May YouTube video na nagsasabing pinatalsik daw sa pagkasenador at ikinulong si Lito Lapid. Hindi ito totoo.
Inupload nitong July 4, ang video ay may pamagat na:
“MAYOR ALICE GUO, LITO LAPID PINATALSIK NA SA SENADO”
At ang thumbnail ay may nakasulat na:
“LAGOT NA! SENATOR LITO LAPID KULONG! NABUKING BIGBOSS PALA NG POGO AT PROTEKTOR NI MAYOR ALICE GUO”
Walang binigay na patunay ang video para suportahan ang mga sinabi nito sa headline at thumbnail. Nagpakita lang ito ng clip ng vlogger na nagsasabing si Lapid daw ay may ekta-ektaryang lupa sa Porac, Pampanga, kung saan may ilegal daw na POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) at sangkot daw ang senador.
Ang mga senador ay puwede lang masuspinde o matanggal kapag pinagkasunduan ng 16 o higit pang senador, ayon sa 1987 Constitution. Wala ring judge ang nagpakulong kay Lito Lapid.
Noong June ay itinanggi ni Lapid ang mga paratang sa kanya at sinabing magre-resign siya sa pagkasenador kung mapatunayang konektado siya sa mga krimen ng POGO.
Ang video ay patuloy na kumakalat ngayong linggo, nang patawan ni Sen. Risa Hontiveros ng contempt si Alice Guo at pitong iba pa dahil sa paulit-ulit na hindi pagsipot sa mga pagdinig ng Senado noong June 26 at July 10.
Ang video na ini-upload ng YouTube channel na TATAK TRENDING PH (ginawa noong Nov. 13, 2014) ay may higit 21,000 views at 680 comments. Ang thumbnail ay ini-repost din ng Facebook page na Showbizfinds (ginawa noong March 19, 2022).