May Facebook post na nagsasabing bawal sa mga airport sa Pilipinas ang pasalubong na mga chocolate. Hindi ito totoo.
Noong July 2 ay in-email ng VERA Files ang Manila International Airport Authority. Ayon sa kanilang Customer Relations Center: “There is no instance that chocolates are not allowed/permitted for air travel.” (Walang pagkakataong bawal ang mga chocolate sa biyahe sa eroplano.)
Hindi rin kasama ang chocolate sa mga bawal dalhin, ayon sa Office of Transportation Security.
Ang picture ng maletang puno ng iba’t ibang chocolate ay may caption na: “Sorry pinas bawal na pala ang pasalubong sbi sa Airport?kaloka !!! Anu kaya gusto nila ibigay sa taga airport ung mga chocolate namin?? only in the Pelepenss???”
Sa memorandum ng Bureau of Customs at Food and Drug Administration, hangga’t hindi lumalagpas sa limitadong bigat, pinapayagan ang pagdadala ng mga:
- Pagkain: 10 kilo
- Over-the-counter drug: 50 gramo
- Vitamin at supplement: 500 gramo
- Gamit ng bata: 5 kilo
- Laruan: 10 piraso
- Pabango: 5 bote
- Sabon: 2 kilo
- Shampoo: 2 kilo
- Lotion: 2 kilo
- Lipstick: 10 piraso
- Iba pang make up: 1 kilo
- Alak: 2 bote o 1.5 litro
“Kaka uwi ko lang puro chocolates at kung ano ano pasalubong ko Wala nmang problema,” comment ng isang netizen. Tinawag din ng iba ang post bilang “fake news”.
Ang post na ini-upload ng Facebook page na Soon.com ay may higit 1,590 reactions, 505 comments at 1,180 comments.