Nagkamali si Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. sa pagtukoy sa International Criminal Court (ICC) bilang investigative body ng United Nations (UN). Ang ICC ay itinatag ng Rome Statute noong 1998 at independent mula sa UN.
PAHAYAG
Sa isang pagdinig noong Hunyo 6 sa pagsusuri ng mga kaso na may kaugnayan sa extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte, sinagot ni Abante, na namumuno sa House Committee on Human Rights, ang mga pahayag na ginawa ng legal counsel ng mga biktima ng drug war:
“Hinihiling ko lang na ‘wag n‘yong babanggitin ang ICC dito. ‘Wag niyong banggitin. ‘Wag, okay? Sapagka‘t wala kaming pakialam sa ICC at hindi namin hahayaan na pakialaman kami ng ICC. We are a sovereign country here, hindi ko isusuko ang pagkasoberano ng House na ito sa ICC. Hindi po bansa ang ICC, all right? Investigative body ng UN ang ICC. Tayo ay bansa, meron tayong demokrasya.”
(“Hinihiling ko lang na ‘wag n’yong babanggitin ang ICC dito. ‘Wag niyong banggitin. ‘Wag, okay? Sapagka’t wala kaming pakialam sa ICC at hindi namin hahayaan na pakialaman kami ng ICC. Tayo ay isang soberanong bansa dito, hindi ko isusuko ang pagkakasoberano ng House na ito sa ICC. Hindi po bansa ang ICC, okay? Investigative body ng UN ang ICC. Tayo ay bansa, meron tayong demokrasya.”)
Pinagmulan: House of Representatives of the Philippines official Facebook page, COMMITTEE ON HUMAN RIGHTS, Hunyo 6, 2024, panoorin mula 2:17:09 hanggang 2:17:47
ANG KATOTOHANAN
Ang ICC ay independyente sa UN at hindi nagsisilbing investigative body nito.
Ang Korte ay itinatag ng Rome Statute noong 1998 upang tingnan at litisin ang mga indibidwal na kinasuhan ng war crimes, genocide, mga krimen laban sa sangkatauhan at aggression.
Ang Pilipinas ay nasa ilalim ng pagsusuri mula noong 2018 dahil sa mga hinihinalang krimen laban sa sangkatauhan na ginawa sa ilalim ng digmaan laban sa droga ni Duterte. Ang pagsisiyasat ng ICC ay isinasagawa mula noong 2021 at ipinagpatuloy noong 2023 pagkatapos ng pansamantalang suspensyon.
Noong 2018, sa utos ng administrasyong Duterte, kumalas ang bansa bilang miyembro ng Rome Statute na nagkabisa noong 2019. Sa kabila nito, patuloy na pinananatili ng Korte ang hurisdiksyon sa mga krimen na sinasabing nangyari noong miyembro pa nito ang bansa.