May text message na nagsasabing lahat ng mga Pilipino ay puwedeng makakuha ng ayudang P5,000 hanggang P8,000 galing sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Peke ito. Walang ganitong ayuda ang gobyerno.
Ang text ay unang ipinakalat noong nakaraang taon at ipinakalat ulit nitong Mayo. Sinasabihan nito ang mga residente ng kada barangay na tawagan ang mga phone number ng Department of Local Interior and Government (DILG) kung hindi nakakuha ng ayuda sa DSWD.
Ang pekeng ayuda ay lalong nakapanloko noong July dahil sa pinsala ng Bagyong Carina. Mula noon ay lalo pang dumarami ang nagshe-share ng text.
Noong Aug. 13 ay itinanggi ng official Facebook (FB) page ng DILG ang kumakalat na text at mga post at nilinaw na wala silang ganitong programa.
Noong July 31 naman ay nilinaw na rin ng official FB page ng DSWD na “walang katotohanan ang kumakalat na text”.
Ayon sa text:
“NEW UPDATE:
BASAHIN HANGGANG SA BABA.
ITO PO AY IMPORTANTE PARA SATIN.
Sa mga residente po ng bawat barangay kapag kayo po ay hindi na bigyan
ng 5k to 8k ay itawag nyo po agad sa “DILG”● 09274226300,
● 09150054533,
● 09167721668,
● HOTLINE # 925-0343.
ITO PO AY IMPORTANTE:
To all parents mag ask Kayo sa mga Barangay ninyo regarding this matter may form need to fill up.”
Ang pandalawang buwang ayuda ay ibibigay raw sa matatanda, may-kapansanan, buntis at nagpapadede ng sanggol, solo parent at mahihirap na pamilya, bukod sa iba pa.
Pinasinungalingan na rin ng DILG at DSWD ang post noon pang una itong ipakalat noong October 2023.
Ang cellphone number na 09274226300 at telephone number na 925-0343 ay ginamit ng DILG, habang ang dalawa pang nakalista ay walang patunay na mga phone number nga ng DILG o DSWD.
Ang DSWD ay may programang Assistance to Individuals in Crisis Situation na nagbibigay ng ayudang pangkalusugan, edukasyon, pagkain, pera, bukod sa iba pa, sa mga mahirap, may-kahinaan o nasa laylayan.
Matagal nang pinasisinungalingan ng VERA Files ang napakaraming post tungkol sa mga pekeng ayudang nagpapanggap na galing sa mga ahensiya at opisyal ng gobyerno.