Humihingi si Virgilio Pablo Cardinal David ng 10 minuto para basahin ang kanyang salaysay tungkol sa pagkamatay ng 20 -taon gulang na si Dino Angelo dela Rosa.
Lumusong kasi sa baha si Gelo para hanapin ang kanyang ama at nagkaroon siya ng leptospirosis.
Makunsyensiya naman sana yung mga nangurakot at nagbulsa ng bilyun-bilyun na nakalaan para sa flood control projects.
Ito ang salaysay ni Cardinal David sa kanyang Facebook page:
Ang Kabalintunaan ng Kawalang-Hustisya: Baha, sugal, at ang kamatayan ng isang kabataan
Isa iyon sa mga gabing ang mga kalsada ng Malabon at Navotas ay tila naging isa na sa mga ilog at dagat. Bumalik na naman ang malalakas na ulang dala ng habagat, at kasama nito ang pamilyar na takot na unti-unting pumapasok sa mga tahanan ang baha. Pero sa gabing iyon, hindi lang baha ang nawala—kundi isang ama.
Noong Martes, July 22, hindi nakauwi ang ama ng anim na anak. Sanay na ang mga bata sa baha pero hindi sa ganitong misteryosong pagkawala ng kanilang tatay. Nagsimulang mag-alala ang buong pamilya. Ang panganay, si Dion Angelo—kilala sa bahay bilang Gelo at sa mga kapwa sakristan sa Señor de Longos Mission Station bilang Dion—ay lumibot sa mga kalsada kasama ang kanyang nanay na si Jennylyn na may kapansanan (bulag ang isang mata). Nagtanong-tanong sila, lumusong sa maruming tubig-baha na abot-baywang sa ilang lugar, puno ng takot at pag-aalala.
Hindi nila alam na na-aresto pala nang walang warrant ang hinahanap na tatay ni Gelo at nakakulong dahil diumano sa paglabag sa PD 1602—pagkakasangkot daw sa illegal gambling. Naaktuhan daw siya na nakikipaglaro ng kara y krus. Ang batas na ito laban sa illegal gambling, na ipinasa noong panahon ng yumaong ama ng kasalukuyang presidente ng Pilipinas, noong 1978, ay sinasabing proteksyon daw para sa mahihirap laban sa bisyo ng sugal. Pero makalipas ang ilang dekada, walang naaresto ni isa sa mga malalaking gambling lord. Ang mahihirap lang ang biktima ng batas na ito—katulad noong panahon ng Tokhang, kung saan quota sa mga drug suspect ang naging tiket para sa promosyon.
Ito ang matinding kabalintunaan: habang kinakasuhan ang mga dukhang nagsusugal ng kara y krus, wala tayong magawa sa pinakamalaking operator ngayon ng negosyo ng sugal sa pamamagitan ng online gambling: ang gubyerno sa pamamagitan ng PAGCOR. Dati, napaka-istrikto ng gubyerno sa public accessibility ng pasugalan. Ayon sa batas, hindi pwede ang slot machines sa mga supermarket at mataong lugar. At kailangan pa ng bouncer sa mga casino para sitahin ang mga menor-de edad at mga walang katibayan na kumikita sila ng higit sa 50k kada buwan. Ngayon, may access na ang pasugalan sa bawat cellphone, pwede nang magsugal sa silid, sa jeep, sa kama, ang kahit na sino, 24/7. Pwede pa ngang umutang sa Gcash ng pansugal.
Bakit pa pag-aaksayahan ng panahon ng kapulis lan na arestuhin ang naglalaro ng kara y krus kung kahit mga bata ay pwede nang mag-sugal sa cellphone bago pa man sila matutong mag-multiply? Kung addictive ang sugal, ang pinakamalaking pusher ng adiksyon sa sugal sa kasalukuyan ay ang walang iba kundi sariling gubyerno natin sa pamamagitan ng PAGCOR—para daw kumita ang gubyerno ng pandagdag gastusing pampubliko.
