Skip to content
post thumbnail

Ang Senado bilang bellwether ng klima ng pampublikong opinyon

Ang salitang bellwether ay "nagpapakita kung ano ang maaaring pangkalahatang hinaharap ng mga pagbabago o mga pangyayari."

By Segundo E. Romero, Jr.

Sep 17, 2017

-minute read

Share This Article

:

(Basahin sa English intong artikulo dito.)

Ang salitang bellwether ay “nagpapakita kung ano ang maaaring pangkalahatang hinaharap ng mga pagbabago o mga pangyayari.”

Saan nagmula ang salitang ito? Sabi ni Merriam-Webster “Karaniwan nating iniisip ang mga tupa bilang mga tagasunod kaysa mga lider, ngunit sa isang kawan, isang tupa ay kailangan manguna sa daan. … Ang hayop na ito ay tinawag na bellwether, isang salita na nabuo sa kumbinasyon ng mga salita sa Middle English na belle ( ibig sabihin “kampanilya”) at wether (na tumutukoy sa isang lalaking tupa na kinapon).”

Ipapakita ng artikulong ito kung bakit ang Senado ng Pilipinas ay isang bellwether ng klima ng pampublikong damdamin sa Pilipinas.

Nagkainitian sina Sen. Richard Gordon, chairman nge Blue
Ribbon Committee, at Sen. Antonio
Trillanes IV hearing ng smuggling ng 604
kilos ng shabu. Litrato galing sa ABS-CBN online.

Ang mga senador ay kabilang sa pinakalantad sa publiko na mga opisyal ng gobyerno. Sila rin ang pinaka-sensitibo, dahil inihahalal sila sa buong bansa, humihiling na mahalal muli, o nais lamang na mag-iwan ng isang mabangong pangalan kapag wala na sila. Ang ilan ay naglalayong maging Pangulo, gamit ang Senado bilang entablado. Samakatuwid, sila ang mga mabuting indikasyon ng klima ng opinyon ng publiko. Dito gumagalaw sina Senador Gordon at Senador Trillanes. Sa sandaling ito, ipinakikita nila sa mga tao ang mga pangunahing personalidad na nag-uudyok sa mga tao na pumili ng kapalit ng kanilang mga pinahahalagahan, saloobin, at opinyon.

Ikaw ba ay para kay Gordon, o ikaw ba ay para kay Trillanes?

Kung ikaw ay para kay Gordon, ikaw ay isang panatiko ni Duterte. Hindi ito ang pampublikong pagtukoy kay Gordon. Ito ang pagtukoy ni Gordon sa kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang mga pinipili at pagkilos. Siya ay isang epektibo at makulay na kampeon ng kagustuhan ni Duterte. Dapat maintindihan na ito ay isang bagay para manatiling ligtas sa pulitika. Si Gordon ay nasa pulitika mula pa noong 1968 nang tumakbo siya bilang konsehal ng unibersidad sa halalan ng UP Student. Siya ang pinakabatang miyembro ng 1971 Constitutional Convention. Siya ay alkalde tulad ni Duterte at nagsilbi bilang senador. Tumakbo siya para sa panguluhan, ngunit natalo noong 2010. Gustung-gusto ni Gordon na maging Pangulo ng Pilipinas mula pa noong panahon ng kanyang ama, na noo’y Mayor ng Olongapo, na pinaslang. Si Gordon ay madaling makabawi na pangkaraniwan sa mga nagsusulputang pulitiko.

Walang alinlangan, alam ni Gordon na ang kahusayan na ito sa sining at kakayahan sa pakikipagtunggali sa pulitika ay mahalaga sa isang alkalde na naging Pangulo tulad ni Duterte. Inalok niya ang kanyang mga kasanayan at karanasan para tulungan na palakasin ang pampulitikang makinarya ni Duterte. Mabilis siyang humarap sa unahan. Tumulong siya bugbugin si Leila de Lima at ipakulong ito. Mahusay siyang nakapagmaniobra sa paligid ng mga pampulitikang pasabog na dala nina Matobato at Lascañas, sinasala ang mga tinik at pinahintulutan lamang ang mga rosas sa mga testimonya at pagdinig.

