Skip to content
post thumbnail

FACT CHECK: Hindi totoo ang sinabi ni Erwin Tulfo na ‘wala siyang nilinlang’

WHAT WAS CLAIMED

Si ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo ay hindi nanloloko o nanlinlang ng sinuman.

OUR VERDICT

Hindi totoo:

Inamin ni Tulfo na siya ay isang undocumented alien na iligal na nagtrabaho sa United States sa loob ng 10 taon, na pumasok siya sa bansa bilang isang turista.

By VERA Files

Jan 20, 2025

3-minute read

Translate

ifcn badge

Share This Article

:

Sa pagtugon sa mga ulat batay sa umano’y nag-leak na mga dokumento na nakuha niya ang American citizenship bunga ng pandaraya, sinabi ni ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na “hindi siya nang-scam… hindi nanlinlang” kaninuman.

Ito ay hindi totoo. Inamin ni Tulfo na siya ay isang undocumented alien na ilegal na nagtrabaho sa United States sa loob ng 10 taon, na pumasok sa bansa bilang isang turista.

PAHAYAG

Sa episode ng kanyang radio show na Punto Asintado Reload noong Enero 6, sinabi ni Tulfo, habang kausap ang co-host na si Aljo Bendijo:

Wala po akong nilabag na batas dito sa ating bayan, wala po akong nilokong tao, ni isang Filipino. Maging sa Amerika, noong nandoon po ako, wala po akong in-estafa, wala po akong ini-scam na mga Filipino, maging ang mga Amerikano. Wala po akong niloko. Yung nire-remit ko ho na pera dito ay galing po sa pagod at pawis ko, Bai Aljo. Iyan ho ang totoo, kaya hindi po ako nahihiya.”

Pinagmulan: PUNTO ASINTADO RELOAD (PAR) | ENERO 6, 2025, Enero 6, 2025, panoorin mula 49:32 hanggang 49:59

ANG KATOTOHANAN

Kumakalat sa social media ang pitong-pahinang liham na may petsang Okt. 11, 2022 na nagmula umano kay Michael W. Leach, deputy chief ng American Citizen Services at consul ng United States, at naka-address kay Erick Sylvester Tulfo.” Ang sulat ay nagdala ng isang abiso, “Binawi ng Department of State ang U.S. Passport number 566701788 na ibinigay kay [Tulfo] sa pangalan ni Erich Sylvester Tulfo, noong Agosto 6, 2021, kasama ang anumang iba pang may bisang mga U.S. passport na ibinigay sa iyo.”

Sinabi pa ng sulat:

An investigation revealed that Erich Sylvester Tulfo, born on December 30, 1965 in Hawaii is not your true identity. Evidence suggests that you are Erwin Teshiba Tulfo, born on August 10, 1963, in the Tacloban City, Leyte, Philippines. In fact, on June 27, 2022, you signed a voluntary statement that you were born in the Philippines, and you obtained your U.S. birth certificate by fraudulent means.” 

(“Ipinakita ng isang pagsisiyasat na si Erich Sylvester Tulfo, ipinanganak noong Disyembre 30, 1965 sa Hawaii ay hindi mo tunay na pagkakakilanlan. Iminumungkahi ng ebidensya na ikaw si Erwin Teshiba Tulfo, ipinanganak noong Agosto 10, 1963, sa Tacloban City, Leyte, Philippines. Sa katunayan, noong Hunyo 27, 2022, pumirma ka ng isang boluntaryong pahayag na ikaw ay ipinanganak sa Pilipinas, at nakuha mo ang iyong sertipiko ng kapanganakan sa U.S. sa pamamagitan ng mapanlinlang na paraan.”)

Nang tanungin ang tungkol sa pagiging makatotohanan ng liham, sinabi ng US Embassy sa Manila sa VERA Files na hindi ito makapagkomento sa mga bagay na may kinalaman sa citizenship dahil sa mga pagsasaalang-alang sa data privacy. Hindi nito kinumpirma o itinanggi ang sulat.

Tulfo quote card

Tumatakbo para sa Senado sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ng administrasyon, si Tulfo ay naharap sa diskwalipikasyon bilang miyembro ng Kamara noong Mayo 2023 dahil sa mga pagdududa sa kanyang citizenship. Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang kaso, at sinabing ito ay isinampa matapos ang proklamasyon ni Tulfo bilang kinatawan ng ACT-CIS party-list noong Marso 1, 2023.

Nagbigay si Tulfo ng magkasalungat na mga salaysay ng kanyang pananatili sa U.S. Sa episode ng kanyang palabas sa radyo noong Enero 6, sinabi niyang umalis siya ng Pilipinas noong 1986 patungo sa U.S. kung saan siya nag-overstay bilang isang undocumented immigrant. Sabi niya:

So, pumunta ako sa U.S. Embassy, nag-apply ako as turista, tourist visa… Umalis po ako ng Pilipinas para mag-TNT po ako sa Amerika. Tago nang tago. Ibig sabihin, undocumented po ako. Undocumented alien, undocumented OCW [overseas contract worker]… Noong ako hoy umalis noong 1986 dito sa Pilipinas, nag-TNT po ako roon.”

Pinagmulan: PUNTO ASINTADO RELOAD (PAR) | ENERO 6, 2025, Enero 6, 2025, panoorin mula 35:49 hanggang 37:05

Sa nabigong confirmation hearing para sa kanyang appointment bilang secretary of social welfare and development noong Nob. 22, 2022, sinabi ni Tulfo sa bicameral Commission on Appointments na nagtrabaho siya sa isang grocery store at kalaunan sa U.S. Department of Defense.

Tinanong ni CA member Caloocan City Rep. Oscar Malapitan si Tulfo kung tinalikuran niya ang kanyang Filipino citizenship nang siya ay sumali sa U.S. military.

Nagbabasa mula sa mga briefing paper na ibinigay ng CA, sinabi ni Malapitan na si Tulfo ay nagsilbi sa U.S. Army mula 1988 hanggang 1992.

Idinagdag ng isa pang miyembro ng CA na si SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta, na si Tulfo ay nakatalaga umano sa Europa mula 1992 hanggang 1996.

Sa pagtugon sa dalawang komento, humingi si Tulfo ng executive session para linawin ang impormasyon.

Sa kanyang programa sa radyo noong Enero 6, sinabi ni Tulfo na nagtrabaho siya sa U.S. sa loob ng 10 taon mula sa kanyang pagdating noong 1986, bilang isang assistant mechanic at driver para sa isang “base militar sa U.S.”

Tanging ang mga mamamayan ng U.S. at permanenteng residente, o mga may hawak ng green card, ang maaaring mapabilang sa U.S. Army. Ang opisyal na website ng gobyerno ng U.S. ay nagsasabing walang sinuman ang maaaring pumasok sa bansa para sumali sa militar o makakuha ng visa.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.