Skip to content
post thumbnail

Duterte, mga kaalyado umani ng pinakamaraming benepisyo sa pagkakalat ng maling impormasyon

Isang pagtatasa ng mga pekeng balita na dokumentado ng VERA Files Fact Check, ay nagpapakita na sa mahabang bahagi ng 2018, patung-patong na mapanlinlang na nilalaman ang lumabas sa halos magkakaparehong mga paraan sa buong social media.

By Jake Soriano

Jan 3, 2019

-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

MANILA – Sa huling bahagi ng Agosto 2018, isang video clip na nagpapakita ng pitong kalalakihan, pawang mga nasa bente anyos, naninigarilyo ng damo ang umikot sa social media sa Pilipinas.

Ito ay naging viral, ngunit hindi dahil ang paninigarilyo ng marijuana ay ilegal sa ilalim ng Dangerous Drugs Act ng bansa. Ang nagtulak ng paglaganap nito sa pamamagitan ng social media ay kung paano ang mga kalalakihan humihitit ng damo na tahasang tinutuya si Pangulo Rodrigo Duterte, na kilala sa kanyang matinding paghihigpit sa mga iligal na droga sa bansang ito ng 105 milyong katao sa Timog-silangang Asya.

Mula 2016, ang pamahalaan ni Duterte ay naglunsad ng madugong giyera laban sa droga na, sa sariling mga pagtatantya ng pulisya, ay nakapatay ng mahigit 4,800 katao hanggang Agosto 31 sa taong ito. Ang mga kabataang lalaki na nakunan sa video clip ay tila walang pakialam. Walang hiya, o batong-bato, sila ay tumatawa sa isang punto at nanawagan para sa legalisasyon ng marijuana.

Ilang araw pagkatapos na-post ang video sa Facebook, isang web page na tinawag ang sarili na Online Balita ay naglathala ng isang pekeng ulat na ang humihiyaw na headline ay nagpahayag na ang isang senador ng oposisyon, si Ana Theresa ‘Risa’ Hontiveros, ay ipinagtanggol ang pitong mga gumagamit ng marijuana at sinabi na wala silang ginawang mali.

Hinimok din ng pekeng ulat ang mga gumagamit ng social media, nakasulat lahat ng mga malalaking titik, na panoorin ang umano’y patunay sa Youtube video clip. Ngunit, sa pag-tsek, ang clip na ito ay hindi nagpapatunay sa sinabi umano ni Hontiveros. Sa halip, ito ay naglalaman ng isang tampered na thumbnail na basta na lamang pinagsama-sama ang magkahiwalay na mga litrato ni Hontiveros at mga kabataang lalaki, at nagdagdag pa ng pekeng quote card.

Kasunod nito, ibinahagi ng isang network na mga pahina sa Facebook ang pekeng ulat tungkol kay Hontiveros at ginawa itong viral, sumakay sa daluyong ng pampublikong emosyon na natigatig ng tunay na video clip ng mga gumagamit ng damo, ipinakikita ng analytics mula sa online tool na CrowdTangle.


Ipinakikita ng halimbawang ito kung paano ang disimpormasyon sa online sa Pilipinas.

Sa likod nito ang mainit na sitwasyong pampulitika sa Pilipinas – at ang malalim, kadalasang emosyonal at nag-aalab na dibisyon sa pagitan ng mga sumusuporta kay Pangulong Duterte at mga laban sa kanya mula pa noong manalo siya sa pampanguluhang eleksyon noong 2016.

‘Patient zero’ ng modernong disimpormasyon ng panahon

Ang totoo, ang giyera sa online ay may malaking papel sa kuwento ng pag-akyat sa kapangyarihan ni Duterte. Sa katunayan, ang 73-taong-gulang na pinuno ay tinawag na “patient zero” ng modernong disimpormasyon ng panahon.

“Bago natuklasan ng mundo ang Cambridge Analytica at mga troll ng Russia (para ilihis ang pampublikong damdamin), nariyan na ang pampanguluhan kampanya ni Rodrigo Duterte sa Pilipinas,” sinulat ni Jonathan Corpus Ong ng University of Massachusetts Amherst sa isang artikulo ng Agosto para sa AsiaGlobalOnline.

Ang Pangulo, sabi ni Ong, ay nakinabang mula sa isang mahusay na kampanya sa social media “na itinuturing ng marami ngayon bilang isang tagapagbabala ng mga taktika at mga pambihirang pangyayari na huli nang mabigyan ng pandaigdigang pansin.”

