Editor’s note: The headline of this fact-check was updated to reflect the accurate translation of the claim rating.
Sinipi sa mga balita si Rep. France Castro ng ACT-Teachers (Alliance of Concerned Teachers) Partylist na tinuligsa ang “net pay” ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona Jr., na inilathala sa Commission on Audit (COA) 2023 Report on Salaries and Allowances (ROSA). Ang pahayag ay hindi tumpak.
PAHAYAG
Sinipi si Castro, deputy minority leader sa House of Representatives, sa mga ulat ng balita na may petsang Mayo 5 na nagsabi:
“It is utterly unacceptable that BSP Governor Eli Remolona Jr. takes home a net pay of P35.48 million, while our teachers are forced to live on a meager salary that is way below the poverty line.”
(“Lubos na hindi katanggap-tanggap na ang BSP Governor Eli Remolona Jr. ay nakapag-uwi ng P35.48 milyong netong suweldo, habang ang ating mga guro ay napipilitang mabuhay sa kakarampot na suweldo na mas mababa pa sa poverty line.”)
Pinagmulan: Inquirer.net, Castro: Castro: Salaries of BSP officials slap on struggling teachers’ faces, Mayo 5, 2024
Nasa Facebook page ng Alliance of Concerned Teachers ang mga balita noong Mayo 6.
ANG KATOTOHANAN
Nilinaw ng COA sa introduction nito sa 2023 ROSA na ang summarized compensation data na ipinakita ay “gross of tax,” taliwas sa pahayag na iniuugnay kay Castro, na naglalarawan sa P35.48 milyon na “net pay” ni Remolona.
Ang gross pay ay tumutukoy sa kabuuang kita ng mga empleyado bago ang mga bawas tulad ng mga buwis, benepisyo, o iba pang mga withholding. Ang net pay, sa kabilang banda, ay ang halagang natitira pagkatapos maisaalang-alang ang lahat ng pagbabawas.
Batay sa ulat ng COA, si Remolona ang opisyal ng gobyerno na may pinakamataas na sahod noong 2023.
Saklaw ng ROSA ang mga punong opisyal at governing board members ng mga korporasyon ng gobyerno at kanilang mga subsidiary, gayundin ang mga water district; mga cabinet secretary, undersecretary, assistant secretary, at iba pang opisyal na humahawak ng katumbas na posisyon sa burukrasya; at mga matataas na opisyal at miyembro ng lupon ng state universities at colleges at iba pang mga stand-alone na ahensya.
Gayunpaman, hindi kasama sa ulat ang mga halal na opisyal ng gobyerno, tulad ng pangulo, bise presidente, senador at mga kongresista.