May Facebook video na pinagmumukhang sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos na dapat lang na binitay ang isang overseas Filipino worker sa Saudi Arabia. Hindi ito totoo.
Unang ini-upload noong April 29 ang video kung saan tila sinabi ni BBM and sumusunod: “[The] hanging was actually deserved”. (Nararapat lang ang pagbitay.)
Ang karugtong ng sinabi niya ay pinalabo ng sound effect ng pagkagulat:
BBM to the OFW executed in KSA
“the judgement of hanging was actually deserved!” -PBBM”
(Nararapat lang ang hatol ng pagbitay sa OFW sa Saudi, sabi ni BBM.)
Ang video ay kinuha sa episode ng UNTV: Hataw Balita Ngayon noong Oct. 9, 2024, kung saan pinaliwanag niyang siniguro ng gobyerno ng Saudi na makatarungan ang pagbitay.
Ang video ay pinakalat ulit noong June 27, pagtapos batikusin ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte ang administrasyong Marcos sa kawalan ng kongkretong mga plano at aksyon para sa mga OFW sa Middle East na naapektuhan ng digmaan ng Israel at Iran.
Sa totoong video, pinaliwanag ni BBM na ginawa ng gobyerno ang lahat para maligtas ang OFW:
“We tried everything, and for many many years. And the Saudi government really tried to look and to be sure that the judgement of hanging was actually deserved.
Nonetheless, we appealed to the better nature of our friends in Saudi Arabia to perhaps have another look and they did. Unfortunately, the law there is very strict.
Apparently, the conviction has stood and one of ours has been taken away.”
(Sinubukan namin ang lahat sa napakaraming taon. At siniguro ng gobyerno ng Saudi na makatarungan ang pagbitay. Pero nakiusap pa rin kami sa kanila na tingnan ulit ang kaso, at tiningnan naman nila ulit. Pero sobrang higpit ng batas nila. Kaya hindi nagbago ang hatol nila, at nalaman na lang nating binitay na pala ang kababayan natin.)
Ayon sa Philippine Embassy sa Saudi, tinuloy ang pagbitay nang hindi sinasabi sa gobyerno ng Pilipinas o pamilya ng OFW, bilang pagsunod sa batas ng Saudi.
Hinatulan ng kamatayan ang OFW dahil sa pagpatay sa isang Arabo dahil sa away sa pera noong 2020.
Pinaliwanag ng Department of Foreign Affairs na inatake ng Arabo ang OFW sa sarili nitong bahay, kaya prinotektahan lang nito ang sarili.
Ang video ay may lagpas 376,000 views, 860 reactions, 1,200 comments at shares.