Skip to content
post thumbnail

FACT CHECK: HINDI tatanggalin ang senior high school sa susunod na taon

Isang larawan ang kumakalat online na nagsasabing opisyal nang inanunsyo ng Department of Education ang pagtanggal sa Grades 11 at 12 simula sa school year 2026–2027. Peke ito.

By VERA Files

Nov 14, 2025

2-minute read
ifcn badgemeta badge

Share This Article

:

Marami na namang Facebook post ang nagsasabing tatanggalin daw ang senior high school simula sa susunod na school year 2026-2027. Peke ito.

Kailangan ng bagong batas para ipawalang-bisa ang RA 10533 ng 2013 o ang pagtatag sa K-12 curriculum na may dalawang taon ng senior high pagtapos ng apat na taon ng junior high. Ilang beses nang inilinaw ng Department of Education na hindi totoo ang kumakalat na impormasyon na tatanggalin ang senior high sa basic education curriculum.

Ini-upload noong Nov. 10 ang post na ginagamit ang logo ng DepEd at may nakasulat na:

“ANNOUNCEMENT NO GRADE 11 & 12 SCHOOL YEAR 2026-2027.

STARTING JUNE 2026. SEVERAL SCHOOLS ALREADY IMPLEMENTED TO ABOLISH K-12 FOR SY:2026-2027″

(Wala nang Grades 11 at 12 sa 2026-2027. Magsisimula sa pasukan sa susunod na taon. Marami nang paaralan ang nagtanggal ng K-12.)

Marami pang ibang page ang nagpakalat ng pekeng post sa iba’t ibang Facebook group.

Noong Nov. 11 ay pinasinungalingan ng DepEd ang kumakalat na post: “Fake news ang kumakalat na post sa social media tungkol sa umano’y pagtanggal ng Grade 11 at 12 para sa SY 2026-2027. Muling pinaaalalahanan ng DepEd ang publiko na mag-ingat at maging mapanuri sa mga impormasyong nababasa online.”

Inuudyok ng DepEd ang publiko na i-report ang mga page na nagpapakalat ng maling impormasyon, at kumuha ng verified announcements sa official social media accounts ng DepEd.

Karamihan sa mga post ay may mga link sa listahan daw ng mga paaralang nagtanggal ng senior high. Pero ang mga link ay papunta talaga sa online shopping platforms.

Noong June 5 ay nagsampa si Sen. Jinggoy Estrada ng panukalang tanggalin ang senior high dahil, simula noong 2013, “it still has not fully achieved its goal” (hindi pa rin nito naaabot ang layunin nito) na magbunga ng mga estudyanteng marurunong at handang magtrabaho. Wala pang aksiyon ang Kongreso sa panukala.

Napasinungalingan na ng VERA Files ang iba pang pekeng impormasyon tungkol sa pagtatanggal ng K-12. (BASAHIN: HINDI tatanggalin ang senior high sa 2026.)

At least limang post na ini-upload ng Facebook pages na Homeofwonders, Metro Headlines, Today’s News at sa dalawang Facebook group ang may pinagsamang lagpas 960 shares, 450 reactions at 170 comments.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.