Katatapos lang naming maglabas sa CBCP ng isang sulat pastoral laban sa online gambling na may pamagat na “Isang Pahayag Ukol sa Moral at Panlipunang Krisis Dahil sa Online Gambling”. Pagkaraan ng ilang araw, naglabas naman ako ng isa pang sulat pastoral para sa Diocese of Kalookan tungkol sa pagbaha at korapsyon sa public works na pinamagatang “Kapag Tumataas ang Tubig at Nalulunod ang Katotohanan”. Hindi ko alam na sa trahedyang sasapitin ng pamilya ni Gelo ay pagtatagpuin ng kapalaran ang magkatambal na problema ng korapsyon ng baha at sugal.
Si Gelo, 20 years old, isang third-year College student, ay siya sanang pag-asa ng pamilya. Tahimik, maaasahan sa pamilya, at tapat na sakristan sa simbahan. Panganay sa anim na magkakapatid, determinado sanang makatapos ng kursong HRS Human Resources Services sa Malabon City College para matulungan ang pamilya na makaahon sa kahirapan.

Pagkalipas ng 24 oras na walang balita tungkol sa kanyang ama, hinikayat ni Gelo ang kanyang ina na ipagpatuloy ang paghahanap kahit baha. Nilibot nila ang lahat ng police stations sa Caloocan, Malabon at Navotas pero walang makapagbigay ng sagot.
Kinabukasan, naghiwalay pa sila ng kanyang ina para mas marami daw silang mapuntahan at mapagtanungan. Sinamahan si Gelo ng kanyang lola sa paghahanap, at doon nga nila natagpuan ang kanyang ama sa isang Police Station sa Caloocan Parang nadurog ang kanyang puso sa nakita: sa isang munting silid sa likod ng police station kabit-kabit ang mga posas sa tatay niya at lima pang mga arestado rin. July 22 nang mawala, ipina-blotter sa lahat ng police stations (na sanay namang magpalitan ng information sa isa’t isa.) Pero July 25 na nang aminin ng kapulisan na nasa custody nila ang pinaghahanap ba ama, at nasampahan na daw ng kaso noong araw mismong iyon. Unang araw pa lang nakiusap ang ama na ipaalam ng pulis sa pamilya ang pagkakaaresto sa kanya pero hindi siya pinagbigyan. ₱30,000 daw ang bail—isang imposibleng halaga para sa pamilyang halos hindi na makasapat sa pang-araw-araw na gastusin at bayarin sa eskwela. Pati nga bayad sa bawat dalaw sa presinto mabigat sa bulsa nila.
Kaya binalik-balikan ni Gelo ang ama para dalhan ng pagkain at lakarin ang kaso. Inaraw-araw ang paglusong sa maitim na tubig-baha hanggang magsimulang lagnatin nang Sabado ng gabi. Humingi pa ng paumanhin sa ina nang umaga na ng Linggo na hindi siya masamahan nito sa presinto dahil masakit ang katawan. At ibig pang magpasabi na hindi rin muna siya makakapag-serve sa Misang Linggo sa bagong simbahan ng Longos Mission Station.
Sinabihan siya ng nanay niya na uminom ng paracetamol at magpahinga muna. Nang gabing iyon bukod sa nilalagnat, nanginginig na rin siya. Pero ang ipinag-aalala pa rin niya ay ang kanyang ama, at kung paano makahabap ng pambayad sa piyansa. Na-trauma pa ang tatlong taong gulang na bunsong kapatid niya dahil siya ang unang nakatuklas kalaunan na wala na palang buhay ang kanyang Kuya Gelo. Linggo ng gabi, July 27 nang pumanaw ang binatang naging haligi ng pag-asa ng pamilya. Ang dahilan: leptospirosis, isang sakit na dala ng ihi ng daga sa maruming baha na nilusong niya sa paghahanap sa kanyang ama na inaresto diumano dahil sa kara y krus.