Ang online disinformation sa Pilipinas, lalo na ang paggamit nito sa makapartidong pampulitikang aktibidad, ay lumago lamang nang husto pagkatapos ng 2016. Sa katunayan, ang kagustuhan ng mga Pilipino sa Facebook ay makikita sa katotohanan na ang bansa ay mayroong 67 milyong aktibong gumagamit ng platform ng social media. Kaya ang mga Pilipino ang ika-6 na pinakamalaking pangkat ng mga gumagamit ng Facebook sa mundo, ayon sa Global Digital Report 2018 na ginawa ng marketing group na We Are Social na nakabase sa London.

Isang pagtatasa ng mga pekeng mga ulat ng balita na kinilala at dokumentado ng VERA Files Fact Check, isang proyekto ng pagtukoy sa katotohanan na pinapatakbo ng online na non-profit na organisasyon ng media VERA Files, ay nagpapakita na sa mahabang bahagi ng 2018, patung-patong na mapanlinlang na nilalaman ang lumabas sa halos magkakaparehong mga paraan sa buong social media.

Ang mga ito ay halos palaging malinaw na pampulitika, halos palaging inaatake ang mga kritiko ng administrasyong Duterte o nagsusulong o sumusuporta sa Pangulo o sa kanyang mga patakaran, ipinakikita ng pagtatasa ng VERA Files Fact Check sa mga ulat na fake news.

Ang mga ito ay halos palaging nakasandal sa mga mapanlinlang na diskarte na hindi maayos ang pagpapatupad ngunit epektibo sa pagsusulsol para makakuha ng matinding emosyon na nagpapatibay sa malalim na mga ugat ng pagkiling. Halimbawa, ang fake news tungkol kay Hontiveros ay popular sa mga grupo na kritikal sa senador at sumusuporta kay Duterte.

Tinukoy at pinasinungalingan ng VERA Files Fact Check ang 193 na post sa online mula Abril hanggang Oktubre 2018, pagkatapos maging bahagi ang organisasyon ng programang third-party fact-checking ng Facebook.

Binigyan ng sertipiko ng International Fact-Checking Network sa Poynter Institute na nakabase sa US, ang VERA Files ay isa sa tatlong ka-partner sa fact-checking ng Facebook sa Pilipinas. Ang Facebook ay nakikipagtulungan sa mga fact-checking group at mga organisasyon ng media sa may 24 na bansa upang mapalakas ang kakayahang labanan ang disimpormasyon online.

Tiyak, mayroong higit sa 193 na mapanlinlang na mga post sa online sa loob ng anim na buwan na binanggit na panahon, ngunit ang mga bagay na pinasinungalingan ng VERA Files ay sakop ang karamihan, kung hindi man lahat, ng pinaka-viral at naabot ang pinakamaraming bilang ng mga gumagamit online.

Ang mga padron na tinukoy ng VERA Files mula sa mga post na ito ay nagbibigay ng matibay na larawan ng disimpormasyon sa online sa Pilipinas.

Ang disimpormasyon sa online ay halos tungkol sa pulitika

Ang disimpormasyon sa online ay halos tungkol sa pulitika: walo sa 10 mapanlinlang na mga post ay tungkol sa mga isyu sa pulitika o mga personalidad, habang ang mga nagbubuyo sa iba ay alinman sa ekonomiya o hindi maliwanag. Bukod pa rito, anim sa 10 ay inaatake ang mga partikular na indibidwal o grupo, halos palaging mga kritikal sa administrasyong Duterte.

Sa hanay ng mga post na pinasinungalingan ng VERA Files Fact Check, si Vice President Maria Leonor ‘Leni’ Robredo, miyembro ng oposisyong Liberal Party na minsan ay kritikal sa Pangulo, pati na rin paksa ng mga patutsada ni Duterte, ang pinaka karaniwang paksa ng negatibong coverage ng hindi bababa sa 27 pekeng, hindi totoo o nakaliligaw na mga ulat. Sumusunod sa Hontiveros na may 14.

Sabi ni Robredo, hindi siya nagugulat. “Nakaharap na kami sa mga pag-atake laban sa akin at sa aking tanggapan sa pagsisimula pa lamang ng aking termino,” sinabi niya sa VERA Files sa isang email message. “Ito ay hindi na bago at sa katunayan, pagkatapos ng higit dalawang taon, halos nakakatawa na isipin kung gaano ang naipuhunan sa mga kampanya ng maling impormasyon, na walang ipinakikita para sa kanilang tagumpay,” dagdag ng Bise Presidente.