Masyadong umasa si Gordon sa kanyang napapansing malakas na persona at galing sa debate. Maaari niyang ginamit ang kanyang impluwensya upang makatulong na magbigay ng magandang dahilan sa mga polisiya ni Duterte. Lalo na’t mukhang hindi na siya magkakaroon ng oras, pampublikong suporta, o pagkakataon na maging Pangulo pagkatapos ni Duterte.

Gayunpaman, sa nakalipas na taon, naging malinaw na malinaw sa mga manonood ng mga pagdinig sa Senado na pinapatakbo niya ang mga ito bilang isang one-man show – sinasarili ang mga pagdinig, nagsasaeditoryal upang kulayan ang pagpapahalaga ng palabas, subalit walang galang na binabara ang ibang mga senador na sumasalungat sa kanya. Madalas siyang magpatawa, ngunit ito ay nagpapatingkad lamang ng pagkawala sa lugar ng pagdinig.

Kung ikaw ay para kay Trillanes, ikaw ay isang “dilawan” (makapartidong dilaw). Ito ay nakakatawa, sa kabila na si Trillanes ay hindi naman nabibilang sa Liberal Party. Ngunit ang mga panatiko ni Duterte ay walang kamalayan na idinidikit sa dilawan o dilaw ang lahat ng mga Pilipino na sumasalungat kay Duterte at sa kanyang giyera laban sa droga at kanyang pagpapahinahon sa China. Kaya’t sila ay umisip at binigyan ng pangalan ang isang puwersang pampulitika bago pa ito umiral. Ngayon ang mga kontra-Duterte ay nagbabago ng pag-iisip, at kumportable nang ipinapahayag sa publiko na sila ay dilawan. Tila si Trillanes ngayon ang kampeon ng mga dilawan, kinikilala man niya ito o hindi.

Ang kagandahan ng Senado ay isa itong kolektibong grupo na may talaga namang nagsasariling mga miyembro. Maaaring maobserbahan ito bilang isang kolektibong yunit, o bilang isang pagsasama ng mga indibidwal na yunit. Dahil dito, ang Senado ang bellwether ng lipunang Pilipino. Hindi ito palaging mahusay na sukatan, ngunit kung may sapat na panahon, inilalarawan nito ang damdamin ng buong sambayanang Pilipino.

Ang Senado bilang bellwether ay totoo rin sa mga taong nasa labas nito.

Binabati ni Senate President Aquilino Pimentel III, kanan, si Minority Leader Sen. Francis Pangilinan. Litrato kuha ni Cesar Tomambo ng Senate Media Office.

Hindi maaaring kumilos ang isang tao na tila simpleng tagabukid at magpasasa sa kapangyarihan at karangalan ng kolektibong grupo tulad ng Senado. Ang ginagawang pagpapahalaga at pagbibigay ng karapatan sa sarili ni Pacquiao sa Senado ay isang hindi katanggap-tanggap na salamin ng kanyang reputasyon bilang “pambansang kamao” na, sa ilang panahon, ay bumighani sa publikong Pilipino.

Ang pampublikong suporta kay Pacquiao ay unti-unting humihina habang siya’y nakatitikim ng serye ng mga pagkatalo, ang pinaka-kahanga-hanga laban kay Marquez at Mayweather. Kamakailan lamang, umabot na sa sukdulan. Ayaw ng mga tao sa mga talunan, katulad na lang ng pagkatalo ni Pacquiao kay Horn. Maliwanag na naiintindihan ng tao na hindi siya ginulangan; hindi niya ginawa ang kanyang trabaho at talagang naghanda para sa laban. Nakapag-aalinlangan kung kaya pa ni Pacquiao ang rematch kay Horn. Nauunawaan ng mga tao kapag sila ay binigo. At ang pagbabago ng damdaming ito ay nakikita sa pananaw ng publiko sa trabaho ni Pacquiao sa Senado. Habang siya ay nakikialam, lalo niyang ginagawang isang payaso ang sarili.

May mas matatag na pinagmumulan ng liwanag na sinasalamin si Vicente Sotto – ang kanyang patuloy na pag-host ng isang popular na palabas sa telebisyon. Gayunpaman, ito ay sinusundan ng pinakamahihirap sa mahihirap, at hindi kinakagat ng AB at C. Kapag bumibitaw siya ng mga tila hindi nakasasakit na pahayag tulad ng “naano lang” na tumutukoy sa mga inang hindi kasal, inaatake siya ng publiko. Kaya si Sotto ay wais na di gaano nakikialam sa mga mahahalagang isyu sa mga pagdinig sa Senado – kaunting salita, kaunti ang pagkakamali.

