Skip to content

Try

post thumbnail

FACT CHECK: Lumang video ni Mayor Sotto in-EDIT ng AI, pinagmukhang nag-eendorso siya ng sugal

Isang “sponsored” advertisement sa Facebook ang nagsasabing nag-e-enderso umano at nanghihikayat si Pasig City Mayor Vico Sotto na subukan ang ilang online gambling platform. Peke ito.

By VERA Files

Nov 14, 2025

2-minute read
ifcn badgemeta badge

Share This Article

:

May “sponsored” advertisement sa Facebook na pinagmumukhang ine-engganyo raw ni Pasig Mayor Vico Sotto ang publiko na subukan ang mga app na pansugal. Peke ito.

Ang boses sa video ay ginawa gamit ang AI (artificial intelligence). Nilinaw ni Vico na peke ang video, at binalaan niya ang publiko laban sa mga video na ginawa ng AI para mag-endorso ng mga panloloko.

Sa video na ini-upload noong October, pinagmumukhang sinasabi ito ni Vico:

“Mga kaibigan, ako si Vico Sotto. Gusto ko lang kayong paalalahanan: Tigilan na natin ang mga fake slot apps. Kamakailan, nirekomenda ng [Cybercrime Investigation and Coordinating Center] sa MetaCity ang halos 20 influencer para sa aksyon dahil nagpo-promote sila ng mga pekeng online gambling platform na kumikita habang nalulugi ang mga kababayan natin. Marami rin hindi nakapag-cashout ng panalo.

Kaya kung gusto mong maglaro ng legit at safe, subukan mo ang game sa link sa baba. Licensed, secure, may mataas na bonus, garantisadong cashout via GCash at win rate na hanggang 78%. Pero tandaan: laging maglaro ng responsable.

Madali lang kumita ng 10,000 pesos kada araw kung may diskarte. Try mo na ngayon.”

Noong Nov. 6 ay isa pang Facebook page ang dalawang beses ini-upload ang pekeng video, na mayroon namang Chinese translation.

Ayon sa deepfake detection ng Aurigin.ai ay 70% ng boses sa video ay ginawa ng AI, at 99.9% naman ang na-detect ng Hive Moderation.

May mga palatandaang ginamitan ng AI ang video:
• Hindi natural at hindi sumasabay sa boses ang paggalaw ng “bibig” ni Vico.
• Mali ang bigkas sa “nalulugi”.

Ang pekeng video ay galing sa totoong video na ini-upload ni Vico noong July 12 sa Facebook at TikTok, kung saan binanggit niya ang mga nagawa sa unang linggo ng pangatlong termino niya bilang mayor ng Pasig. Wala siyang binanggit na kahit ano tungkol sa sugal.

Noong Nov. 4 ay nilinaw ni Vico na hindi siya nag-eendorso ng “anything, especially not these scams” (kahit ano, lalo na ang ganitong mga panloloko).

Ang mga link sa caption ng pekeng video ay papunta sa mga unverified website na nang-eengganyong i-download ang gambling apps daw na JILIX_Game at Bingo8.com. Wala ang dalawang ito sa listahan ng gaming brands o administrators na rehistrado sa PAGCOR (Philippine Amusement and Gaming Corp).

Ini-upload ng mga Facebook page na Katie Patrick Adelman (ginawa noong Aug. 14, 2023) at Dough Frank (Aug. 28, 2025) ang tatlong kopya ng video na may pinagsamang 14,825 engagements. Ang unang page ay may address sa Vietnam at may admin sa Hong Kong, at ang pangalawa naman ay may address sa Amerika.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.