Sa kanyang bahagi, sinabi ni Hontiveros na ang mga biktima ng fake news ay hindi lamang ang kanilang mga target kundi ang katotohanan mismo. “Nakalulungkot na ang social media ay masyadong ginagamit bilang armas,” tinukoy niya. “Isang mahirap na trabaho na nga ang alamin ang lahat ng impormasyon na magagamit natin sa online kahit na walang mga tao na sinusubukang isubo sa atin ang maling impormasyon.”

“Isang bagay gumawa ng mga paminsan-minsang pagkakamali kaugnay ng katotohanan, at iba naman ang sinasadyang iligaw ang publiko alang-alang sa isang adyenda,” dagdag ni Hontiveros. “Nakita natin ito sa paglaganap ng mapoot na talumpati, marahas na retorika sa online, at ang pinaka-matinding anyo nito, potensyal na panggugulo sa mga halalan.”


Duterte umaani ng mga benepisyong pampulitika mula sa disimpormasyon

Ang mga opisyal ng administrasyon, pati na ang pangulo mismo, ay hindi protektado mula sa pagiging mga target ng disimpormasyon.

Noong Setyembre, isang website na tinawag na Taxial na nag-post ng isang nakaliligaw na kuwento na nagsabing ang mga auditor ng estado ay nababahala sa “pagpapanatili” ng administrasyong Duterte ng malaking bahagi ng mga pondong tulong mula sa mga dayuhan. Ang kwento, na pinaglaruan ang hindi malinaw sa salitang ‘pagpapanatili’ sa kontekstong ito, ay binaluktot ang tunay na ulat na ginawa ng GMA News Online na wala naman ang nasabing pahayag.

Noong Hunyo, ang dating pinuno ng pulisya na si Ronald Dela Rosa ay nakaladkad sa isang huwad na ulat tungkol sa isang sinasabing sex video niya at kanya umanong kulasisi.

Ang mga pribadong kumpanya tulad ng Nestle at Globe ay na-target din ng disimpormasyon, ang motibo na lumilitaw ay mas pang-ekonomiya kaysa pampulitika, sa karera para makuha ang pinakamaraming bilang ng mga gumagamit na mag-click sa mga naturang ulat at ma-paulanan ng mga patalastas sa online.

Ngunit ang mga uri ng disimpormasyon na ito ay malayo sa dami kumpara sa mga may layuning umani ng suporta, ipagtanggol o itaguyod si Duterte mismo o ang kanyang mga patakaran. Higit sa sinumang pampulitika personalidad, siya ay ang humahakot ng pampulitika ‘benepisyo’ mula sa mga kwento ng disimpormasyon.

Ang mga karaniwang ‘linya ng kuwento’ ng fake news na umiikot sa mga social media ay nagtatampok ng mga iba-ibang mga gawa-gawang mga ulat tulad ng mga nagsasabing si Duterte ay pinangalanang pinakamahusay na presidente sa mundo o sa sanlibutan, o na ang ilang mga kilalang tanyag na tao tulad ng Amerikanang artista na si Angelina Jolie ay may pinuri siya at ang mga patakaran ng kanyang pamahalaan.

Ang dating senador na si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at ang kanyang ama, ang namayapang diktador Ferdinand Marcos, ay sumusunod kay Duterte sa listahan ng mga politikal na personalidad na pinakapopular na benepisyaryo ng disimpormasyon sa online.

Ngunit may higit pang nag-uugnay kay Duterte at Marcos sa disimpormasyon kaysa sa kung gaano pumapabor sa kanila ang nilalaman ng disimpormasyon sa online, o pagsalungat sa kanilang mga kritiko. Ang disimpormasyon sa online ay kumakalat sa pamamagitan ng isang network ng magkakaugnay na web at karamihan sa mga pahina ng Facebook, ang huli na gumagawa ng trapiko para sa una.

Ang mga pahinang ito ay may dalawang kilala at minsan ay magkakaugnay na mga tampok: alinman sa mga ito ay nagdadala ng mga pangalan na Duterte o Marcos, o nagpapanggap na lehitimong pinagkukunan ng balita sa pamamagitan ng paggamit ng mga salita tulad ng “media” o iba pang mga kasingkahulugan para sa “balita” o sa katumbas nito sa Filipino na ‘balita’.

