May ipinakakalat na Facebook post na nagsasabing maniningil na ang Commission on Elections ng 3,000 pesos sa mga magpaparehistrong botante. Peke ito.
Ini-upload noong Aug. 12 ang post na may logo ng COMELEC at may nakasulat na:
“Announcement. Maniningil na ang Comelec ng 3,000 Pesos sa lahat ng mag papa rehistro. Walk in simula August 15, 2025. MAY BAYAD NA ANG MAG PA REHISTRO.”
Peke ito. Hindi galing sa COMELEC ang post, at libre pa rin ang pagpaparehistro ng mga botante.
Kinumpirma ni COMELEC spokesperson Atty. John Rex Laudiangco sa isang Viber message sa VERA Files noong Aug. 15 na peke ang post at page.

Pinasinungalingan rin ng totoong Facebook page ng COMELEC ang ipinakakalat na post, at nilinaw nilang karapatan ng mga Pilipino ang pagboto at walang bayad ang pagpaparehistro.
Sinabi rin ng COMELEC na iwasan ang pekeng page na Comelec Ph at i-follow ang totoong social media accounts ng COMELEC.
Nakalista rin sa website ng COMELEC ang mga kailangan at proseso ng pagpaparehistro ng mga botante.
Ang pekeng post ay may link sa e-commerce site. Klase ito ng pagbebenta kung saan gumagamit ng maling impormasyon para dalhin ang mga netizen sa website ng produkto.
Ang pekeng post ay ipinakalat isang araw pagtapos i-announce ng COMELEC na nakapagproseso sila ng halos 2.8 milyong botante para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections mula Aug. 1-10 na siyang itinalagang registration period.
Ipinagpaliban ni Pangulong Bongbong Marcos ang barangay at SK election sa November 2026 mula December 2025.
Pinasinungalingan na rin ng VERA Files ang iba pang pekeng post galing sa mga grupong nagpapanggap na COMELEC.
Ang pekeng post na ini-upload ng pekeng page na Comelec Ph (ginawa noong Aug. 11) ay may lagpas 165 interactions. Nai-share ito sa iba pang FB groups kaya lalo itong kumalat.