Sa pagdinig ng Senado na nagtatampok kay Polong Duterte, dalawang ulit na nakakahiyang ipinakita ni Gordon ang kanyang pangangailangan ng pagsang-ayon nang pabiro niyang sinabi na minamahal niya si Sotto sa tuwing nagdedesisyon ito bilang chair sa kanyang mga panukala. Tila mga naulilia ng mundo ang dalawa kung magtuksuhan.

At walang anumang nagpapahiwatig ng pagbabago ng klima ng pampublikong opinyon nang higit pa sa pag-aaway nina Senador Richard Gordon at Antonio Trillanes. Sa pagdinig ng Senado kahapon, sinubukan ni Gordon na ihatid ang utos ng pagdinig sa Senado, na matalinong sinang-ayunan ni Trillanes, bilang tuluy-tuloy na paggalang sa chair. Ngunit sa mas malaking entablado ng pampublikong opinyon, habang ang buong bansa ay nanonood, si Trillanes ang nakitaan ng magandang pagganap. Bilang isang kahalili ng kanyang ama sa mata ng publiko, si Paolo Duterte (at Mans Carpio), ay madaling napaikot sa mga kamay ni Trillanes. Naipasok ni Trillanes bilang katibayan sa pampublikong opinyon ang pag-ayaw ni Paolo Duterte na ipakita ang kanyang tato, na sinabi ni Trillanes sa publiko, ay magpapatunay kung si Paolo ay miyembro ng Chinese Triad o hindi. Anong uri ng di-katibayan iyon? Huwag na natin isipin – nakuha nito ang imahinasyon ng mga tao. Ang mga tao ngayon ay gustong gusto makita ang tato tulad ng kanilang inaasahan na susunod na ganap na eklipse ng araw.

Ang problema kay Duterte at kanyang mga tagasuporta ay wala silang eksaktong pagtantya kung gaano kalaki ang kanilang pampulitikang kapital. Sila ay biktima ng kanilang sariling propaganda, na binabanggit ang 16 milyon na boto bilang isang permanenteng imprastraktura kaysa sa isang madaliang pagsasama-sama ng suporta sa isang pagkakataon. Bukod sa ito ay karaniwang mahirap alamin ang dami, kanilang pinakikialaman pa ang mga libro – sinasalaula ang klima ng pampublikong opinyon sa pamamagitan ng kanilang mga tropa sa social media. Ang isa ay hindi maaaring sabay na maging thermometer (isang instrumento na sumusukat ng temperatura) ng pampublikong opinyon at thermostat (isang intrumento na nagpapalamig ng isang lugar)

Ang Nazi Germany ay natalo rin sa giyera sa Russia noong World War II sapagkat sinubukan nitong lamunin ang napakaraming teritoryo, ikinalat ang mga linya ng suplay nito at mga pwersa na naging masyadong manipis. Ito rin ang nangyayari kay Duterte. Nagtagumpay siya sa pagbaluktot at paggamit sa Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan bilang instrumento ng kanyang kagustuhan. Sinisikap niyang itapon ang bise-presidente sa kawalang-halaga, sinusubukan niyang pahinain ang Ombudsman at ang Commission on Human Rights. Sinusubukan niyang mapawalang-bisa ang Korte Suprema. Pinapayagan din niya ang kanyang mga kaalyado na lumikha ng kaguluhan sa Commission on Elections.

Malayo na ang narating niya, hindi alam ang kanyang mga limitasyon. Inatake niya ang prinsipyo ng desentralisasyon, isang pangunahing haligi ng pamamahala sa Pilipinas pagkatapos ni Marcos. Siya ay determinadong magsagawa ng mala-lindol na pagbabagong pulitikal na walang intelektwal at pilosopikal na lakas para magpatupad ng pagbabago ng saligang batas – aalisin ang mga halalan sa barangay at kukunin ang kapangyarihan na magtalaga ng lahat ng kapitan ng barangay.