Hindi sumagot si Marcos Jr. sa mga kahilingan na ma-interbyu ng Vera Files para sa kuwentong ito.

‘Dapat sila magalit na ang kanilang mga pangalan ay nakakaladkad’

Ang usapin ng pangalan ng Pangulo na lumilitaw sa mga online na pahina na nagkakalat ng disimpormasyon ay naungkat sa isang pagdinig noong Oktubre 2017 ng isang komite ng Senado kaugnay ng isang panukalang-batas na naghahangad na parusahan ang “fake news.”

Habang tinawag niya ang fake news na “pampagulo,” itinanggi ni presidential communications undersecretary Joel Sy Egco ang pakikilahok ng Malacanang sa produksyon at pamamahagi nito. Madali na gumawa ng isang web page at isunod ang pangalan nito sa sinuman at kapag nahuli, tanggalin at gumawa ng panibago, sinabi niya sa komite.

Noong Oktubre, inihayag ng Facebook na tinanggal nito ang 95 na pahina at 39 na mga account sa Pilipinas dahil sa paglabag sa mga patakaran ng spam at pagiging tunay na platform ng social media.

Hindi ibinigay ng Facebook ang buong listahan ng mga ipinagbabawal na pahina at mga account ngunit nabanggit ang mga web page na karaniwang nagdadala ng pangalan ng Pangulo, kabilang ang Duterte Media, Duterte sa Pagbabago BUKAS, DDS, Duterte Phenomenon at DU30 Trending News. Ang ilan sa 4.8 milyong gumagamit ng Facebook ay sumunod sa hindi bababa sa isa sa mga pahina na tinanggal, idinagdag ang kumpanya.

Nang ang isang tagapagsalita ng Pangulo, si Salvador Panelo, ay tinanong sa isang media briefing kung ito ay nagpapakita ng uri ng mga tagasuporta ni Duterte, sumagot siya: “Hindi naman.”

“Ang Facebook ay dapat magkaroon ng sariling mga patakaran at regulasyon. Kung ito ay ipinapatupad nila, iyon ang kanilang sariling tuntunin,” sabi ni Panelo.

“Kung ang pag-aalala ay wala nang mga paraan (para sa mga tagasuporta ng Pangulo sa social media), maraming mga paraan,” dagdag ni Panelo. “Mayroon tayong Twitter, Instagram at marami pang iba kung saan maaaring ipahayag ng mga tagapagtaguyod ang kanilang sarili bilang sumusuporta sa administrasyong ito.”

Hontiveros ay tahasan sa kanyang tugon nang tanungin ang tungkol sa mga pahina na nagkakalat ng disimpormasyon na dala ang mga pangalan ng alinman sa kanila Duterte o Marcos.

“Hindi natin dapat kalimutan na ang isa sa mga bagay na magkapareho sina Pangulo Duterte at Ferdinand Marcos ay ang likas na kasinungalingan,” sabi niya. “Ang namayapang diktador ay nagpeke ng kanyang katauhan bilang isang bayani ng digmaan at ngayon ay sinisikap na baguhin nina Bongbong Marcos at dating Senador (Juan Ponce) Enrile ang kasaysayan sa pamamagitan ng pagsisinungaling tungkol sa mga kalupitan ng batas militar/martial law, at ang kanilang sariling paglahok sa kasindak-sindak na panahon ng ating nakaraan,” dagdag ni Hontiveros.

Si Enrile, na naghahangad ng isa pang termino bilang senador sa halalan ng Mayo 2019, ay ang defense minister ng rehimeng Marcos at naging isa sa mga lider ng sibilyang pag-aalsa na ‘People Power’ na humantong sa pagpapatalsik kay Marcos sa kapangyarihan noong 1986.

Si Robredo, na tumalo kay Marcos Jr. sa 2016 vice presidential race ngunit nahaharap sa isang protesta sa halalan mula sa kanya, ay nagsabi na mapanganib na madali makumbinsi ang mga tagasuporta nina Duterte at Marcos sa pamamagitan ng disimpormasyon — “at mas mapanganib pa kung ang mga tagasuportang ito ang aktwal mga pinagkukunan nito. ”

“Dapat supilin nina Pangulo at Mr. Marcos ang naturang mga pahina at grupo,” sabi ni Robredo. “Kung sila ay para sa katotohanan, dapat silang magalit na ang kanilang mga pangalan ay kinakaladkad sa mga kampanya ng maling impormasyon na nagsisikap na iligaw ang sambayanang Pilipino.”

