNP personnel na nagretiro mula 2018 hanggang 2022 ay naka-avail ng optional retirement.
Sa AFP, binanggit ni Galvez na humigit-kumulang 900 personnel ang nag-apply para sa optional retirement mula Enero hanggang Marso 2023. Iminungkahi niya na itaas ang minimum na kinakailangang taon para sa optional retirement sa 25 taon o 30 taon sa active duty. Kung hindi, humigit-kumulang 70% ng mga kwalipikadong opisyal ng militar ang maaaring magretiro nang maaga sa 2023 o sa susunod na taon, habang hinihintay ang pagpasa ng mga reporma.
3. Magkakaroon ba ng salary adjustment bunga ng resulta ng reporma sa pensiyon?
Sinabi ni Tiuseco na ang gobyerno ay “maaaring magbigay ng karagdagang budget para sa higit pang mga benepisyo para sa mga nasa aktibong serbisyo,” idinagdag na ang reporma sa pensyon ay nilayong makalikha ng fiscal space o magagamit na pondo para sa iba pang mga programa ng gobyerno.
Sa isang position paper noong Abril, nanawagan ang Philippine Military Academy (PMA) Class of 1971, na kinabibilangan ni dating senador Panfilo Lacson, na itaas ang base pay ng mga militar at uniformed personnel mula 2024 hanggang 2027. Ang huling pagtaas ng kanilang suweldo ay noong 2018 at 2019 sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Sinabi ni Diokno na ang anumang pagtaas sa sahod ng mga active-duty officer ay mangangahulugan ng karagdagang halaga para sa pensiyon ng mga retiree. Sa kasalukuyan, ang pensiyon ng mga retirado ay awtomatikong ina-adjust sa tuwing tataas ang suweldo para sa ranggo kung saan sila nagretiro — isang pamamaraan na tinatawag na indexation.
Ang administrasyong Marcos ay nagmumungkahi ng taunang pagsusuri sa mga rate ng pensiyon kapalit ng indexation.
4. Sino ang magkokolekta at hahawak ng mga kontribusyon sa pensiyon?
Ayon sa DOF, ang GSIS ang mamamahala at mamumuhunan sa mga nakolektang buwanang premium “upang makamit ang kinakailangang return na 85% hanggang 90% ng pensiyon sa pagreretiro.”
Magkakaroon ng oversight committee na magdedetermina kung saan i-invest ang pension fund. Ito ay bubuuin ng mga kinatawan mula sa militar at uniformed services, mga secretary of finance at budget at ng executive secretary. Magsisilbing ex-officio member ang presidente at general manager ng GSIS.
Sinabi ng DOF na ipagpapatuloy ng economic team ang mga konsultasyon sa pamamahala ng pension funds matapos magpahayag ng reservations ang ilang tauhan ng BJMP sa papel ng GSIS. Sinabi rin ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr., na pumalit kay Galvez sa DND mula noong Hunyo 5, sa kanilang pagpupulong noong Hunyo 19 tungkol sa “pangangailangan ng mga ekspertong fund manager na may mahusay na track record.”
Ang militar ay dati nang may sariling pension fund, na nag obliga sa mga sundalo na mag-ambag ng 5% ng kanilang buwanang suweldo. Pinamahalaan ito ng AFP RSBS na itinatag noong 1973 ng yumaong diktador Ferdinand Marcos Sr. Na-deactivate ang RSBS noong 2006 dahil sa pagkabangkarote bunga ng maling pamamahala at umano’y katiwalian.
5. Pagsasamahin ba ng GSIS ang mga kontribusyon sa MUP sa pensiyon ng mga civilian government worker?
Tiniyak ni GSIS Senior Vice President George Ongkeko sa mga opisyal ng PNP at Philippine Navy, na naglabas ng isyu sa magkahiwalay na konsultasyon, na walang “commingling” ng pondo sa iba pang sangay ng uniformed service branches.
Sinabi ni Deputy Treasurer Erwin Sta. Ana na gusto ng economic team ng hiwalay na accounting para sa bawat ahensya at “magkakaroon ng accounting standard na gagamitin para lang matiyak na mayroong maayos na pagtatala ng lahat ng mga pondong ito,” tinitiyak na ito ay “strictly independent” mula sa GSIS pension fund para sa mga civilian government worker.
6. Bakit mga reporma sa sistema ng pensiyon ng militar at uniformed personnel lamang ang isinusulong ng administrasyong Marcos?
Kinuwestiyon ng PMA Class of 1971 si Diokno sa pagtutok lamang sa sistema ng pensiyon ng militar at mga uniformed personnel samantalang ang mga retiradong miyembro ng judiciary, prosecution service at mga constitutional commission ang may pinakamataas na pensiyon, na may ilang lampas sa P200,000 kada buwan.
Sinabi ni Diokno, na nagsusulong ng mga reporma sa pensiyon noon pang 2013, na ang average na buwanang pensiyon sa militar ay nasa P40,000, na tatlong beses na mas mataas kaysa sa P13,600 na average na pensiyon ng civilian government workers. Mas mataas din ito ng siyam na beses sa average na pension na P4,528 ng mga pribadong empleyado sa ilalim ng SSS.
Sa mga konsultasyon sa Philippine Army at PCG, tiniyak ni Finance Undersecretary Maria Cielo Magno na susuriin ng administrasyong Marcos ang mga sistema ng pensiyon ng iba pang sangay ng gobyerno na nagtatamasa ng katulad na mga benepisyo.
