May Facebook page na nagsasabing ang chairman ng Ayala Corporation na si Jaime Augusto Zobel de Ayala ay nanghihikayat daw na mag-invest sa cryptocurrency na “Tesler Code”. Peke ito.
Ini-upload nitong July 4, sinasabi ng video na:
“The entrepreneur Jaime Augusto Zobel, along with Elon Musk, invite you to participate Tesler Code, a financial investment program created jointly by both entrepreneurs to boost the national economy.”
Noong July 10 ay pinasinungalingan ito ng Ayala Corporation:
“We would like to inform the public that Mr. Zobel is not involved in any way and is not promoting ‘Tesler Code’ or any other cryptocurrency investment.”
Ang clip sa simula ng pekeng video ay pinagmumukhang may reporter na nagbalita tungkol sa pagkakasangkot ni Ayala sa Tesler Code.
Pero kapag hinanap sa YouTube, madidiskubreng ang totoong clip ay galing sa episode ng Business Outlook ng ANC noong June 12.
Sa totoong clip ay ibinabalita ng reporter na si Salve Duplito ang kaso laban kay Elon Musk, kung saan sinisingil ang Tesla CEO ng 30 bilyong dolyar sa mga ilegal daw na negosyo. Hindi nabanggit si Ayala sa balita.
Ang pekeng video ay nagpakita rin ng clip ni Ayala na wala sa totoong balita ng ANC. Kapag hinanap sa internet, madidiskubreng ang totoong clip ni Ayala ay galing sa YouTube channel na Inclusive Capitalism noong Sept. 19, 2023.
(Note: Pindutin ang picture para makita ang totoong source.)
Inupload ng Facebook page na Money Mastery ang pekeng video ay may higit 5,600 views. Ipinakalat ito anim na araw pagtapos sabihin ng Ayala Corporation na nagpaplano silang magpundar ng 15 bilyong piso mula sa paglalabas ng preferred shares.