Peke, mali, nakalilito

Ang ilang estratehiya ng panlilinlang ay kursunada kaysa sa iba, at ang mga tagapaghatid ng disimpormasyon sa online ay paulit-ulit na umaasa sa tatlong malalawakang diskarte: pag-peke ng impormasyon, paglilito ng mga mambabasa at paggawa ng maling pahayag.

Sa itsura nito, ang mga pagkakakilanlan sa tatlong mga pamamaraan na ito ay tila nagtuturo ng mali, kung hindi walang saysay, na gawain; lahat ng ito ay “fake news” naman. Ngunit ang mga pagkakaiba ay maaaring kapaki-pakinabang sa pagpapasinungaling ng disimpormasyon at sa pagpapaalam sa mga gumagamit ng online tungkol sa mga kasuklam-suklam na epekto nito.

Ang isang sangay ng sikolohikal na pananaliksik na tinatawag na teoryang inokulasyon, na humiram mula sa lohika ng pagbabakuna, ay nagpapahiwatig na kung ano ang nagpapawalang-bisa sa mga epekto ng disimpormasyon ay higit pa sa simpleng pagliliwanag kung paano ang isang pahayag ay mali, at kailangang isama ang isang paliwanag ng mga diskarte sa panlilinlang at estratehiya sa likod ang maling kwento.

“Higit pa sa pagbibigay ng maling impormasyon sa mga tao, ang maling impormasyon ay may mas mapanira at mapanganib na impluwensiya,” sulat ni John Cook, isang research assistant professor sa George Mason University na nakabase sa Estados Unidos, sa isang artikulo para sa website na The Conversation.

Kapag ang mga tao ay pinakitaan lamang ng mga katotohanan at “fake news” na magkatabi, ang pansin ni Cook, ang mga piraso ng impormasyon ay nababale-wala ng bawat isa at hindi nagbabago ang mga paniwala ng mga tao. “May isang pagsabog ng init na sinundan ng kawalan. Ito ay nagpapakita ng tusong paraan na ang maling impormasyon ay nakapipinsala. Ito ay hindi lamang nagbibigay ng maling impormasyon. Pinipigilan nito ang mga taong naniniwala sa katotohanan,” dagdag niya.

Ang mag-iiwas sa mga tao mula sa mga epekto ng maling impormasyon ay ang paglalantad sa kanila sa mga maliit na dosis ng maling impormasyon, katulad ng mga bakuna.

“Ang pag gamit ng higit pang agham at mga tao ay hindi ang kabuuang sagot sa pagtanggi sa agham,” isinulat ni Cook. “Lumalabas na ang susi upang itigil ang pagtanggi sa agham ay ang paglantad sa mga tao sa isang maliit na piraso ng pagtanggi sa agham.”

Ang mga pagkakakilanlan sa pagitan ng mga pekeng, hindi totoo at mapanlinlang na mga ulat ay maaaring makita bilang mga hanay sa antas ng pagiging totoo, sa isang malawak na hanay ng mga uri.

Ang pekeng kuwento tungkol kay Sen. Hontiveros na nagtatanggol sa mga kabataang lalaki na humihitit ng damo ay isang tahasang pamemeke. Kabilang sa tatlong uri ng fake news, ito ang pinakamalayo sa mapapatunayan na katotohanan: ang thumbnail ng video ay gawa-gawa gamit ang isang software sa pag-edit, ang nakasaad na sipi ay gawa-gawa, at walang lehitimong media na nag ulat na pinrotektahan ng senador ang pitong kabataang lalaki.

Ang mga ulat na gumawa ng mga maling pahayag ay nasa gitna at kumpara sa mga peke, ay mas malapit na nakaugnay ng ilang tunay na pangyayari, kahit na hindi pa sinusuportahan ng katotohanan.

Noong Mayo, isang website na tinawag na RESURGENT PH, nung mga panahon na ang isyu ng pag-amyenda sa istraktura ng gobyerno ng Pilipinas ang malaking balita, ang naglabas ng maling pahayag na isang survey ng Pulse Asia, isang malayang ahensya na gumagawa ng survey, ay nagpakita na mas maraming Pilipino ang bukas sa pederalismo.