Sa pagsisimula ng giyera sa lahat ng mga larangan, pilit na inaabot ni Duterte ang hindi kayang abutin ng kanyang sarili, nananawagan ng kapital na pampulitika na maaaring wala naman. Ang bahagyang pahiwatig ng pagkawala ng kapangyarihan ay maaaring maging senyas para sa lahat ng mga pwersang kontra-Duterte na bumuo at magpalakas ng puwersa na maaaring mabilis na sumira sa kapangyarihan ni Duterte. Ito ay lilikha ng mapanganib na bakanteng puwesto ng kapangyarihan, dahil ang militar ay hindi naman laging walang interes na tagamasid kapag napabagsak na ng pangkat ng mga lobo ang leon.

Sinayang ni Duterte ang kanyang pampulitikang kapital. Sa paglilimita ng mga itinatalagang opisyal sa kanyang limitadong grupo ng pamilya, mga kaklase, mga kamag-anak, at mga kaibigan, inilayo niya ang mga patriotikong Pilipino na nais na maglingkod sa pamahalaan biiang propesyonal. Ang maliit na pansamantalang suporta niya mula sa propesyonal na burukrasya ay nawala sa kanyang paghirang, paggamit at pagtapon sa kanila Mike Sueno, Gina Lopez, Judy Taguiwalo, at Rafael Mariano.

Pres. Duterte sa kanyang pangalawang State-of-the-Nation address. Litrato kuha ni Rene Lumauag ng Malacañang Media

Office.

Matapos mahalal si Duterte na Pangulo nakikita ko pa rin sa aking isipan ang noo’y Senador Pia Cayetano na buong pagmamalaking sinasabi sa telebisyon kung paano ang sistematikong tatanggapin ng Duterte administrasyon at sasalain ang mga nominasyon para sa mga posisyon sa gobyerno. Siya ay nabigla at biglang natahimik nang ang mga itinalaga, isa-isa, ay dumating sa pinaka-impormal na pangyayari. Inalok si Gina Lopez ng posisyon na Secretary of the Environment sa unang pagkakataon na nagkita sila ni Duterte. Si Jose David Lapuz, isa sa mga dating propesor ni Duterte, ay “hinirang” bago pa man ang posisyon ay mabakante.

Ang pampulitikal na balance sheet ay napasama nang hindi kinakailangan dahil si Pangulong Duterte ay nasisiyahan sa pagsasahimpapawid ng mga banta at pagmamalaki. Ang kanyang hamon sa mga Maute na pumunta at atakihin ang Marawi ay maaari o hindi maaaring dahilan, ngunit ginawa ito ng mga Maute, na nagiging sanhi ng pagkakamali ng bansa sa Marawi, isang hindi nasuri nang husto na pagsuka ng dugo na uubos ng pambansang yaman, socio-cultural goodwill, at pampulitikang kapital para sa mga darating na taon.

Ang pagbagsak ni Duterte ay darating tulad ng pagsabog ng isang bula, o isang saranggola na bumagsak mula sa kalangitan dahil sa kakulangan ng hangin. Si Duterte ay puro opensa na walang kapani-paniwala depensa. Masyado siyang sumasandal sa institusyon – “ang tropa na hindi kayang bumaril ng diretso ” – ang Philippine National Police. May labis na pag asa sa ilusyon ng katalinuhan, patutsada sa polisiya, at mga tagapagtaguyod na sipsip kaysa sa mga propesyonal. Sapagkat inalis niya ang kanyang mga radar na nagpaparamdam kapag masakit, hindi niya ito makikita.

Para sa publiko, maaaring magkaroon sila ng pag-unawa kung papaano magpapatuloy ang palabas patungo sa bingit ng bangin sa pamamagitan ng pagpanood sa mga Senador at sa Senado. Sa napakaraming mga bagyo na dumadaan sa atin sa anyo ng mga reklamong impeachment at mga pampublikong pagdinig sa mga krimen at mga iskandalo sa korapsyon, ang Senado ay magkakaroon ng sapat na butil na gigilingin. Ito ang institusyon ng bellwether, ang pampublikong talaan ng iskor ng mga opinyon. Kahit sa ilalim ni Duterte, ang mga tao ay mananatiling termostat, nagpapasya sa klima ng pampublikong opinyon.

(Ang may-akda, si Dr. Segundo Joaquin E. Romero, Jr, ay Professorial Lecturer Development Studies Program ng Ateneo de Manila University)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.