Skip to content
post thumbnail

FACT CHECK: HINDI tatanggalin ang senior high sa 2026

WHAT WAS CLAIMED

Tatanggalin na ang K to 12 o senior high school sa 2026 ayon sa CHED.

OUR VERDICT

Peke:

Ang K to 12 ay pinamumunuan ng Department of Education, na walang kahit anong announcement tungkol sa pagtatanggal ng senior high. Itinanggi rin ng CHED na galing sa kanila ang post.

By VERA Files

Aug 27, 2025

3-minute read

Translate

ifcn badge

Share This Article

:

May Facebook post na nagsasabing ayon daw sa Commission on Higher Education ay tatanggalin na ang K to 12 o senior high school sa 2026. Peke ito.

Ang K to 12 ay pinamumunuan ng Department of Education, na walang kahit anong announcement tungkol sa pagtatanggal ng senior high. Itinanggi rin ng CHED na galing sa kanila ang post.

Ito ang post naini-upload noong Aug. 6 na may logo pa ng CHED:

“CHED Announcement

DAHIL bigo na MABIGYAN ng trabaho ang mga nakapag tapos ng K12, Wala ng K12 o Senior High sa 2026. Basahin sa Post ang details”

Hinikayat din sa caption na i-share ang post para malaman ng iba.

Kinumpirma ng CHED sa email nila sa VERA Files na hindi galing sa kanila at hindi totoo ang post.

“Please also be informed that matters relating to K12 are under the jurisdiction of DepEd and not of our agency. We believe that the creator of this unofficial post does not know the difference between the two agencies and used the logo of the Commission in an attempt to make their post look authentic,” ayon sa CHED.

(Ang mga usapin tungkol sa K to 12 ay nasa pamumuno ng DepEd at hindi ng CHED. Tingin namin ay hindi alam ng nag-post ang pinagkaiba ng DepEd at CHED, at ginamit lang ang logo ng CHED para magmukhang totoo ang post.)

Hindi tatanggalin sa 2026 ang senior high school sa ilalim ng K to 12 program. Walang opisyal na anunsyo tungkol dito. Ang post ay naglalaman ng link tungo sa isang online shopping site.

“Still, we highly encourage that citizens practice caution when consuming and believing such media as, again, these are not officially posted by the involved government agencies.”

(Hinihikayat pa rin namin ang mga kababayan natin na mag-ingat sa paggamit at paniniwala sa mga pekeng post na ganito dahil, inuulit namin, ang mga ito ay hindi galing sa mga ahensiya ng gobyerno.)

Bago nagpasukan ngayong taon, may mga pekeng post din tungkol sa pagtatanggal ng kinder at Grade 11, na pinasinungalingan din ng DepEd.

Noong June 2 ay nagsampa ng panukala si Senador Jinggoy Estrada para tanggalin ang senior high dahil pumalya raw ito sa pag-abot ng mga layunin nito. Nakabinbin pa rin ang panukala sa unang pagbasa ng Senado, ayon sa kanilang website.

Ang pekeng post ay may link sa e-commerce website, na karaniwang budol ng mga pekeng page para mag-promote ng online products.

Ang post ay ini-upload ng FB page na Educational News and Updates (ginawa noong Aug. 1) at may lagpas 500 engagements.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.