May Facebook picture na pinagmumukhang nagpadala raw ang America ng mga kagamitang pansundalo sa Pilipinas nitong June. Hindi ito totoo. Ang nasa picture ay mga padala ng America sa Ukraine noong 2022.
Mula noong June 23 ay may mga Facebook page at user na nag-post ng mga picture ng mga gamit na nilalagay sa eroplano at may caption na:
“Thousands of cargo are loaded onto a Boeing 737 aircraft at Travis Air Force Base, California on June 22, 2024. The plane will land at Clark military base in the Philippines in the near future.”
(Libo-libong gamit ang ikinarga sa eroplanong Boeing 737 sa Travis Air Force Base, California noong June 22, 2024. Ang eroplano ay lalapag sa Clark military base sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.)
Ang mga picture ay mga screenshot ng video na ini-upload noong June 23 ng YouTube channel na MILITARY INFORMATION na may pamagat at description ng parehong caption ng mga picture.
Nitong June 26 ay nag-post ang official Facebook page ng Armed Forces of the Philippines:
“Photos claiming to show a massive shipment of US military supplies to the Philippines are FALSE. These images were actually taken during a US aid delivery to Ukraine in 2022.”
(HINDI totoo ang mga picture na ipinagmumukhang may napakalaking padala ang America ng mga kagamitang pansundalo sa Pilipinas. Ang mga picture ay kuha sa pagpapadala ng America ng tulong sa Ukraine noong 2022.)
Kapag sinearch sa internet, madidiskubreng ang una at pangalawang picture ay galing sa video ng Dover Air Force sa Delaware noong foreign military sales mission para sa Ukraine noong Feb. 10, 2022.
Ang huling picture naman ay galing sa video ng humanitarian aid cargo sa Dover Air Force Base papunta sa Ukraine noong July 29, 2022.
Ang mga picture ay ipinakalat ilang araw pagtapos ng away sa Ayungin nitong June 17, kung kailan binangga na naman ng China Coast Guard ang humanitarian rotation and resupply operation ng Pilipinas sa military outpost ng BRP Sierra Madre.
Kinondena na ng America ang panghaharas ng China.
Noong 1951 ay pumirma ang Pilipinas at America sa Mutual Defense Treaty na nangangakong ang Pilipinas at Amerika ay magtutulungan kapag may umatake sa Pilipinas o Amerika.
Sinusubabayan ng VERA Files ang pagtaas ng maling impormasyon tungkol sa kakayahan ng sandatahang lakas ng Pilipinas at mga kakampi nito sa gitna ng tumataas na panghaharas ng China sa West Philippine Sea.
Mga Facebook user at page gaya ng War today (ginawa noong March 10, 2022) at Developing Philippines (Aug. 28, 2023) ang nag-post ng mga picture na may maling konteksto.