Para suportahan ang pahayag nito, minanipula ng website ang mga numero ng survey sa pamamagitan ng pagdaragdag ng bilang sa mga pabor sa pederalismo kumpara sa mga sumasalungat ngunit sinabi nilang maaari silang maging bukas sa pagbabago sa hinaharap.

Ito ay salungat sa sariling pagtatasa ng Pulse Asia sa datos ng survey nito, na nagsasabi na nagpapakita ito ng umiiral na pampublikong kuru-kuro na “isa sa kumokontra sa pagpapalit ng kasalukuyang unitary na sistema ng gobyerno sa isang pederal (na sistema).”

Ang maling ulat ay maaaring umabot sa 14.9 milyong katao sa social media, ipinakikita ng pagtatasa ng Crowd Tangle, na ang trapiko sa web na nabuo sa pamamagitan ng mga kilalang pro-Duterte Facebook na mga personalidad na Thinking Pinoy, For the Motherland-Sass Rogando Sasot at Mocha Uson Blog.

Ang huling pro-Duterte espasyon sa online ay pinapatakbo ni dating presidential communications assistant secretary Margaux Esther ‘Mocha’ Uson, na nagbitiw sa puwesto noong Oktubre bilang paghahanda sa pagtakbo sa party-list na eleksyon sa susunod na taon para sa House of Representatives.

Ang mga nakaliligaw na ulat ay mas malapit sa mga katotohanan, ang kanilang mga pagbabaluktot at manipulasyon ay mas hindi halata kaysa sa mga peke at maling pahayag.

Noong Hunyo, iniligaw ng isang website na tinawag na TRENDING TOPICS TODAY ang mga mambabasa sa pamamagitan ng paglathala ng isang kuwento na nagsasabing naisampa na ang mga kaso ng pandarambong laban kay dating pangulong Benigno Aquino III at ng maraming iba pang opisyal ng gobyerno dahil sa pagpapadala umano ng mga bara ng ginto na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong dolyar sa Thailand.

Tunay ngang may kaso ng pandarambong, ngunit ito ay isinampa higit isang taon na ang nakakaraan, isang bagay na hindi binanggit ng nakaliligaw na ulat. Bukod dito, ang kaso ay batay sa isang dokumento na natukoy at tinawag ng Central Bank of the Philippines na “palsipikado.”

Pag-aayos ng user pool sa pamamagitan ng media literacy

Ang mga istratehiya ng panlilinlang na ito ay hindi eksklusibo, at ginagamit sa iba’t ibang mga kumbinasyon ng mga tagalikha ng mga kampanyang disimpormasyon.

Ang pag-alam sa mga kategoryang ito ay nakakatulong sa mga propesyonal na mga fact-checker na iiwas ang mga mambabasa sa disimpormasyon sa pamamagitan ng paglalantad sa mga ito sa mga paraan ng disimpormasyon. Higit pa rito, tinutulungan nila ang mga mambabasa na bumuo ng sariling mga kasanayan sa fact-checking.

Halimbawa, ang mga gumagamit sa online na gustong malaman kung ang isang litrato sa kanilang feed sa social media ay peke, o kung ang isang thumbnail ng video ay na-manipula, ay kailangang gumamit ng mga paraan tulad ng reverse image searching. Ang mga taong naghihinala na nakakita sila ng mga hindi totoong balita sa online o nakapanliligaw ay kailangan alamin kung ang mga ito ay tama sa pamamagitan ng pagpunta sa, at pagrepaso, ng pangunahing pinagmumulan ng impormasyon.

Ang pagbibigay ng kahandaan sa mga gumagamit sa mga kasanayang ito ay napakahalaga sa pakikipaglaban sa disimpormasyon, sabi ni Ming Kuok Lim, tagapayo sa komunikasyon at impormasyon sa tanggapan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) sa Jakarta.

“Ang mga bagay katulad ng kung paano patunayan kung ang isang litrato ay totoo, kung paano patunayan kung ang impormasyong ito ay nalathala, kapag ito ay nalathala umano, mga diskarte upang suriin kung ang metadata ay tumutugma sa aktwal na petsa, Google reverse search, at pag-aaral na maging kritikal sa pagitan at pagbabasa sa pagitan ng mga linya “ay naging pangunahing kasanayan sa paggamit ng internet at social media,” sinabi ni Lim sa isang panayam.

“Maaari nating ayusin ang user pool sa pamamagitan ng mas maraming edukasyon sa kaalaman,” dagdag niya.