Sinabihan ng PMA Class of 1971 ang economic team na kumpletuhin muna ang isang full actuarial study, at sinabing “nakaliligaw” ang P9.6 trilyong estimate ng GSIS noong 2019 para ganap na mapondohan ang pension system. Sinabi nito na nabigo ang pagsusuri na isama ang datos sa pangkalahatang mga asset ng AFP at iba pang uniformed services.
Noong Hulyo 7, sinabi ng DOF na ang isang actuarial study sa MUP pension system ng GSIS ay malapit nang ilabas, at idinagdag na ito ay “magsisilbing batayan para sa paggawa ng isang panukala na nakadepende sa datos at naaayon sa kasalukuyang kondisyon ng merkado.”
Habang pina-finetune ng gobyerno ang panukala nito, iminungkahi ng PMA Class of 1971 ang pagdaragdag ng probisyon na nagtitiyak na ang mga pensiyon ng mga retirado ay nai-index para ma-account ang inflation, at itumbas ang disability pension at maximum pension sa 90% ng base pay at longevity pay.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Presidential Communications Office, Press Briefing of Ms. Daphne Oseña-Paez with Department of Finance Secretary Benjamin Diokno, March 28, 2023
Inquirer.net, Meet set as DOF chief warns vs ‘unsustainable’ MUP pensions, May 7, 2023
Philippine News Agency, Economic managers cite factors eyed to boost gov’t fiscal space, June 15, 2023
GMA News Online, Senators want study on 5% to 9% contributions to MUP pensions, June 18, 2023
University of the Philippines Diliman official website, Military pension column by then-UP professor Benjamin Diokno, Aug. 17, 2013
Department of Finance official website, Economic team and the Armed Forces of the Philippines cap military pension consultations, agree to find policy consensus, June 22, 2023
Department of Finance official website, Economic team meets Armed Forces of the Philippines to kickoff MUP pension dialogue, May 26, 2023
Department of Finance official website, First inter-agency summit held to discuss MUP pension reform, July 6, 2023
Department of Finance official website, DOF pushes for MUP pension reforms, warns of fiscal collapse, March 28, 2023
Senate of the Philippines official YouTube channel, Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation (May 15, 2023), May 15, 2023
Department of Finance official website, BJMP welcomes econ team for consultations vital to crafting pension reform bill, June 16, 2023
Department of Finance official website, Economic team continues series of consultations on MUP pension reform, meets with Philippine Navy, June 9, 2023
Department of Finance official website, BJMP welcomes econ team for consultations vital to crafting pension reform bill, June 16, 2023
Department of Finance official website, Econ team seeks out PH Army, PH Coast Guard insights in crafting balanced MUP pension reform, June 14, 2023
Philippine National Police official website, Memorandum Circular No. 049, 2020, July 21, 2020
Official Gazette official website, Republic Act No. 10575, May 24, 2013
Official Gazette official website, Republic Act No. 9263, March 10, 2004
Philippine Coast Guard official website, Republic Act No. 9993, Feb. 12, 2010
Official Gazette official website, Republic Act No. 11939, May 17, 2023
Official Gazette official website, Republic Act No. 6975, Dec. 13, 1990
Anti-Red Tape Authority official website, JOINT MEMORANDUM CIRCULAR NO. 2 Series of 2021, accessed June 30, 2023
International Monetary Fund official website, Economic Preparedness: The Need for Fiscal Space, June 27, 2018
Former senator Panfilo Lacson official website, REFORMING THE MUP PENSION SYSTEM: A Position Paper of PMA Class of 1971, Inc., April 21, 2023
Official Gazette official website, Joint Resolution No. 1 (Congress), Jan. 1, 2018
Department of Finance official website, Econ team pays courtesy call to new Defense Secretary Teodoro Jr., discusses MUP pension fund’s governance structure, June 20, 2023
Presidential Communications Office official website, PBBM appoints Gilberto Teodoro to DND, Ted Herbosa to DOH, June 5, 2023
Armed Forces of the Philippines Retirement and Separation Benefits System official website, About Us, accessed June 30, 2023
Armed Forces of the Philippines Retirement and Separation Benefits System official website, FAQs, accessed June 30, 2023
Senate of the Philippines official website, Press Release – Jinggoy blames Palace for not saving RSBS, Oct. 5, 2006
Business World via GMA News Online, RSBS has P1B in NPLs, Oct. 8, 2006
PhilStar.com, Soldiers assured of continued benefits, pension amid RSBS closure, Oct. 8, 2006
Department of Finance official website, Key officers from the DOF, Treasury, and GSIS meet with PNP to discuss options on MUP pension reform, June 8, 2023
Department of Finance official website, Economic team continues series of consultations on MUP pension reform, meets with Philippine Navy, June 9, 2023
Department of Finance official website, Econ team improves MUP pension proposals after initial consultations, PNP talks next on agenda, June 3, 2023
Government Service Insurance System. Survivorship Pension – Government Service Insurance System, accessed July 11, 2023
Senate of the Philippines official website, Press Release – Opening Statement at the Hearing of the Committee on National Defense and Security, Peace, Unification, and Reconciliation Sen. Panfilo M. Lacson, Feb. 2, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)