May ipinakakalat na YouTube video ang nagsasabing si “Baste” Duterte ay tinanggal sa pagka-mayor ng Davao. Hindi ito totoo.
Ini-upload noong June 12, ang video ay may pamagat na:
“KAKAPASOK LANG Grabe ang Nangyare sa Davao Mayor Baste Duterte Tanggal na DiLg Abalos BBM Liza Tamba”
At may thumbnail na:
“TANGGAL SA PWESTO
TINAPOS SI MAYOR BASTE FPRRD NA-IYAK
SINIBAK SI BASTE”
Walang ebidensiyang ipinakita ang video para patunayan ang sinasabi ng pamagat at thumbnail. Sa halip ay binaggit lang ng video ang pagtanggal sa mga pulis ng Davao dahil sa nakabinbing imbestigasyon sa mga pagpatay ng drug war.
Ang usap-usapan sa pagtatanggal daw kay Mayor Baste ay pinalaki ni Harry Roque, ang tagapagsalita ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Pero ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, ang usap-usapan ay base sa chismis at walang katotohanan.
Ayon sa Chapter 4, Section 60 ng Local Government Code, ang ibinotong lokal na opisyal ay puwedeng disiplinahin, suspendihin o tanggalin dahil sa pagtatraydor sa Pilipinas, pagpapabaya sa trabaho o pag-aabuso sa posisyon, sa pamamagitan ng utos ng tamang korte. Walang kasalukuyang kasong nagpapatanggal kay Mayor Baste.
Ang video ay ipinakalat mahigit isang linggo pagtapos tanggalin ang 37 empleyado ng Davao dahil sa paggamit daw ng ipinagbabawal na gamot. Dahil dito, plano ni Mayor Baste na mag-mandatory drug tests sa lahat ng mga opisina ng gobyerno sa Davao.
Ang YouTube channel na PINAS NEWS INSIDER (ginawa noong Dec. 26, 2015 at may higit 897,000 subcribers) ang nag-upload ng video na may higit 58,000 views at 2,200 online interactions.