Noong Setyembre, inilathala ng UNESCO ang isang handbook para sa edukasyon at pagsasanay sa journalism upang matugunan ang disimpormasyon sa online.

Mga video sa online pinaka-popular na pinagkukunan ng disimpormasyon

Tunay na ang kakayahang alamin ang pagiging tunay ng mga video ay tila isang mahalaga, kung hindi man kinakailangang, kasanayan, dahil higit sa kalahati ng disimpormasyon na umikot online mula Abril hanggang Oktubre 2018 ay nasa nasabing format.

Ang mga pamamaraan na ginagamit upang pakialaman ang mga video ay mula sa makabago hanggang sa hilaw, ipinakikita ng pagtatasa ng VERA Files.

Ang ilang mga post ay naglalaman ng mga clip na umano’y aktwal na mga ulat ng balita, nagkukunwaring mapagkakatiwalaan sa pamamagitan ng pagdadala ng mga logo ng balita at nagtatampok ng mga boses na nagkukwento na mula sa computer.

Ang iba ay umaasa sa mga clickbait na mga headline na nagpapahayag na isang bagay na kagimbal-gimbal o mahalaga ang matatagpuan kung ang gumagamit ay manonood ng kaukulang video, at pagkatapos ay ihahatag ang mga hindi pa na edit na oras-ang-haba na clip o mga hindi maayos ang pagkakadugtong na mga clip na hindi nagpapatunay ng mga pahayag.

Ang mga clip na ito ay kadalasang nagtatampok ng mga taong nagagalit sa isang isyu sa pulitika o sa iba pa. Ang isang paulit-ulit na personalidad ganitong klase ay ang tagasuporta ni Duterte na tinatawag na Dante Maravillas, na sinasabing isang reporter para sa, at may-ari ng, Tarabangan Albay News Television.

Madalas mag post si Maravillas ng mga video ng kanyang sarili na nagkokomento tungkol sa kasalukuyang mga isyu sa pulitika, at ang kanyang mga pananaw ay paulit-ulit na binabaluktot at pinalalabas na totoo sa pamamagitan ng mga hindi totoong ulat, o pinagdugtong kasama ang iba pang mga clip.

Lumilitaw din na si Maravillas ang paboritong pinagkukunan ng nilalaman na ginagamit ng isang channel sa YouTube na tinatawag na TOKHANG TV, na kumuha ng pangalan nito sa katutubong wika para sa kampanya ng Philippine National Police laban sa mga iligal na droga.

Ang mga video ng TOKHANG TV ay kilala namang pinagkukunan ng materyal para sa maraming mga website na nagbabahagi ng mapanlinlang na nilalaman. Sa katunayan, ginamit ang mga ito sa higit sa 20 peke, hindi totoo o nakaliligaw na mga post mula Abril hanggang Oktubre 2018, ang panahon ng pagtatasa ng Vera Files.

Ang kasikatan ng mga video sa YouTube sa paggawa ng disimpormasyon sa online ay hindi isang sorpresa.

Pagkatapos ng mga video na na-upload sa Youtube, ang pangalawang pinakapopular na pinagmumulan ng materyal na ginamit sa disimpormasyon ay ang mga minanipulang mga ulat mula sa walang iba kundi mainstream media sa Pilipinas.

Noong Setyembre, ang website ng Balita Online ay naglathala ng isang maling kuwento na nagsasabing ang grupo ng mga sundalong Magdalo na pinangungunahan ni Sen. Antonio Trillanes IV, na naglunsad ng mga pag-aalsa noong 2003 at 2007, ay naghahanda para sa isa pang kudeta.

Ang post ay may 10 minutong clip, na kinuha mula sa halos dalawang oras na video clip sa Facebook Live ng Duterte promoter na si Maravillas, ngunit hindi nagbigay ng suporta sa pahayag laban sa mga umano’y nagpaplano ng kudeta. Ang thumbnail ng video ay minanipula, pinagdugtong-dugtong ang mga lumang mga litrato mula sa mga banyagang wire agency na Associated Press at Agence France-Presse.

Mga 1.8 milyong mga gumagamit ng social media ay maaaring nakakita ang maling ulat sa kanilang mga feed, ayon sa pagtatasa ng CrowdTangle.

