Skip to content
post thumbnail

Corona’s statement on the Senate’s decision

FULL text of Chief Justice Renato Corona's statement on the Senate's decision to convict him

By verafiles

May 29, 2012

-minute read

Share This Article

:

Lubos kong ikinalulungkot ang naging pasiya ng Senate Impeachment Court.  Bilang Punong Mahistrado, buong tapang at talino kong hinarap ang hamon ng impeachment at sumailalim ako sa proseso na alinsunod sa Saligang Batas, umaasang makakamit ang hustisyang aking hinanap ng mahigit limang buwan.

Hindi kaila sa akin na gagamitin ng Pangulo ang buong puwersa ng gobyerno, kasama na ang mga ahensiyang dapat sana ay malayang nagpapasiya – ang Kamara, ang BIR, ang LRA, ang AMLC, ang Ombudsman, at iba pa.  Hindi rin kaila sa akin na gagamit ng kabang-yaman para sa mapanira at mapang-aping media campaign, sa radyo, telebisyon at dyaryo, laban sa akin at sa aking pamilya.  Lahat po ito ay tinanggap ko, alang-alang sa kasarinlan ng Hudikatura, upang maitaguyod ang kalayaang magpasiya ng mga hukuman, na isang napakahalagang sangkap ng ating demokrasya.

Ngunit nanaig ang masamang pulitika.  Wala po akong sala.  Wala pong katotohanan ang mga bintang sa akin na nakapaloob sa Articles of Impeachment.  Malinis po ang konsyensiya ko.  Ngunit isang malungkot na katotohanang pulitikal na minsan ang tingin ng nakararami na nangyari, ay hindi naaayon sa tunay na mga naganap.  Lalo na kapag hawak ng iisang tao o pangkat ang buong makinarya ng pamahalaan, at maging ang media na rin, at gamitin ang mga ito upang gumawa ng huwad na dokumento at maglathala ng mapanlinlang na impormasiyon at balita upang manira ng kalaban.  Ang lagi nga pong katanungan ay, “Kung malakas ang kaso, bakit kailangan mag-imbento?”

Ang ating bansa ay matagal nang ginambala ng impeachment na ito.  At ngayong gabi, inaanyayahan ko kayong talikuran ang naging sentro ng palabas na ito nitong nakaraang limang buwan, upang buuin ang hiblang nagkawatak-watak, at ibaling muli ang ating pansin sa lahat ng mga pagsubok at pangako ng Pilipinas sa susunod na siglo. 

Ihinto na po natin ang pulitika ng personal na paninira.  Supilin na po natin ang lason na dulot ng labis na kampi-kampihan, labis na pagkakawatak-watak, at hindi mapigilang poot at galit.  Hindi po ito ang nararapat para sa ating bayan.  Hindi po ito ang buod ng bansang Pilipinas.  Panahon na upang isulong ang ating buhay bilang isang bansa.

Tayong lahat ay may mga mahalagang tungkuling dapat tugunan – tunay na mga pagkakataong kailangang samantalahing maabot, totoong mga suliraning kailangang lutasin, at tunay na mga usaping dapat harapin.

Taos-puso po akong nagpapasalamat sa iilang Senador, sina Senador Joker Arroyo, Senadora Miriam Defensor Santiago at Senador Bongbong Marcos na may matatag na kaloobang manindigan sa kabila ng matinding puwersa upang ipaglaban ang kasarinlan ng Hudikatura at ang aking mga karapatan na malinaw na nakasaad sa ating Saligang-Batas.

Nagpapasalamat din po ako sa mga napakarami nating mga kababayan na nagparating ng kanilang pakiki-isa sa amin sa Kataastaasang Hukuman, sa akin, at sa aking pamilya.  Kasabay nito, ako po ay humihingi ng paumanhin sa aking maybahay, mga anak at apo, sapagkat sa aking pagtatanggol sa kasarinlan ng Hudikatura ay nailagay ko sila sa kalbaryong hindi naman nila kinailangang maranasan.  Pati na rin po sa mga tumulong at sumuporta sa akin, humihingi rin po ako sa inyo ng paumanhin, sapagkat hindi naging sapat ang aking kakayahan upang magtagumpay sa hangarin nating pairalin ang katotohanan.

Kung ito po ang ikabubuti ng ating bayan, tinatanggap ko na po ang kalbaryong aming pinagdaanan.  Dahil sa simula’t sapul naman, ay handa na akong mag-alay ng sariling buhay para sa bayan.  Kung kaya, ipinapaubaya ko na po sa ating Poong Maykapal at sa taong bayan na higit na makapangyarihan sa ating demokrasya ang aking kinabukasan at ang kinabukasan ng ating Hudikatura.

Maraming salamat po.

The Medical City, Pasig City.  Ika-29-ng Mayo, 2012.

RENATO C. CORONA

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.