Isang sigaw na umaabot sa langit
Abot-abot ang paghihinagpis ng ama nang mabalitaan mula sa presinto ang pagkamatay ni Gelo. Kahit anong pag-alalay ng misis, sarili pa rin ang sinisisi. Pakiwari ba niya, pinabayaan na sila ng Diyos. Ni hindi alam kung ano ang gagawin para makapagbayad ng piyansa para makauwi, para maipagluksa at maipalibing ang panganay niyang anak.
Samantala, ang asawa niyang may kapansanan (bulag ang isang mata)—at ang lima pang nakababatang anak ang nagbantay sa burol na literal na nasa kalsada, dahil wala silang pambayad sa komersyal na memorial chapels para sa burol kay Gelo.
Paano ito nangyari? Paano mawawala ang buhay ng isang kabataan dahil sa sunod-sunod na dagok ng kapalaran? At ano bang magagawa nila kundi ang patuloy na lumusong sa baha kung sira pa rin ang flood control gate sa kabila ng bagong buhos na namang 281 milyong piso para ma-repair ito?
Sa kabilang banda, patuloy na kumokota ang kapulisan sa pag-aresto sa bisa ng lumang batas laban sa sugal na ginagamit ngayon na pambully sa mahihirap habang tahimik na winawasak naman ng talamak na online gambling ang mga pamilya. Paano tayo nasanay sa ganitong kultura ng pang-aabuso ng kapangyarihan ng ilang mga alagad ng batas na halos ginawa nang normal na kalakaran ang pag-aresto nang walang warrant, pati ang panghihikayat na aminin na lang sa korte ang paratang para daw ma-abswelto at isanlibong piso lang daw naman ang penalty. Kaysa nga naman manatili sa kulungan at magpabalik-kalik sa husgado at magbayad pa ng abugado. Naisip ko: ilang libo katao ang umaamin sa hindi nagawang kasalanan dahil walang kalaban-laban sa batas? Ano na ang nangyari sa prinsipyong pinasikat ng yumaong presidente Magsaysay “Those who have less in life should have more in law.”?
Ang walang katuturang kamatayan ni Gelo ay isang talinghaga ng ating panahon. Ang kanyang kwento ay sumisigaw sa langit—at sa ating lahat. Isinisigaw ang tanong: ilang Gelo pa ba ang kailangang mamatay bago natin harapin ang mga sistemikong kawalang-hustisya na hindi lang kumikitil ng kabuhayan kundi ng mismong buhay ng ating mga kababayan?
Pag-asa at paninindigan
Bilang Simbahan, hindi tayo pwedeng pumikit. Hindi tayo pwedeng basta malungkot lang at makipagluksa sa burol. Kailangan nating maging tinig ng mga taong tinabunan na ng kahirapan, binalewala ng mga institusyon, at pinatahimik ng takot.
Hindi magiging walang saysay ang buhay at kamatayan ni Gelo. Panandaliang nakalabas ang ama ni Gelo dahil sa perang pampiyansa galing sa nagmagandang-loob; pero haharap pa rin siya sa kaso. Kanino tatakbo ang mga katulad nila? Paano mabubuhay nang malaya upang maghanapbuhay at mapakain ang lima pang mga kapatid ni Gelo? Sino ang magmamalasakit sa dignidad ng kanyang pamilya, at kikilos para sa ikapagbabago ng sistemang pang-hustisya na matagal nang hinihintay ng ating bayan, lalo na ng mga dukha? Hindi tayo kahahabagan ng langit hangga’t hindi bumuhos ang hustisya na parang ilog na dumadaloy at ang katuwiran na parang umaagos na sapa (Amos 5:24).
Sa ngayon, ipagdasal natin ang pamilya. Pero ipagdasal din natin ang ating sarili—bilang Kristiyano at bilang mamamayan—para matigil ang pagtaas ng pagbaha ng kawalang-katarungan at para wala nang kabataan na katulad ni Gelo ang mapagkaitan ng kinabukasan dahil sa kabalintunaan ng sistemang nagpaparusa sa mahihirap at pumoprotekta sa mga makapangyarihan.