Ang katotohanan ay hindi gaano nakakukuha ng emosyonal na tugon, di gaya ng ‘fake news’

Ang disimpormasyon ay isang pampulitikang ehersisyo, sabi ni Aries Arugay, isang propesor sa political science sa University of the Philippines. Ang katotohanan na ang karamihan nito ay nangyayari sa online, lalo na sa Facebook, ay hindi nangangahulugan na ang mga epekto nito ay limitado lamang sa mga gumagamit ng social media.

“May epektong mapaalun-alon,” ipinaliwanag ni Arugay, na nagsabing may ilang “mistisismo” sa paligid ng disimpormasyon kahit na para sa mga hindi aktibo sa social media, ngunit nakarinig ng ganito mula sa iba. “Tulad ito ng aking ama. Sa tuwing naririnig ko siya sabihin ‘Oh, narinig ko na ito ay nasa Facebook. Kaya dapat totoo ito.’ Sa isang paraan, may kaunting mistisismo at nag-aambag sa fake news,” sabi niya.

Kinukumpirma ng kampo ni Duterte na ang paggamit nito ng mga estratehiya sa social media para sa kampanya ng pampanguluhan noong 2016 ay naiba siya mula sa kanyang mga kalaban. Binigyan ng mga ito ng kanyang grupo sa halalan ng medyo mas murang paraan sa pagkuha ng mga boto sa isang bansa kung saan ang mga kampanya ay nakasalalay nang malaki sa kakayahang maglunsad ng mga rali sa arkipelago ng 7,100 isla at maglagay ng mga mamahaling pampulitikang patalastas sa iba’t ibang media.

“Ginamit namin ang social media dahil wala kaming pera,” sabi ni Nic Gabunada, na nanguna sa kampanya ng social media ni Duterte, sa Vera Files sa isang naunang pakikipanayam.

“Alam kong may mga pagkukulang,” sabi ni Gabunada bilang tugon sa mga akusasyon ng pang-aabuso sa online at pang-aapi na naganap sa panahon ng eleksyon noong 2016. “Dahil ito ay isang kilusan, hindi mo makokontrol ang lahat.”

Ang proactive na diskarte sa social media ay nagtagumpay. Nangakong papatayin ang mga naglalako ng drug dealers at mga kriminal, si Duterte ay nanalo ng pampanguluhan ng may higit sa 16.6 milyong mga boto, nalampasan ang pinakamalapit na karibal ng higit sa 6 milyong boto. Ngunit sa mga taon mula nang tagumpay na iyon, ang mga kampanya sa social media sa paligid ng Pangulo ay hindi nanghina — at sa katunayan ay nagbagong-anyo sa isang tuluy-tuloy na alon na nagtatanggol at nagtataguyod sa kanya sa mga espasyo sa social media.

Sinabi ni Arugay na ang patuloy na presensya at aktibidad ng mga social media network na sumusuporta sa administrasyon kahit na matapos ang halalan ay maaaring nangangahulugan na ang kanilang pagiging kapaki-pakinabang ay hindi lamang sa pagkuha ng mga boto. “Ang magiging gobyerno ay hindi lamang nagsisikap na makakuha ng mga boto – sinisikap nilang lumikha ng grupo na susuporta sa kanila,” sabi ni Arugay.

And, Arugay added, it appears once people have been roped into this constituency, online disinformation only fuels more of the same support such that “it’s path-dependent, there is no turning back.”

At, idinagdag ni Arugay, lumilitaw na sa sandaling ang mga tao ay nakuha sa grupong ito, ang disimpormasyon sa online ay nagbibigay lamang ng higit pang init sa parehong suporta tulad na “ito ay tungo sa isang direksyon, walang atrasan.”

“Ang katotohanan ay hindi talaga nakakukuha ng labis na emosyonal na tugon,” sabi niya. “Ang ‘fake news’ talaga ang nagsasalin sa pagyeyelo ng mga linya ng pulitika, na sinasalin (sa) bias sa pagpili, dahil ang fake news ay palaging nagpapahiwatig ng emosyonal na tugon – galit, silakbo ng damdamin, suporta, panatismo.”

Ipinaliwanag ni Arugay: “Ang pagpapakilos ng pulitika ay madalas na dala ng walang katwiran na mga pagsasaalang-alang na higit sa may katwiran.”

(Ang artikulong ito ay ginawa sa ilalim ng Southeast Asian Press Alliance 2018 Journalism Fellowship Program, na suportado ng isang grant mula sa Office of the United Nations High Commissioner for Human Rights.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.